News Update

Samu't sari

Gertrudes Ranjo-Libang

Mga mare, samu’t saring usapin ang nababalitaan at narararanasan natin ngayon. Katatapos pa lang ng unang buwan ng taong 2008, tila nilulunod na kaagad tayo ng kung anu-anong isyu.

Kahapon lang, hinapag na kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo ang naging resulta ng Energy Summit na ginawa noong nakaraang lingo. Sa totoo lang mga mare, ang tingin nga natin hindi na kailangan ang Energy Summit kung saan milyones na naman ang ginastos. Simple lang naman ang dapat nilang gawin – tanggalin ang 12% buwis sa langis para sa agad na pagbaba ng presyo ng langis. Pagkatapos simulan na ang proseso ng pagbasura sa Oil Deregulation Law. Mahirap lang naman ito sa gubyerno dahil takot silang mabawasan ang kita nila dahil dito nila kinukuha ang pambayad sa dayuhang utang nila at pauryaga sa mga kurakot na pulitiko.

* * *

Samantalang, alam niyo ba na sa Permanent Housing – sa relocation site ng Smokey Mountain – nanirahan na raw ang hindi kukulangin sa sampung sundalo sa Building 7? Ang kuwento ng mga nanay at kabataang myembro ng Gabriela doon, magnanakaw at holdaper daw ang tingin ng mga sundalo sa mga residente dun. Sinumang mapaghinalaan nila ay binubugbog. Ang aktibong mga miyembro at mga organizer daw ng Gabriela ay pinaghahanap.

Bakit may mga sundalo sa Permanent? Wala namang armadong kalaban ng gobyerno duon pero merong mga taong handang lumaban para sa karapatan nila sa paninirahan. Sa kanila ginagamit ng mga sundalo ang kanilang armas. Isipin niyo na lang, mga mare, na-demolis na ang mga pamilyang ‘yun sa Smokey Mountain. Ni-relocate sila sa Permanent at pagkatapos ipagyabang ng gobyerno, kamuka’t mukat ay may bayad pala ang housing. Patung-patong at sari-saring bayarin ang hinihingi sa kanila. Sa kadulu-duluhan, paaalisin pa sila dahil hindi raw sila nakakabayad. At dahil handa silang lumaban, armadong sundalo ang inihaharap sa kanila ngayon.

* * *

Dengue naman ang umatake sa komunidad ng Tatalon sa Quezon City. Nitong nakaraang mga lingo, dinemolis na ang ilang bahagi ng Tatalon. Sa mga bahagi nitong hindi pa nadedemolis, may epidemya naman ng dengue. Sa katunayan, isa na ang naiulat na namatay sa dengue sa lugar na ‘to.

Pero hindi lang sa Tatalon kumakalat ang dengue. Sa katunayan, nakakaalarma na daw ang pagkalat ng dengue dahil buong taon na raw ito at hindi lang sa tag-ulan.

Ang masaklap, mga mare, bukod sa mga “press release” ng Department of Health tungkol sa programa nila para sugpuin ang dengue, nananatiling kakapiranggot, kung mayroon man, ang serbisyong pangkalusugan. Wala pa ring gamot sa mga health center. Sa mga pampublikong ospital naman, tatlo-tatlong bata ang umookupa ng isang kama sa mga dengue ward nila. Ito ba ang pinagmamalaking serbisyo ng gobyerno? Dito ba nila nilalagak ang sinasabi nilang kinikita sa VAT?

* * *

Problemado rin ang mga kabaro nating manggagawa, mga mare. Ang Laws Garments, Inc., isang patahian ng knitwear for export sa Taguig ay walang kaabug-abog na nagsara noong Disyembre. Kalakhan ng mga manggagawa dito ay kababaihan, kababaihang palaban. Katunayan, naipaglaban ng unyon nila na magkaroon sila ng March 8 Women’s Day Fund.

Ayon kay Gina Flores, isang opisyal ng kanilang unyon, nagsara daw ang pabrika hindi dahil sa nalulugi kundi BAKA malugi dahil daw sa patuloy na pagtaas ng halaga ng piso. Pero alam nila ang katotohanan – magsasara ang pabrika para mawala na ang mga mangggagawang regular. Katapos ay magbubukas ulit ito sa ibang lugar na pulos kontraktuwal na ang kukunin. Eto ang totoo, mga mare, mga ganid sa tubo na kapitalista ang nagsasara ng pabrika. Ang tunay na mga unyon ang lumalaban para sa manggagawa.

Samantalang sa San Pedro, Laguna naman, napipinto na ang botohan ng mga manggagawa ng Sephil Inc., pagawaan ng mga underwear. Nagtagumpay sila sa kanilang petisyon para magkaroon ng botohan kaugnay ng unyon. Sa kabila ng delaying tactics ng management, naigiit din nila ang kanilang karapatang mag-unyon. Alam nilang ginagapang na ng management ang ilang manggagawa upang bumoto laban sa pagkakaroon ng unyon pero buo ang loob ng kalakhan ng manggagawang kababaihan dito. Alam nila ang katotohanan na tanging sa kanilang organisadong pagkakaisa maaari nilang ipaglaban ang kanilang interes at karapatan.

* * *

Samu’t sari ang mga isyu, mga kumare. Samu’t saring kinakaharap nating mga kababaihan. At sa harap ng lahat ng ito, patuloy tayong nakikibaka. Ika nga, may Gabriela ang bawat isa sa atin. Kaya tuloy-tuloy lang ang laban, walang atrasan.