News Update

Di raw sanggalang sa abuso: Programa sa DH, binatikos

in
Noel Sales Barcelona

BINATIKOS ng Migrante-ME (Middle-East) ang pag-endorso ng Sanarcom (Saudi National Recruitment Committee) sa patakarang "Supermaids" ng gobyernong Arroyo at binigyang-diin na hindi kayang ipagtanggol ng paglikha ng isang "supermaid," ang isang nanga-ngatulong laban sa pang-aabuso.

Noon 2006, inilunsad ng gobyernong Arroyo ang programang supermaid. Sa programang ito, sasailalim sa isang matinding pagsasanay hinggil sa kultura, wika, mga batas, paglalapat ng paunang lunas (first aid), at iba pang kasanayan, ang isang aplikante pagka-HSW (household service worker), para maging mabisa diumanong katulong.

Kasunod ng paglulunsad ng "supermaid," ang pagkausap sa gobyernong Saudi para itaas ang suweldo ng katulong mulang US$200 patungong $400. Naaprubahan naman ito sa pamamagitan ng isang kasunduan subalit hindi rin naman daw nasusunod, sabi ni Monterona.

Reklamo pa nina Monterona, sinisingil din umano nang mula P5,000 hanggang P10,000 ang isang aplikanteng pa-Saudi, Bahrain, o United Arab Emirates, bilang "training fee," bagay na paglabag sa itinatakda ng patakarang supermaids.

"Dagdag gastos na nga, hindi pa rin tiyak na maililigtas ka nito (patakarang supermaid), laban sa pang-aabuso," sabi pa ni Monterona.

Aniya pa, nakatitiyak ang Migrante na kaya todo-malaki si Sek. Arturo D. Brion ng Dole (Department of Labor and Employment) sa naturang pagsuporta ng Sanarcom sa patakarang supermaid ay dahil kikita sila rito, pagtukoy sa bayad sa pagsasanay ng isang eskuwelahang vocational-technical na may "basbas" ng Technical Education and Skills Development Authority o Tesda, sa sa isang papasok na katulong sa Saudi.

Pagbubunyag ni Monterona, may ilang vocational-technical school ang umaastang recruitement agency na rin, at sumisingil nang hanggang P45,000 sa isang kliyente.