News Update
Sentosa 27++: Palabang nars sa Amerika
Nang dumating ang mahigit 27 Pinoy na nars sa Kennedy Airport sa New York, USA mula sa Maynila noong Nobyembre 2005, akala nila’y simula na ng katuparan ng kanilang mga pangarap.
Tulad ng napakaraming kababayan, tumungo sila sa Amerika para sa mas magandang buhay para sa pamilya. Pero ipinagkanulo diumano sila ng ahensiyang pinagkatiwalaan nila ng kanilang buhay.
Isa si Elmer Jacinto sa mga dumating sa New York noong panahong iyon. Tulad ng marami sa Pilipinas, doktor si Elmer na gustong magtrabaho sa US bilang nars dahil mas mataas ang suweldo. Pero di simpleng doktor si Elmer: noong 2004, topnotcher siya sa medical board examination sa bansa.
Kumpiyansa si Jacinto at ang iba pa sa ahensiya, ang Sentosa Recruitment Agency o SRA. “Direct hiring” ang ipinangako ng SRA sa mga hahawakan nitong nars na magtatrabaho sa Amerika. Ibig sabihin, direktang kokontratahin at ipepetisyon ng isang nursing home ang mga nars. Nangako rin ng sari-saring benepisyo ang SRA: suweldong $21 hanggang $35 kada ora, medical at dental coverage, pabahay, insurance, may bayad sa ilang araw na nasa bakasyon at tuwing maysakit, komprehensibong pagsasanay, at iba pa.
Bago makarating ng US, pumirma si Elmer ng kontrata na nagsasabing direkta siyang kukunin ng Franklin Center, isang nursing home sa New York. Pero pagdating ng US, sinabihan siya at ang iba pang nars na Pinoy ni Francis Luyun, may-ari ng SRA, na di sila maaaring direktang tanggapin ng kani-kanilang nursing home na pinagpirmahan ng kontrata.
“Lumalabas na nagtatrabaho rin si G. Luyun bilang nangongontrang rekruter ng isang nursing employment agency na tinatawag na Prompt Nursing Employment Agency na kilala ring Sentosa Services,” ayon kay Atty. Felix Vinluan, isa sa mga abogado ng mga nars.
Sa sumunod na mga araw, napag-alaman ng mga nars na malayo sa ipinangako sa kanila ang magiging trabaho nila sa US.
Niloko?
Kinuha ng Sentosa Services sina Elmer bilang kontraktuwal na mga nars para sa sineserbisyuhan nitong mga nursing home. Ayon kay Vinluan, napilitan umano ang mga nars na tanggapin ang trabaho kahit hindi iyon ang ipinangako sa kanila. Sa pagtagal nila nang aabot sa isang buwan sa Amerika nang walang trabaho, marami sa kanila ang nagastos na ang baong pera.
Noong unang mga buwan, libre sa tirahan pero siksikan ang mga nars sa bahay. Marami ang natutulog sa malamig na semento. Hindi rin daw maganda ang heating system. Ang ilan ay napilitang magtrabaho bilang clerk, na mas mababa pa ang suweldo sa nars.
“Kahit na nakapagtrabaho ang mga nars sa Sentosa Services, pagkarating nila sa US ay wala silang karanasang magtrabaho dito,” paliwanag ni Vinluan. Ang masama pa, hindi agad inasikaso ang mga lisensiya nila bilang nars sa US, kung kaya nanganib na mahuli sila ng gobyerno ng US.
Bukod pa, ayon kay Vinluan, ang panganib sa mga pasyente dahil kulang pa ang karanasan nila bilang nars sa mga nursing home. “Tandaang walang nursing home-nursing home sa Pilipinas,” ayon kay Vinluan.
Ayon kay Vinluan, inireklamo ng mga nars ang kanilang sitwasyon kina Luyun at Bent Philipson, chief operating officer ng Sentosa Care. “Pero hindi maayos na natugunan ng mga ito ang hiling ng mga nars,” sabi pa ni Vinluan.
Dahil sa kapalpakan ng Sentosa, lumapit ang mga nars kay Vinluan. Di lumaon, nagdesisyon silang magbitiw sa kani-kanilang mga nursing home. Ikinagalit ito ni Luyun at ng mga may-ari ng mga nursing home.
Kasong sibil at ang kakutsabang POEA
Kasabay ng pagsasampa ng kasong diskriminasyon ng mga nars kontra sa Sentosa, inihabla naman ng Sentosa ng kasong sibil ang mga nars. Sinabi ng Sentosa na pinabayaan daw ng mga nars ang kanilang trabaho, na nagdala ng panganib sa mga pasyente nila.
Pero sa artikulong lumabas sa pahayagang Newsday sa New York noong Setyembre, sinabi ni Marlene Fazio, dating superbisor sa Avalon, isang nursing home na pinagtatrabahuan ng mga nars, hindi naman nanganib ang mga pasyente.
“Wala namang naging kaguluhan,” sabi ni Marlene. May tao namang agad na naipalit ang Avalon sa mga nagbitiw na nars.
Samantala, inireklamo ng mga nars ang SRA sa POEA (Philippine Overseas Employment Administration) sa Pilipinas. Noong Mayo 24, 2006, nagsumite ng preventive suspension order ang POEA laban sa SRA. “Pero sumulat ang patron sa pulitika ng Sentosa na si Sen. Chuck Schumer ng New York sa noo’y Sek. Pat Sto. Tomas ng Paggawa at kay Rosalinda Baldoz, administrador ng POEA,” sabi ni Vinluan.
Tumawag naman si dating Presidential Chief of Staff Mike Defensor sa Konsul ng Pilipinas sa New York na si Cecilia Rebong at kay Baldoz. Di nagtagal, iniurong ni Baldoz ang suspension order.
Labang para sa migranteng Pinoy
Sa kasalukuyan, nakabimbin pa rin ang apela ng mga nars sa POEA at sa gobyerno ng US. Habang hinihintay nila ang mga taong ito, patuloy ang paglalantad ng mga sumusuportang organisasyon, pangunahin ang Migrante International at Nafcon (National Alliance for Filipino Concerns) sa US - sa pakikipagsabuwatan diumano ng Sentosa at ilang opisyal ng US at Pilipinas.
Noong Nobyembre 22, 2007, inilunsad sa Amerika at Pilipinas ang Justice for Sentosa 27++ Campaign, para tulungan ang kaawa-awang mga nars. Ang orihinal na bilang ng mga nagreklamo sa Sentosa ay 27, pero dumami ito nang malaon.
Para kay Vinluan, di na simpleng laban ito ng iilang nars na Pinoy. Kailangan umanong maipakita na hindi maaaring lokohin o salaulain ng mga rekruter o ng anumang gobyerno ang karapatan ng mga migranteng tulad nina Elmer.
Magandang ehemplo ito para sa mga migrante kung paano lumaban.
RSS