News Update

Mag-ingat sa ilegal na rekruter (Huli sa dalawang bahagi)

in
Connie Bragas-Regalado

BIKTIMA rin ng ilegal na rekruter si Randy na taga-South Cotabato. Nirekrut naman siya ng kapitbahay. Naunang umalis ang kanyang asawa sa Jordan. Nabangkarote ang kanilang negosyo at lubog sa utang. Binenta ang kanyang traysikel sa halagang P28,000 para may panggastos. Sa Dammam ang kanyang destinasyon.

Pagdating niya sa Maynila, dumiretso siya address na binigay ng rekruter na nagngangalang Hannah at nalaman ko isa siyang hostel na kung saan nakatira doon ang mga na-rekrut. Noong nagpamedikal siya, nalaman niya na ang agency niya ay ALAWAL EL International Manpower Agency pero itong Hannah ang umuugnay sa kanya.

Noong ika-27 ng Oktubre, pumunta ako sa airport (araw na raw ng kanyang lipad papuntang Dammam), kasama si Hannah. Maya-maya pa, dumating ang nagngangalang Tess na may dala ng mga papeles niya. Pumasok siya sa departure area na ang tanging dala ay passport lang at visa. Wala siyang tiket. Pinapila siya sa airline counter, inabot ang passport at visa at nang ibinalik ang mga ito, may tiket na. May kulang uli sa papeles niya. Katulad ni Perla, wala siyang papel mula sa POEA. Pinabalik siya sa Labor Assistance Center ng POEA sa loob ng airport. Doon nga niya natiyak na hindi siya makakaalis. Pinasulat siya sa isang papel, na sa palagay ko complaint form. Sinulat niya ang lahat ng gastos niya, kinuha sa kanya ang pasaporte at visa ng POEA. Binigyan siya ng kopya ng kanyang sinulat at sinabihan na kunin niya sa POEA main ng Nobyembre 5. Paglabas niya sa airport binanggit niya kay Tess ang nangyari at kunin na lang niya ang dokumento sa POEA main. Banggit ni Tess, huwag na dahil may mag-asikaso na. Parehong walang kontrata si Perla at Randy.

Tumawag ang kanyang asawa na nasa Kuwait, at sinabi na huwag na siyang tumuloy baka mangyari ang nangyayari sa kanya. Biktima raw siya ng ilegal na rekrutment. Banggit pa ng asawa, gawin na ang lahat ng paraan na ma-reskyu siya sa kanyang kinalalagyan. Problema, hindi alam ng asawa ni Randy kung saan siya naroroon.

Nagdesisyon si Randy na tumakas na sa hostel at sumama nga itong si Perla. Nais pang sumama sa kanila ng lima pang biktima na nakatira sa hostel.

Malinaw na biktima ng ilegal na pagrekluta ang tatlo (kasama ang asawa ni Randy). Ilegal ang aktibidad ng rekruter kung siya ay isang indibiduwal. Umiikot sa mga baryo at kumakatok sa mga pintuan ng mga bahay ninyo. Kahit pa lisensiyado ang ahensiya, maaari itong magbukas ng mga branch sa mga probinsiya kung may espesyal na permiso sa administrador ng POEA. Ibig sabihin lang nito, maaari lamang magsagawa ng transaksiyon ang isang ahensiya sa opisina kung saan nakasaad ang address nito sa mga lisensiya nila. Ilegal laluna ang mga indibidwal na rekruter. Huwag din kayong umalis na walang kontrata.

Mga paalala rin, na ang gumagawa ng ilegal na mga aktibiti ay hindi lamang mga indibidwal rekruter o walang lisensiya. Gumagawa rin ng ilegal na mga gawain ang mga lisensiyadong ahensiya. Maari nyong i-tsek sa POEA kung meron bang job order sa mga posisyon na inyong inaaplayan. Sa mga nag-aaplay bilang domestic worker, caregiver at caretaker, wala na kayong placement fee. Sa ibang kategorya, ang dapat lang na babayaran ninyo ay equivalent sa one month salary. Kailangan din kayo ng humingi ng mga resibo sa lahat ng ibinabayad ninyo sa ahensiya. Mag-ingat sa mga ilegal na mga gawain ng lisensyado, di lisensyado at indibidwal na rekruter.

Kung kayo ay biktima, lumabas at magsalita kaagad at iparating sa mga kinauukulan ang nangyari, nang sa gayon, ay makatulong tayo sa pagsugpo nitong problema nating lahat, ang mga ilegal na rekruter.