News Update

Lider-magsasaka inaresto sa Negros

in
Soliman A. Santos

MARIING kinondena ng KMP (Kilusang Magbu-bukid ng Pilipinas) ang pag-aresto sa isa sa kanilang mga pambansang lider noong Enero 28.

Dinakip ng mga pulis bandang alas-singko ng hapon noong Lunes sa Brgy. Calumangan, Bago City, Negros Occidental, si Randall Echanis, 60.

Si Echanis ay pambansang pangalawang kalihim para sa ugnayang panlabas ng KMP.

Nasa Negros si Echanis para sa isang kumperensiya sa tunay na repormang agraryo na inilunsad ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura at National Federation of Sugar Workers. Paghahanda umano ito para sa National Rural Congress na ipatatawag ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa Hulyo ngayong taon, sabi ni Rafael Mariano, tagapangulo ng KMP.

]Naniniwala si Mariano na si Echanis ang unang biktima ng ekstensiyon ng panunungkulan ni Hen. Hermogenes Esperon bilang hepe ng Armed Forces of the Philippines at ng banta nitong durugin ang mga kritiko ng gobyerno.

Dinakip si Echanis gamit ang mandamyento de aresto na ginamit ng Department of Justice sa pag-aresto kay Bayan Muna Rep. Satur Ocampo noong nakaraang taon.

Ito ang kaso ng multiple murder kaugnay ng diumano’y nahukay ng militar na mass grave sa Leyte, na ibinibintang sa diumano’y mga lider ng Communist Party of the Philippines noong dekada ‘80.

“Malinaw na ang kasong ito ay gawa-gawa lamang at may pulitikal na dahilan. Dapat lang na agad na palayain si Echanis,” sabi ni Mariano.

Binatikos din ng NDFP (National Democratic Front of the Philippines) ang pag-aresto kay Echanis na miyembro ng NDFP Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms.

Umano’y paglabag ito ng gobyernong Arroyo sa Jasig (Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees), isa sa mga kasunduan sa pagitan ng GRP (Government of the Republic of the Philippines) at NDFP.

Protektado ng Jasig si Echanis, miyembro ng delegasyon ng NDFP na kinikilala ng Royal Norwegian Government bilang Third Party Facilitator ng usapang pangkapayapaan ng GRP-NDFP.

Ang pag-aresto kay Echanis ay “sumisira sa posibilidad ng muling pagbubukas ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP,” pahayag ng NDFP.