News Update
Pagkakakulong ng manggagawa na walang batayan: maaari na ba tanggalin sa trabaho?
ANG ISANG manggagawa ba na hindi nakapasok nang matagal sa kanyang trabaho dahil sa pagkakulong sa isang krimeng napatunayang hindi naman niya ginawa ay maaari bang tanggalin sa kanyang trabaho? Ang kasong "Asian Terminals Inc. vs. National Labor Relations Commission, Dominador Saludares and Romeo Labrague," (G.R. No. 158458) na hinatulan ng Korte Suprema noong Disyembre 19, 2007 ay mapagkukunan natin ng aral sa bagay na ito.
Sa nasabing kaso, nagtatrabaho sa kompanya bilang estibador itong si Romeo. Mahigit na sampung taon siya sa trabahong ito. Isang araw, hinuli siya ng mga pulis dahil napagbintangan siyang sangkot sa isang patayan. Sinampahan ng kaso at tuluyang ikinulong si Romeo. Dahil dito, hindi na siya nakapasok sa kanyang trabaho.
Lumipas ang isang taon, nakakulong pa rin si Romeo. Sa puntong ito, pinadalhan na siya ng memorandum ng kompanya sa kanyang tinitirahan. Humingi ng paliwanag ang kompanya kay Romeo kung bakit hindi siya dapat tanggalin sa kanyang trabaho dahil sa matagal niyang pag-absent dito. Hindi natanggap ni Romeo ang nasabing sulat dahil siya ay nasa kulungan. Sumulat ulit ang kompanya ngunit wala pa rin itong sagot na natanggap. Dito nagpasya na ang kompanya na sisantihin si Romeo. Termination letter na ang sunod na pinadala sa kanya. Binabanggit sa sulat ng kompanya na AWOL daw itong si Romeo dahil sa kanyang pagkakulong, kaya't wala raw magawa ang kompanya kundi sisantihin ito.
Sa kabutihang palad, naabsuwelto sa kaso si Romeo. Agad siyang nagreport sa kompanya upang makapagtrabaho. Ngunit hindi na siya tinanggap ng kompanya. Muli siya nitong pinag-apply at pag-aaralan pa raw ng manedsment kung tatanggapin siyang muli. Dahil dito, nagsampa ng kasong illegal dismissal si Romeo. Hiningi niyang pagbayarin ng separation pay ang kompanya.
Panalo si Romeo sa Labor Arbiter at pati na rin sa National Labor Relations Commission kung saan nag-apela ang kompanya. Dinala ng kompanya ang kaso sa Court of Appeals pero talo pa rin ito. Inakyat ito ng kompanya sa Korte Suprema. Ayon sa kompanya, tama ang ginawa niyang pagtanggal kay Romeo dahil halos tatlong taon itong hindi pumasok sa trabaho dahil sa kanyang pagkakulong. Dagdag pa, wala naman daw pruwebang ipinakita si Romeo na siya ay nakakulong talaga. Kaya, ang kanyang matagal na pagkawala ay palatandaan na iniiwanan na niya ang kanyang trabaho.
Hindi tumalab sa Korte Suprema ang mga argumentong ito ng kompanya. Hindi maitatwa na hindi nakapasok sa trabaho si Romeo dahil siya ay nakakulong, paliwanag ng Korte Suprema. Ang mga sulat na pinadala ng kompanya kay Romeo ay nagpapakita na alam ng kompanya ang bagay na ito. Ngunit, tama ba ang pagkakulong kay Romeo? Ginawa ba niya ang krimen na ibinibintang sa kanya?
Hindi, sabi ng Korte Suprema. Sa katunayan, napatunayan ng husgado na walang kasalanan si Romeo.Kung ganoon, hindi natin masisi si Romeo kung siya man ay tatlong taon na hindi nakapasok sa trabaho. Ang kanyang matagal na pagkawala sa trabaho ay sanhi ng kanyang pagkakulong. Ang pagkakulong na ito ay walang sapat na batayan sapagka't pinawalang sala siya ng hukuman. Malinaw na hindi siya maaring sisihin sa kanyang matagal na hindi pagpasok sa trabaho dahil ang hindi pagpasok na ito ay sanhi nga ng kanyang hindi makatuwirang pagkakulong.
Para masabi nating iniwanan na ng isang manggagawa ang kanyang trabaho, kailangang may maliwanag na patunay na wala na siyang intensyong magtrabaho pa, dagdag ng Korte Suprema. Sa kaso ni Romeo, walang anumang patunay na ayaw na niyang magtrabaho pa.
Pinagbayad ng Korte Suprema ng backwages at separation pay ang kompanya.
RSS