News Update

Tips sa pamimili ng pamasko

Manuela Sanchez

Sa kabila ng hirap ng buhay dahil sa mga pagtaas ng pangunahing mga bilihin, halos abala ang lahat sa pamimili. 

Ngayong mga panahong ito, dagsa ang mga tao sa mga mall. Pero dumarami lalo ang mga pumupunta ng Divisoria, siyempre para makatipid ngayong Pasko. Mura kasi ang mga bilihin dito, mula sa panregalo sa mga inaanak, kaibigan, mahal sa buhay at hanggang sa mga kakailanganin sa Noche Buena. 

Abala na rin ang lahat sa pamimili ng mga dekorasyon sa bahay tulad ng naglalakihan at makukulay na parol, Christmas lights, Christmas tree,at iba pa.  

Tradisyon na sa mga Pinoy na maging masaya ang Pasko. Maraming handa, at kahit na hirap na hirap sa buhay, bago ang isusuot na damit lalo na ng mga bata. Tiyak na pista sa hapag-kainan kahit minsan lang sa isang taon.  

Sangkatutak din ang regaluhan sa mga inaanak, kamag-anak, kaibigan, kaopisina at pati mga nangangaroling. Sa madaling sabi, galante ang mga Pinoy kapag Disyembre kaya naman kahit mahal ang bilihin at nagtaas ng presyo ang ibang mapagsamantalang negosyante ay parang hindi ito pinapansin ng mga tao.  

Okey lang naman kung gagastos sa Pasko, huwag lang sairin ang bulsa. Tandaan! may buhay pa rin pagkatapos ng Pasko at dapat pa ring paghandaan ang pang-araw-araw na gastusin.  

Narito ang ilang tips para naman makatipid kahit kaunti sa pamimili ng mga pamasko: 

Gumawa ng listahan

Bago mamili ng mga bagay-bagay para sa darating na Pasko, tularan natin si Santa Claus: Mas makakabuting ilista muna ang mga kakailanganin. Kung mamimili ng mga ireregalo, mas maigi rin kung isipin at ilista kung sinu-sino ang mga taong pagbibigyan.  

Mamili ng pamimilihan

Makakatulong kung aalamin muna ang lugar o shopping mall na inyong pupuntahan bago kayo sumugod. Magtanung-tanong muna sa mga kaibigan o kakilala kung saan ba murang mamili. Maaari ring magbasa o mag-internet muna tungkol sa pamimili ngayong Pasko. Tandaan lamang na  sa mall, hindi maaaring tumawad, pero sa mga bangketang katulad ng sa Divisoria, karaniwang kalakaran na ang tawaran.

Siguraduhin ang oras ng pamimili

Sinumang napadpad ng Divisoria at Greenhills ng Sabado o Linggo ng gabi, alam ang halaga ng tip na ito. Hangga’t kakayanin, huwag itapat sa araw ng suwelduhan, Sabado o Linggo.

Pero mahalaga ring itapat ang pamimili sa panahon kung saan libre kayo. Ayusin ang inyong iskedyul. Mahirap magmadali sa pamimili, baka di sulit ang mabili.

Itsek ang presyo

Hindi kailangang mahal ang mga gamit na inyong bibilihin. Maging masinop sa inyong pera. Pumili ng mga murang produkto pero may kalidad. Mas mabuti kung sa Divisoria, Greenhills, Cubao, o sa public market pupunta. Hanapin ang mga tindahang may may sale para makamura. 

Maging maingat

Kapag nakapamili na, ingatan ang inyong mga dala-dalahan. Kailangang bantayang maigi ang inyong mga gamit lalo na kung may kasama kayong mga bata. 

Iwasan ang pagbitbit ng maraming shopping bag upang hindi mahirapan sa pagbubuhat at baka malimutan pa ang iba rito. Kung kakayanin, magdala ng malaking bag para iisa lang ang bitbit. Huwag basta iwan ang mga ito sa counter ng tindahan, sa sahig o kaya sa restroom. 

Huwag i-display sa tao ang perang inyong dala. 

Iwasang magsuot ng alahas. Hangga’t maaari, iwasang maglabas ng cellphone. Dahil makikisiksikan ka sa mga bangketa, mas mainam na magsuot ng komportableng damit. Huwag masyadong japorms. Takaw-pansin sa magnanakaw o holdaper ang masyadong mapormang suot.

Humingi ng tulong sa mga tao o security guard kung may hindi magandang nangyari habang kayo ay namimili.