News Update
Energy Summit, magastos na palabas
MAGASTOS na palabas lamang na pang-akit ng dayuhang mamumuhunan ang Energy Summit na inorganisa ng DOE (Department of Energy), habang binabalewala naman ang suliranin ng taumbayan sa mataas na presyo ng langis, ayon sa Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).
Duda ang Bayan na matatalakay ng mga organisador ng summit ang lehitimong hinaing ng taumbayan, kabilang na ang mataas na presyo ng langis at pagkontrol sa presyo nito dahil nakatakda na umano ang resulta ng naturang summit.
Nagsagawa ng piket ang Bayan at alyadong mga organisayon
nito sa SMX Convention Center noong Enero 29 para batikusin ang balangkas ng
energy summit ng gobyernong Arroyo. Nagsimula sa naturang araw ang summit at
magtatapos sa Pebrero 5.
Ayon kay Arnold Padilla ng public information department ng Bayan, bahagi lamang ang summit ng medium term energy program ng gobyernong Arroyo na nakaangkla sa pribatisasyon at dayuhang kontrol sa lokal na pinagkukunan ng enerhiya kabilang na ang langis, natural na gas at renewable energy.
Binigyang-diin pa ng Bayan na ang programa ring ito ang ipinatutupad ng gobyerno mula pa noong dekada ‘90 na nagpalala lamang sa seguridad ng enerhiya sa bansa.
Ito rin umano ang dahilan kaya tinanggihan ng Bayan ang imbitasyon ni Kal. Angelo Reyes ng DOE na maging isa sa mga reactor sa summit.
Nanindigan ang Bayan na higit na makatutulong kung tatanggalin ang 12% VAT (value added tax) sa langis at kontrolin ang presyo ng nito sa pamamagitan ng pagbabasura sa Oil deregulation Law.
Hindi rin naniniwala ang Anakbayan, militanteng alyansa ng kabataan, na nakapaghain ng solusyon sa lumalalang krisis sa presyo ng langis sa bansa ang energy summit na pinangunahan ng Malakanyang.
Naglunsad ng pambansang petisyon ang Anakbayan para pigilan sa papataas na presyo ng langis, tanggalin ang Batas para Deregulasyon ng Langis at pagkansela sa RVAT (Revitalized Value-Added Tax) sa iba’t ibang produktong petrolyo.
Iginiit naman ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran na kinakailangan ang kagyat na reporma sa gobyerno na siyang maniniguro na ang presyo ng langis ay nasa pagbabantay ng gobyerno at hindi ng pribadong mga kompanya.
Samantala, dumaraming mga mambabatas ang pumapabor na tanggalin ang 12% VAT sa mga produktong petrolyo.
Itinutulak ni Sen. Mar Roxas, tagapangulo ng Senate Committee on Trade on Commerce, ang Senate Bill 1962 na layong magbigay ng anim na buwang suspensiyon sa VAT.
P4 kada litro sa mga produktong petrolyo at P11 bawat tangke ng LPG ang matitipid ng mga konsiyumer kapag inalis ang VAT.
Inihain naman nina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Teddy Casiño ng ang House Bill 3442 na layong permanentang tanggalin ang VAT sa langis.
“Inumpisahan na namin ang proseso ng pagtanggal ng VAT sa langis na maaari lamang magmula sa Kamara. Alam ng lahat ng mga mambabatas na kapag wala ito (HB 3442), hindi magbubunga ang anumang panukala mula Senado,” sabi ni Casiño.
Nanawagan ang kongresista kay Rep. Mikey Arroyo, tagapangulo ng House Committee on Energy, na upuan ang nasabing panukalang batas.
Dagdag naman ni Roxas, dapat iutos na ni Pangulong Arroyo ang pag-alis sa VAT sa mga produktong petrolyo para kagyat na mabigyang-alwan ang mga konsiyumer.
Ilang-Ilang Quijano / Angelika Soto / Abigail Bernardino
RSS