Ipagdiwang ang militanteng pagkakaisa ng kababaihan

Gert Ranjo-Libang

Sa Sabado, ipagdiriwang na natin, mga mare, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Makasaysayan ang darating na Marso 8 dahil sa Sabado din natin ilulunsad ang pinakamalaki at pinakamalawak na pagkilos ng kababaihan sa buong bansa laban kay Gng. Gloria Macapagal-Arroyo.

Ilang ulit na natin sinabi ang kasalanan ni Gng. Arroyo sa kababaihan at sa lahat ng mamamayang Pilipino. Pero gusto ko lang bigyang diin ngayon kung bakit may ibang guhit sa ating kababaihan ang mga kasalanan ni Gng. Arroyo.

Unang-una na, mga mare, babae si Gng. Arroyo at napakalaking kahihiyan siya sa atin. Nitong nakaraang Oktubre lang, ipinagmalaki pa niya na isang ehemplo sa “women’s empowerment” ang Pilipinas at ang una-unang niyang halimbawa ay ang sarili niya. Nakakapangilabot, mga mare! Ni minsan, hindi sumagi sa isip natin na si Gng. Arroyo ang gagamiting ehemplo ng Pilipina.

Sa mahabang kasaysayan ng kababaihang Pilipino, simula sa panahon ng mga Babaylan hanggang sa kasalukuyang panahon ng makabagong mga Gabriela, kasaysayan ng kagitingan ang iginuhit natin. Dakila, matapang, militante at marangal – ito ang tatak ng kabayanihan ng Pilipina. Mapahanggang ngayon sa gitna ng matinding kahirapan, ganito pa rin ang taglay na katangian ng maralitang Pilipina. Hindi nangingimi sa sakripisyo kung para sa salinlahi ang ipaglalaban. Para sa kinabukasan ng anak, hindi natatakot sa anumang panganib. Ganito ang babaeng magsasakang maghapo’t magdamag sa bukid, ganito ang babaeng manggagawa sa loob ng pabrika, ganito ang babaeng maralita na kung saan-saan naghahanap ng kabuhayan, ganito ang babaeng OFW na pikit-matang nangingibang bayan. At ang ganitong katangian ng kababaihan ang binabastos ni Gng. Arroyo na sukdulan ang pagiging sinungaling, sukdulan ang pagnanakaw, sukdulun ang pagpapahirap sa masa.

Nakakangitngit din sa ating mga kababaihan bilang nanay na habang sa kabila ng kahirapan, namumuhay tayo nang marangal upang ituro sa ating mga anak ang kahalagahan ng pagiging tapat, responsable at makatao subalit nananatiling nakapuwesto sa Malakanyang ang ehemplo ng kasamaan. Mahirap sagutin kung sakaling ang itanong sa atin ng ating anak: “Bakit si Gloria puwedeng magnakaw? Bakit si Gloria puwedeng magsinungaling? Bakit si Gloria puwedeng manakit ng tao? Bakit hindi siya napaparusahan?”

Hindi madali, mga mare, na magpalaki ng anak at gabayan sila sa tamang landas. Ang tangi nating isasagot, “Kaya naman, anak, kailangang sumama ako sa mga pagkilos para patalsikin si Gloria.”

Mga mare, dito natin maipapakita na itinatakwil natin si Gng. Arroyo. Isa siyang malaking kahihiyan para sa kababaihan, matinding pahirap sa sambayanan at nilulukuban niya ng kasamaan ang kulturang pilit nating ginagawang maayos para sa salinlahi.

Mga mare, sa Sabado, Marso 8 Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ipagdiwang natin ang ating pagkakaisa. Buhayin natin ang kadakilaan ng kababaihang Pilipino. Ipaglaban natin ang kinabukasan ng ating mga anak. Sumama tayo sa pinakamalaki at pinakamalawak na pagkilos ng kababaihan para patalsikin ang kasamaan sa Malakanyang.