News Update

Paglaya ni Jalosjos, pagyurak sa laban ng kababaihan laban sa karahasan sa kababaihan

Gertrudes Ranjo-Libang

Naku mga mare, muli na namang napatunayang walang maaasahan tayong mga kababaihan sa babae nating presidente. Noong Sabado, pumutok ang balitang palalayain na si Jalosjos, ang kongresistang napatawan ng dalawang habambuhay na sentensiyang pagkabilanggo dahil sa pag-rape ng 11 taong gulang na batang babae. Ito ay katumbas ng 80 taong pagkabilanggo. Kaso, ang sentensiyang ito ay pinababa ni Pangulong Macapagal-Arroyo sa 16 na taon noong Abril. Ibig sabihin 64 taon ang inalis sa sentensiya ni Jalosjos! Noong Disyembre 17, ang araw kung kailan raw siya ay palalayain, si Jalosjos ay nakulong pa lamang ng 13 taon, 7 buwan at 25 araw.

Muli, inagaw ni Macapagal Arroyo ang nakamit na tagumpay ng kababaihan laban sa karahasan sa kababaihan. Kung naaalala ninyo, Disyembre rin noon 2006 nang mailipat si Smith, ang sundalong Amerikano na napatunayang nang-rape ng isang Pilipina, sa embahada ng US mula sa bilangguan ng Makati. At pagpasok ng 2007, nailabas rin si Smith mula sa embahada patungo raw ospital. Hanggang ngayon, walang nakakaalam kung nakakulong nga sa embahada ng U.S. sa Pilipinas itong si Smith. Siyempre, ang mga paglilipat na ito ay pinayagan rin ni Macapagal Arroyo.

May tatlong dahilang ibinigay sa pagpapaikling ito ng pagkabilanggo ni Jalosjos - siya ay 67 gulang na, siya ay maysakit, at maganda ang kanyang naging rekord sa loob ng preso. Pero alam naman natin, mga mare, na pulitikal ang dahilan ng pagpapaikling ito; ang pamilya yata ni Jalosjos ay masugid na suporter ni Macapagal-Arroyo. Pulitikal rin ang dahilan kung bakit sa embahada ng U.S. at hindi sa Bilibid nakakulong si Smith.

Aba’y mas maraming di hamak na mas matanda kaysa kay Jalosjos na nakakulong sa Bilibid. Dalawampu’t tatlo ang nakakulong sa Bilibid na 70 taon at higit pa ang gulang; ang dalawa nga sa pinakamatanda ay may edad nang 85 at 82 taong gulang.

At kung maysakit na bilanggo ang pag-uusapan, nandiyan si Angie Ipong, isang 64 taong gulang na peace advocate na nakakulong sa Pagadian. Kung tutuusin walang ginawang krimen si Ipong; ang buong buhay nga niya ay kanyang ginugol sa paglilingkod sa kapwa laluna sa mga mahihirap na magsasaka.

Kaso, mga mare, walang pulitikal na pagkakautang si Macapagal-Arroyo sa iba pang bilanggong ito; si Ipong pa nga ay tumutuligsa sa kanya. Kaya hindi sila nakakakuha ng konsensiyong katulad ni Jalosjos.

Ang ibig sabihin lang nito mga mare, ang tangi nating maaasahan sa ating paglaban sa karahasan sa kababaihan ay ang ating mga sarili. At hindi natin dapat na tahimik na tanggapin ang napipintong paglayang ito ni Jalosjos. Sa katunayan, kung hindi nabuking baka napalaya na nga ng madaling araw ng Disyembre 17 si Jalosjos gayong maski sa kanyang pinababang sentensyang 16 na taon, siya ay makakalaya lamang sa 2009. Huwag nating pabayaang maisahan na naman tayo ni Macapagal-Arroyo, ang babaing presidente na hindi makababae.