News Update

Opisyal ng gobyerno inihabla dahil sa panunupil sa midya

in
Ilang-Ilang Quijano
“TAMA na!”

Ito ang sigaw ng mga mamamahayag na nagkaisang labanan ang ibayong panunupil ng gobyerno sa kalayaan sa pamamahayag.

Naglabas ng 72-oras na TRO (Temporary Restraining Order) ang Makati RTC (Regional Trial Court) pabor sa mga mamamahayag na nagsampa ng class suit noong Enero 28 laban sa mga opisyal ng gobyerno.

Inutusan ni Executive Judge Winlove Dumayas sina Kal. Ronaldo Puno ng DILG (Department of Interior and Local Government) at Raul Gonzalez ng DOJ (Department of Justice), Dir. Geary Barias ng National Capital Region Police Office, at iba pa na huwag bantaan ang midya.

Humingi sa korte ng P10 Milyong danyos ang National Union of Journalists of the Philippines, Philippine Press Institute, Center for Media Freedom and Responsibility, at indibiwal na mga mamamahayag, kabilang ang ilan sa mga inaresto sa pagsalakay sa Manila Peninsula Hotel noong Nobyembre 29.

Kaugnay ito ng pagbanta ng DOJ at DILG na aarestuhin ang mga mamamahayag na magkokober sa umano’y mga sitwasyong krisis na nireresolba ng pulisya at militar.

Mahigit 200 mamamahayag pa mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang inaaasahang sasali sa petisyon sa RTC at Korte Suprema.