News Update
80% ng Pinas, kinikilusan ng NPA
LUNGSOD BAGUIO – May malayang presensiya ang NPA (New People’s Army) sa 80 porsiyento ng bansa, ayon sa Komite Sentral ng CPP (Communist Party of the Philippines), kaalinsabay ng ika-39 na anibersaryo ng NPA noong Marso 29.
Taliwas ito sa tantiya ng AFP (Armed Forces of the Philippines) na di hihigit sa 1,500 na lamang ang bilang ng NPA at tuluyang madudurog sa 2010 dahil sa operasyong kontra-insurhensiya ng gobyerno.
Sinabi pa ng CPP na nakapagtatag na ito ng 120 hanggang 130 larangang gerilya sa 9,000 barangay at 70 probinsiya.
“Nasa posisyon na ito para taasan ang bilang ng mga larangang gerilya,” ayon sa CPP. Paiigtingin pa umano ng NPA ang taktikal na mga opensiba nito kontra sa mga puwersa ng gobyerno.
Sinabi naman ni Greg Bañares, tagapagsalita ng National Democratic Front o NDF sa Bicol, na “ipinamalas ng mga tagumpay ng NPA ang kainutilan ng pagyayabang ni Hen. Hermogenes Esperon na dudurugin nito ang 17 larangang gerilya sa unang tatlong buwan ng 2008.”
Nakatakda pa raw na unahang biguin ng NPA ang Oplan Bantay Laya 2, programang kontra-insurhensiya ng gobyerno, bago ang takdang dedlayn ng gobyerno na durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa 2010.
“Itinutulak ng NPA ang kaaway nito na mag-deploy ng mga guwardiyang yunit sa hiwa-hiwalay na mga lugar. Bawat isa o bawat linya ng suplay nito ay bulnerable sa aksiyong opensiba ng NPA,” paliwanag pa ng CPP.
Maaasahan din umano ang pag-atake ng mga rebelde sa mga plantasyon ng malalaking kompanya ng mina, pagtotroso at iba pang operasyon ng malalaking dayuhang kompanya at komprador.
“May estratehikong halaga ito dahil ayaw ng mga mamamayan na ninanakawan sila ng likas na mga yaman at nais nilang gamitin ito para sa kaunlaran ng sariling bansa sa hinaharap,” sabi pa ng CPP.
Samantala, puntirya ng MAC (Merardo Arce Command) ng NPA sa Katimugang Mindanaw ang mga tauhan ng gobyernon na tuwirang sangkot sa armadong pakikipaglaban at agresibong nagtataguyod ng kontra-mamamayan at kontra-rebolusyonaryong mga hakbangin.
Ayon kay Rigoberto F. Sanchez, tagapagsalita ng MAC, target ng kanilang opensiba ang mga opisyal-militar na nasa larangan, hindi ang mga military chaplain (mga paring sundalo) at mediko.
“Kaya, kapag pumasok sila sa sonang gerilya ng mga NPA, hindi maaaring hindi sila labanan,” paliwanag ni Sanchez.
Sa kabilang banda, inilinaw ni Sanchez na lehitimo ang naging aksiyong militar ng 1st Pulang Bagani Company ng MAC, laban kay Brgy. Capt. Custodio Varona ng Brgy. Fatima, Paquibato, Lungsod ng Davao. Pinarusahan ng mga NPA si Custodio noong Marso 18, dahil sa mga kasalanan diumano nito sa mga mamamayan at sa pagiging Cafgu (Citizen Armed Force Geographical Unit).
“Pinarusahan siya dahil kontra-rebolusyonaryo siya, hindi dahil sa kapitan siya ng Brgy. Fatima,” dagdag pa ni Sanchez.
Related Articles
- Pang. Arroyo hinimok na manawagan ng tigil-putukan sa Palestine
- Katutubo sa Kordilyera, sama-sama sa paghahanap kay James Balao
- Pagpapatalsik kay Gloria, muling ipinanawagan sa Pangdaigdigang Araw ng Karapatang Pantao
- Pinas pinakadelikado para sa brodkaster –IFJ
- Countdown kontra Cha-cha sinimulan ng kabataan
RSS