News Update

Away ng mga dambuhala

Noel Sales Barcelona

HALOS oras-oras ang paghingi nila ng pang-unawa buhat sa kanilang mga manonood. Ang sabi ng GMA-7, kailangan nilang idemanda ang kalabang estasyon (ABS-CBN) dahil sa paninira sa kredibilidad ng mga "kapuso." Tugon naman ng ABS-CBN, dapat mabatid ng mga manonood ang katotohanan hinggil sa pandaraya diumano sa rating ng kabilang estasyon.

Para patunayan ito, paulit-ulit na ipinalalabas ng ABS-CBN ang kanilang mga testigo para patunayan ang akusasyon nilang binibili ng GMA-7 ang kanilang mga parokyano. Sabi ng ABS-CBN, P500 ang ipinamumudmod ng kalabang estasyon sa mga panel home (mga kinakabitan ng black box na pangkuha ng television rating) para sa kanila manood.

Kung tutuusin, hindi na bago ang ganitong senaryo. Dahil noon pa mang 2006, matindi na ang labanan ng rating at reklamo hinggil sa cable and non-cable ratings ng mga palabas sa magkabilang estasyon.

Sa pula, sa puti

Siyempre, todo-tanggi ang dalawang panig na may ginawa silang pandaraya manipulasyon sa ratings.

Sa sulat na nakalap ng PINOY WEEKLY na buhat sa ABS-CBN Sales Department at nilagdaan ng hepe nitong si Jose Agustin Reyes Jr., sinabi nitong walang dayaang nagaganap sa rating gaya nang ibig palabasin noon ng GMA-7. Aniya, walang bubuwit na naglalabas ng resulta ng overnight rating noong Oktubre 4, 2006.

Subalit aminado si Reyes na may reklamo rin sila sa AGB Nielsen Research, Inc., ang opisyal na tagatantos ng ratings. Ang kaibahan lang ng ginagawa ng ABS-CBN, sabi ni Reyes, may kongkretong batayan sila para magreklamo.

Sa sulat na ipinadala nila sa ABS-CBN na may petsang Nobyembre 3, 2006, naninindigan ang AGB Nielsen sa kredibilidad ng kanilang datos. Anila, hindi nila maaaring isantabi ang kanilang kalagayan bilang nangungunang tagakuha ng television ratings sa bansa.

Higit na uminit ang isyu nang makapanayam ng midya si Maya Reforma, general manager ng AGB Nielsen hinggil sa isyu ng dayaan sa rating nitong nakaraang taon. Sa ulat ni Junrie Hidalgo, korespondent ng DZMM, ang estasyon ng radyo ng ABS-CBN, sinabi nitong umamin si Reforma na ang GMA-7 ang tuwirang may kinalaman sa nagaganap na pandaraya sa ratings.

Agad na tumugon ang GMA-7 at sinabing may ginagawa ring manipulasyon ang ABS-CBN at nagawa pa nitong bayaran ang ilang manonood ng P300 at isang bag ng grocery. Sabi pa nga tagline ng isang anunsiyo ng GMA-7, hindi mabibili ang mga "kapuso" ng P300 at bag ng grocery.

Nang dahil sa patalastas

Para kay Prop. Rose Feliciano ng Department of Broadcasting sa College of Mass Communication ng Unibersidad ng Pilipinas, normal na sa komersiyal na brodkasting ang kompetisyong tulad nito. Hindi umano maiiwasang magkagulo sa rating ang dalawang estasyon dahil dito ibinabatay ng mga nagbebenta ng mga patalastas ang kanilang pamumuhunan sa ere.

"Kaya nga nakapokus talaga sila riyan (sa ratings)," paliwanag ni Feliciano sa PINOY WEEKLY.

Gayunman, nasabi niyang hindi na katanggap-tanggap ang nagaganap na awayan sa pagitan ng dalawang estasyon hinggil sa ratings. Aniya, tila na nakakasawa na dahil halos oras-oras, kaliwa’t kanan ang kanilang pagpapaliwanag ng kanilang tindig sa isyu at gayundin, ang pagtatanggol nila sa kanilang mga sarili.

"Dapat ayusin na lamang sa pagitan nila iyong gusot nila. Hindi iyong parang sa publiko sila naglilinis ng kani-kanilang dumi. Sinasabi ko ito, hindi bilang isang propesor sa pangmadlang komunikasyon kundi bilang ordinaryong manonood," ani Feliciano.

Subalit, aniya, kung ibig nilang isapubliko ang anumang napagkasunduan o napag-usapan nila, malaya naman nilang maisasagawa iyon.

Hindi naman naniniwala si Feliciano na isang anyo ng pag-apela para makisimpatya ang publiko sa magkabilang-panig ang ginagawa ngayong pag-aanunsiyo ng tindig ng magkabilang estasyon hinggil sa isyu.

Sa kabilang banda, may kabutihan din namang dulot sa mga manonood ang nagaganap na banggaan ng dalawang estasyon ukol sa ratings.

Aniya, dahil sa nagaganap na paliwanagan hinggil sa ratings, lumilinaw ngayon sa publiko kung ano ang tunay na kahulugan ng ratings at kung para saan at para kanino ito.

"Matagal nang misteryoso sa publiko iyang ratings na ‘yan pero ngayon, mas natatanggap na at nauunawaan na ng publiko kung ano ito," paliwanag ni Feliciano.

Lumalabas na ang magandang dulot lang ng walang-humpay na bangayan ng dalawang estasyon ay ang lalong paglalantad ng tunay na kalakaran sa komersiyal na telebisyon.


Paano kinuha ang ratings?

PAGSUKAT sa antas ng panonood sa isang programa sa ibinigay na oras ang tinatawag TV rating at audience share.

Sa lokal na industriya ng telebisyon, ang TVRC (Television Research Council) ang siyang namamahala sa pagsasagawa ng pagsasarbey sa ratings ng mga estasyon. Binubuo ang lupon ng TVRC ng mga TV network din at sila rin ang nagpopondo rito. At ang nangunguna ngayong taga-sarbey, ang naging kontrobersiyal na AGB Nielsen Media Research (Philippines), Inc.

Paliwanag ni Prop. Rose Feliciano sa PINOY WEEKLY, matagal na ang ratings. Sabi nga niya, simula’t sapul, naririyan na iyan. Subalit hindi na niya magagap sa isip kung anong eksaktong petsa nagsimula ang ratings game.

"Noong araw, bago ang black box, iba-iba ang technique na ginagamit. Naririyang tatawagan ka nila sa isang partikular na oras at itatanong sa iyo kung ano ang pinapanood mo," aniya.

Matapos na makuha ang estadistika, tatantusin ito at saka ilalabas kung anu-anong programa ang nangunguna sa oras na iyon.