News Update

Laban sa Asahi Glass Corp.: Salamin ng kalagayan ng obrero sa Pilipinas

Soliman A. Santos / Maricristh Magaling

BAGO pa man maipasa ang Jpepa (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) sa Senado, nagsimula na ang mga empresang Hapon na magsara ng mga planta nila sa bansa. Kabilang dito ang Ajinomoto Philippines Corp, kung saan may 271 manggagawa na apektado ng pagsasara.

Matapos lamang ang dalawang buwan, sumunod naman ang AGC (Asahi Glass Corp.) Flat Glass Philippines sa iskemang ito ng Ajinomoto. Pinasara ang Mirroring Department ng AGC na makakaapekto sa kabuhayan at seguridad sa trabaho ng mga manggagawa.

Noon at ngayon
Dating pag-aari ng mga Pilipino ang AGC. Naitayo ito noong 1956 at nagpasimula sa paggawa ng flat glass para makatipid sa dolyar sa pamamagitan ng import substitution. Mayroong humigit-kumulang  1,000 regular na manggagawa ang kompanya bago ito maging pag-aari ng mga mamumuhunan mula Hapon.

Noong dekada nobenta, nagkaroon ng joint venture ang RGC (Republic Glass Corporation) at AGC  at naging RAGC (Republic-Asahi Glass Corporation) ang pag-aari at pangalan ng kompanya.
Mula nang maging operasyonal ang RAGC, nagrereklamo na ng pagkalugi ang mga Pinoy na nasa manedsment nito. Pero ayon sa unyon, hindi ito dulot ng direktang gastusin sa operasyon. Bagkus, dulot ito ng matataas na bayad sa professional fee mula sa Japanese consultancy at sa mataas na imbentaryo ng gastos sa materyales, equipment, at spare parts mula sa Japan. Sa ganitong estratehiya, naging 100% pag-aari ng RAGC ang RGC.

Tuluyang nilamon ng RAGC ang RGC at nang lumaon ay napilitang ibenta ang bahagi ng huli sa AGC ng Japan.

Nilamon din ng AGC ang Casa del Sol Corporation sa Cabancalan, Mandaue, Cebu. Mula Pilipino at Hapon, naging eksklusibong TNC (transnational corporation) na nakabase sa Japan ang pagmamay-ari ng kompanya.

Sa ngayon, ang AGC Flat Glass Philippines ay pumapangatlo sa buong AGC, Ltd., Japan sa linya ng produksiyon ng flat glass.  Malaki ang kontribusyon nito sa buong Asya bilang ika-47 at ika-252 sa buong mundo.

Tanggalan at kontraktuwalisasyon
Dahil namuhunan ang AGC sa Pilipinas sa maskara ng joint-venture, daan-daang manggagawa ang nawalan ng trabaho at tumindi naman ang impormalisasyon ng lakas-paggawa sa pamamagitan ng iskemang labor-only-contracting, ayon sa Ragclu-Naflu-KMU (RAGC Labor Union-National Federation of Labor Unions-Kilusang Mayo Uno).

Patuloy din ang paglabag ng kompanya sa karapatan ng mga manggagawa sa tamang pasahod at benepisyo sa pamamagitan ng paggamit ng pleksibleng paggawa at streamlining.

Ang dating lakas-paggawa ng kompanya na 1,000 rank and file ay naging 175 na lamang. Napalitan ang 825 regular na manggagawa ng humigit-kumulang na 1,000 manggagawang kontraktuwal. Bumaba ang gastos ng kompanya pero dehado naman ang mga manggagawa.

Jpepa at ang manggagawang Pinoy
Talamak ang tanggalan at kontraktuwalisasyon sa kasalukuyan kahit hindi pa man inaprubahan ang hindi patas na kasunduan sa kalakal sa Jpepa.

Kahit sa Bataan Export Processing Zone na 41% na pag-aari ng namumuhunang Hapon niyurakan ang soberanya at batas mismo ng Pilipinas. Ang pangyayaring ito ay alinsunod sa batas sa Jpepa na ang batas na iiral sa loob ng kanilang mga pabrika ay ang batas ng Hapon.

Pinakamasama ang rekord ng mamumuhunang Hapon sa Pilipinas sa paglabag sa karapatang manggagawa.  Isa sa mga kaso nito sa Toyota, ang pagtanggi na ipatupad ang mga desisyon ng Korte-Suprema at maging ang mga rekomendasyon ng ILO (International Labor Organization).
Sa kabila ito ng pagtaas ng produksiyon sa planta dulot ng produksiyon ng solar glass at safety glass dulot ng Philippine Electric Vehicle production at Sunpower Investment ng Texas Instrument.

Sinabi rin ni Emmanuel Y. Go, presidente ng AGC Flat Glass Phils, itataas nila ang produksiyon nang 20% habang ang presyo ng solar glass ay tinatayang tataas sa 3 hanggang apat na beses.
Kahalintulad ng Jpepa ang kalagayang ito. Inoobliga nito ang lokal na mga mamumuhunan upang kunwari’y Pilipino ang magpapatakbo at aakayin ng malalaking mamumuhunan na mga TNC para maging kompetitibo sa pandaigdigang merkado. Sa gayon, mas pinatindi lamang ang pagsipsip sa ating yaman sa tuwirang pinansiyal na pamumuhunan at tuwirang pamumuhunan sa produksiyon habang niyurakan ang sahod, benepisyo, trabaho at karapatan ng mga Pilipinong manggagawa. 

Tindig ng unyon
Naging sunud-sunod ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa laban sa inanunsiyong pagsasara ng Mirroring Department sa Disyembre 14 ngayong taon. Naging dahilan ng kompanya ang anito’y tuluy-tuloy na pagkalugi, environmental compliance at pagliit diumano ng market share na taliwas sa pagpapalaki sa produksiyon nito.

Pumusisyon ang Ragclu-Naflu-KMU na ilipat sa iba’t ibang departamento kung magsara man ang Mirroring Department. Hindi dapat masakripisyo ang seguridad sa trabaho ng 23 apektadong regular na manggagawa dahil humigit-kumulang 1,000 ang bilang ng mga kontraktuwal na ginagampanan ang mga posisyong pangregular.

Tulad ng mga dating departamentong linyang Processed at Fabricated Glass na tinanggalan ng maraming regular na manggagawa na sinasabing lugi at magsasara, hanggang ngayon ay hindi pa nagsara at kumita pa ito ng dambuhalang tubo dahil pinalaki pa nang 140 tonelada kada araw ang produksiyon nito. Maaaring ganito rin ang plano ng kapitalista sa Mirroring Department, ayon sa unyon.

Nagsagawa ang mga manggagawa ng noise barrage sa Line Mechanical at Mirroring Department sa panahon ng coffee break sa mismong gawaan. Naging sunud-sunod ang ganitong klase ng kilos-protesta hanggang sa maghain ng notice of strike ang unyon noong Nobyembre 28. Noong Disyembre 7, nagkaroon ng strike vote referendum ang mga manggagawa. Nanalo ang botong “Oo sa welga” - 166 habang 12 lamang hindi sang-ayon at 3 ang hindi nakaboto.

Nanindigan ang unyon na dapat respetuhin ng AGC ang security of tenure ng mga manggagawang nagsasampa ng limpak-limpak na tubo sa mga kapitalista.