News Update

Bagong UP Charter, aprubado na

in
Ilang-Ilang Quijano

TINAGURIANG tagumpay ng komu-nidad ng UP (Unibersidad ng Pilipinas) ang probisyon sa bagong UP Charter na nagbabawal sa pagbebenta ng lupain ng unibersidad sa pribadong sektor.

Noong Enero 28, inaprubahan ng bi-cameral conference committee ng Kongreso ang bagong UP Charter halos limang taon simula noong unang ipinanukala ni Sen. Francis Pangilinan.

Nilabanan ng komunidad ng UP ang orihinal na panukala ni Pangilinan na umano’y pabor sa komersalisasyon ng edukasyon.

Pinuri ng Stand-UP (Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP) ang pagsama sa bagong UP Charter ng mga reporma para sa demokratisasyon ng unibersidad.

Kabilang dito ang mas malawak na representasyon sa Board of Regents ng iba’t ibang sektor, tulad ng di-akademikong istap, na kokonsultahin sa mga isyu gaya ng pagtaas ng matrikula at pagbebenta ng mga ari-arian ng unibersidad.

Sa bagong UP Charter, inalis din ang mga guro sa saklaw ng Salary Standardization Law.

Naglaan pa ang komite ng P100 Milyong dagdag na badyet para sa UP sa susunod na limang taon simula 2009, na tinawag na Centennial Fund.