News Update
Balikatan: pasang-krus ng kababaihan
ALAM n’yo ba, mare, na nagsimula na naman ang Baliktan exercises? Ito ang taunang military exercises ng sundalong Pilipino at Amerikano dito sa ating bansa na bahagi ng Visiting Forces Agreement. Nag-opening ceremony ito sa Department of National Defense noong Lunes at gaya ng inaasahan, nagprotesta ang mga mamamayan dito.
Mula 2002, may 17 hanggang 24 US-RP military exercises na ang ginagawa sa Pilipinas. Pero ’ika ‘nga ni Rep. Luz Ilagan ng Gabriela Women’s Party sa kanyang privilege speech noong Martes, ano ang nahita natin dito? Para sa ating kababaihan, bukod sa paglapastangan sa ating kasarinlan at soberanya, ang patuloy na panghihimasok ng sundalong Amerikano sa Pilipinas ay katumbas ng patuloy na kapahamakan sa kababaihan at batang Pilipino.
Pinakatampok, siyempre, ang kaso ni “Nicole” na matapos na buong tapang niyang ipinaglaban ang katarungan laban sa mga gumahasa sa kanyang sundalong Amerikano, sukat na lamang binawi ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng pagpapatakas patungo sa Embahada ng US sa manggagahasa na si Lance Corp. Daniel Smith.
Ngunit maraming-marami pang kaso ng karahasan na ginawa ang mga sundalong Amerikano lalo na sa Mindanao kung saan ginaganap ang military exercises. Noong Setyembre 2006, isang nanay ang tinamaan ng shrapnel galing sa isang bombang pinasabog sa isang joint exercise sa Bgy. Tagbak, Indanan, Sulu. Tinamaan si Buh Bizma habang naglalaba siya sa loob ng bahay.
Nitong Disyemre lang, buong kapal ng mukha ng isang sundalong Amerikano na nagngangalang Master Sergeant Ronburg na iniutos ang pagsasara ng ospital sa Panamao Sulu. Ipinagbawal nito ang paggamot sa maysakit pagdating ng gabi. Isang pulutong ng mga sundalong Amerikano ang pumasok sa ospital at nagbantang babarilin ang sinumang makita sa ospital lampas ng ala-sais ng gabi.
Kamakailan lang, dalawang bata at tatlong babae, kasama na ang isang buntis, ang minasaker ng mga sundalong Pilipino. Ayon sa isang saksi, may kasamang sundalong Amerikano nang maganap ang kahindik-hindik na masaker.
At heto pa, mga mare. Alam n’yo bang milyun-milyong piso ang ginagastos ng pamahalaan natin para sa military exercises na ito? Kaya sa totoo lang, ang sinasabing ayuda na galing sa gobyernong Amerika, malaking bahagi ay napupunta rin lang sa Balikatan exercises na mga sundalong Amerikano rin naman ang gumagamit. Malaking bahagi rin ng ayudang ito ang napupunta sa bulsa ng matataas na mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (kundi nga ba hindi maampat-ampat ang diskontento ng mga karaniwang sundalo na habang nagbubuwis sila ng buhay, ninanakawan sila ng kanilang mga opisyal).
Kaya mainit ang pagtutol ng Gabriela at Gabriela Women’s Party sa pagpapatuloy ng Balikatan exercises at mahigpit na nananawagang ibasura na ang Visiting Forces Agreement. Maging ang mga kongresista nating Muslim ay nananawagan nang isuspinde ang Balikatan exercises.
Sa gitna ng eskandalo sa korupsiyong kinasasangkutan ng gobyerno kasabay ng patuloy na kahirapan ng masang Pilipino, lalo lamang nakakangitngit ang panghihimasok ng militar ng US na kinatatangian pa ng paglapastangan sa dignidad at buhay ng mga kababayan natin.
RSS