News Update
BabaLa! kay Gloria Macapagal-Arroyo
NALALAPIT na naman ang Marso 8, mga mare, ang araw nating kababaihan. At gugunitain natin ang araw na ito sa gitna ng lumalaks na pagbatikos kay Gng.
Gloria Macapagal-Arroyo sa mga eskandalo ng kurakot na kinasasangkutan ng pamilya Arroyo.
Katunayan, nitong nakaraang Pebrero 20, nagtipun-tipon ang ilang kilalang kababaihan galing sa iba’t ibang sektor ng lipunan upang buuin ang BabaLa! o Babae Laban sa Katiwalian. Mga kababaihang mambabatas, artista, negosyante, estudyante, doktor, guro, manggagawa, nanay at aktibista ang bumubuo sa BabaLa! at sa iisang tinig ay ipinarinig ang pagkamuhi ng kababaihan sa administrasyon ni Gng. Arroyo.
Ayon sa pahayag ng pagkakaisa ng BabaLa!, nagtaksil si Gng. Arroyo sa tradisyon ng pagkadakila at integridad ng pamumuno ang kababaihang Pilipino. Habang
tinuturuan nating mga nanay ng ating mga anak ng pagpapahalaga sa pagsasabi ng totoo, itinuturo ni Gng. Arroyo sa kanyang pamilya at sa buong bayan ang pagpapasasa sa korupsiyon at kasinungalingan. Binulsa ng pamilya Arroyo at ng kanyang mga kasapakat ang mga kurakot sa mga maanomalyang proyekto na dapat sana’y napunta sa batayang serbisyo sa kalusugan, edukasyon at pabahay ng maralitang Pilipino.
Dagdag pa sa pahayag ng BabaLa!, habang ang tinuturuan ng mga guro ang kanilang estudyante ng kahalagahan ng responsabilidad, hindi pa rin nananagot si Gng.
Arroyo sa mga akusasyon laban sa kanya sa pandaraya sa eleksiyon, korupsiyon, pagpaslang at pagdukot sa mga aktibista at sa pagpapahirap sa mga mamamayang Pilipino.
Mga mare, hindi na talaga mapigil ang ngitngit ng taumbayan sa katiwalian ni Gng. Arroyo lalo na’t inamin ni Gng. Arroyo na alam na niyang may anomalya sa kasunduang NBN-ZTE pero wala na daw siyang magawa kundi pirmahan ito dahil ang kausap niya’y gobyerno ng Tsina. Mga mare, kung totoo man ito, nagpapatunay lang ito na hindi na siya talagang karapat-dapat manatiling Pangulo ng Pilipinas dahil inuna niya pa ang "kahihiyan" niya sa dayuhang gobyerno kaysa sa responsabilidad niya sa mga mamamayang Pilipino. Hindi ba’t tayong mga nanay, inuuna natin lagi ang kapakanan ng ating mga anak? Ika ‘nga, isusubo na lang ang pagkakain, ibibigay pa natin sa ating mga anak. Ano ba sa atin ang kahihiyan kung ang kapalit nama’y ang pagkain o edukasyon o tirahan ng ating mga anak? Kesehodang lumiban sa trabaho o iwan ang trabaho sa bahay basta lang ipagtanggol ang anak na naaagrabyado.
At sino naman ba ang niloloko ni Gng. Arroyo? Alam naman nating hindi hiya ang dahilan kung bakit niya pinirmahan ang kontratang NBN- ZTE dahil wala naman siyang hiya. Ang totoo, pinirmahan niya ang maanomalyang kontrata dahil pamilya niya ang unang-unang makikinabang sa anomalya.
Kaya nga patuloy ang pagdagsa nating kababaihan sa mga protesta laban kay Gng.Arroyo. Sa Ayala, sa España at sa Mendiola sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, kasama ang kababaihan sa mga pagkilos para patalsikin si Gng. Arroyo. Galit na galit na ang kababaihang Pilipino sa gobyerno ni Gng. Arroyo at ang ating babala
sa kanya:
Malapit ka nang mapaalis sa Palasyo!
RSS