News Update
Energy Sabit: ‘Walang nahita’
DAHIL hindi mapag-titiwalaan at napa-karaming butas, tinawag ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) ang katatapos lamang ng Energy Summit ng Malakanyang na “Energy Sabit.”
Sa kilos-protesta ng Bayan at iba pang militanteng mga grupo sa harap ng SMX Convention Center sa Lungsod ng Pasay, sinabi ni Arnold Padilla ng public information department ng Bayan, na walang nahita, ni katiting na pag-asa, ang taumbayan sa katatapos na pagtitipon dahil lalo lamang nitong pinaigting ang pagsasamantala ng dayuhang mga korporasyong interesado sa industriya ng langis at enerhiya sa bansa.
Tinatayang nasa US$200 Milyon ang ibubuhos ng ADB (Asian Development Bank) –bilang pautang – para mapaunlad diumano ang sektor ng enerhiya sa Pilipinas, partikular ang sa “renewable energy.” Nauna rito, naglabas na ng US$30-M, o katumbas ng P1.22 Bilyon ang inilabas ng ADB para sa nasabing proyekto na inaasahang magsisimula sa 2009.
“Malaking kaipokrituhan na naglaan pa ang DOE (Department of Energy) ng “listening and hearing” pre-summit samantalang tahasang sinabi ng kalihim nito [na si Angelo Reyes Jr.] na hindi naman nito pagtutuunan ng pansin ang krisis sa presyo ng langis,” sabi pa ni Padilla.
Binigyang-diin ni Padilla na matagal nang inaasam ng mga mamamayan na makitang bumababa ang presyo ng mga produktong petrolyo.
“Ni hindi man lamang sila inintindi ng DOE,” ani Padilla.
Gayunman, hindi na umano nakakakapagtaka na ganoon nga ang mangyari dahil “naitadhana” na ng ADB ang lalamanin at tutunguhin ng naturang Summit, kaya nawalan na ito ng saysay.
Nilinaw rin ni Padilla na bagaman dapat talagang pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad ng alternatibong mapagkukunan ng enerhiya, hindi dapat malimutan na karamihan sa mga naunang proyektong kagaya nang binabalak ngayon ng Malakanyang at ADB ay nauwi lamang sa paghimok sa dayuhang puhunan na pumasok sa bansa.
“Nakita na natin iyan sa mga unang proyekto ng ADB noong maagang bahagi ng dekada ‘90. At ang resulta, mas mataas na singil sa kuryente at pagsirit pang lalo ng presyo ng enerhiya,” aniya.
Sa kabilang banda, matigas ang paninindigan ng Bayan na isusulong nito at ng mga kaalyadong organisasyon ang pagbasura sa 12% VAT (Value-Added Tax) sa inaangkat na langis, na isa sa mga sinisisi kung bakit napakamahal nito, gayundin, ang pagbasura sa Oil Deregulation Law.
Samantala, inihayag ni Sen. Manuel Roxas III na patuloy niyang hihilingin ang suspensiyon ng VAT sa langis sa kabila ng pagbasura nito ng Malakanyang.
“Ilang beses nang binasura at tinanggihan ng gobyerno ang ating simple ngunit kongkretong panukala para tanggalin ang VAT sa langis. Pero hindi ibig sabihin nito na titigil tayo sa pagpupursigi na maipasa ito bilang batas at mabigyan ng agad na ginhawa ang ating mga konsyumer,” ani Roxas.
Binalaan din ni Roxas ang Malakanyang na huwag umasa masosolusyonan ng mga rekomendasyon ng Energy Summit ang krisis sa langis.
Related Articles
- Pang. Arroyo hinimok na manawagan ng tigil-putukan sa Palestine
- Katutubo sa Kordilyera, sama-sama sa paghahanap kay James Balao
- Pagpapatalsik kay Gloria, muling ipinanawagan sa Pangdaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
- Pinas pinakadelikado para sa brodkaster –IFJ
- Countdown kontra Cha-cha sinimulan ng kabataan
RSS