News Update
Agbiag ti umili ti Kordilyera!*
“Kapag binantaan ang buhay, ano ang dapat nating gawin? Lumaban! (D)ahil kung hindi, mawawalan tayo ng dangal, at mas masahol pa iyan sa kamatayan. Kahit hindi tayo makipaglaban, mamamatay rin naman tayo. Kung lalaban tayo, mamamatay tayo nang marangal… at maaaring maipagtagumpay at mapanatili ng ating mga anak ang lupaing ito. At magiging mas mahalaga ang lupa kapag pinagyaman ng pawis at dugo.” – Macliing Dulag
Taun-taon mula noong 1985, kada Abril 24, isang malaking grupo ng mga kabataan, manggagawa, maralitang tagalungsod, magsasaka, taong simbahan at propesyunal -- ang ilan ay dayuhan, ang naglalakbay patungo sa isang napiling lugar sa Kordilyera para ipagdiwang ang Cordillera Day. Pinapatampok ng pagdiriwang ang pagkakaisa at kapasyahan ng mga mamamayan ng Kordilyera na magpunyagi sa pakikibaka para sa kanilang lupaing ninuno; sa karapatang isabuhay at paunlarin ang kanilang katutubong sistemang sosyo-pulitikal at panatilihin ang integridad ng kanilang kultura; sa karapatang magpasya sa sarili; at sa kanilang batayang karapatang pantao – laban sa kontra-mamamayan at kontra-nasyunal na mga pakana ng mga imperyalista at kanilang papet na estado tulad ng rehimeng US-Arroyo.
Ngayong taon, tatlong bus at anim pang sasakyan ang umalis sa Kamaynilaan noong gabi ng Lunes. Dumating kami noong madaling araw ng ika-22 sa San Miguel, Abra, kung saan sinalubong kami ng mga magsasaka, manggagawa, kabataan at propesyunal ng Kordilyera.
Naalala kong noong maagang bahagi ng dekada ’70, naglunsad ang mga Tinggian ng Abra ng masigasig na pakikibaka laban sa Cellophil Resources Corporation, na nagpatigil sa operasyon nito. Ngayon, isa pa rin ang Abra sa pinakamahihirap na probinsiya, at isa sa pinakamarami ang OFW. Tinatarget itong muli ng mga korporasyong multinasyunal, para naman sa pagmimina. Gaya ng dati, nagsisilbing mga ahente ng mga multinasyunal ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, na maling nagpapakilala sa pagmimina bilang solusyon sa kawalang trabaho at karalitaan.
Tinutukoy ng tema ng Cordillera Day ngayong taon, “Labanan ang Mapandambong na Pagmimina at Terorismo ng Estado,” ang kasalukuyang sitwasyon at hamon sa Kordilyera at buong bansa.
Ibinukas ng Philippine Mining Act ng 1995 ang halos 15 milyong ektaryang lupain sa dayuhang mga korporasyon. Mahigit kalahati nito ang nasa teritoryo ng mga katutubo, anim sa 23 proyektong priyoridad ang nasa Kordilyera. Ang kagyat na epekto: pagpapalayas sa mga katutubo at iba pang komunidad ng maralitang mga pamilyang nagsasaka, na lalong nagbaon sa kanila sa kahirapan, pagdurusa at kapinsalaang panlipunan at pangkultura. Ang ultimong epekto: pagkawasak ng lupain at kalikasan na, para sa mga katutubo, siyang pinagmumulan ng buhay, ng kanilang kolektibong identidad at kabuhayang mula pa sa naunang mga henerasyon.
Panahon ng kolonyalismong Amerikano, nakilala na ang Kordilyera sa mga mina ng tanso at ginto, na ang pinakamalaki’y inari paglalaon ng mga Amerikano. Maiisip mong matapos ang isang siglo ng pagsasamantala at pang-aapi, wala nang matitira sa Koldilyera at sa buong Pilipinas para dambungin pa ng dayuhang kapital. Lalo lamang ibinuyangyang ng neoliberal na globalisasyon ang ekonomiya ng Pilipinas sa pagsasamantala at pandarambong ng dayuhang kapital, na bumabansot at pagkatapos ay pumapatay sa sarili nating mga industriya at ginagawang mas palaasa at bulnerable ang ating ekonomiya.
May estratehikong halaga ang paglaban ng sambayanan sa pandarambong sa ating likas na yaman, laluna para sa darating na mga henerasyon. Kaalinsabay, dahil sa paglaban ng mga mamamayan sa terorismo ng estado sa ilalim ng gobyernong Arroyo, naipagtatanggol ang demokratiko at pundamental na mga karapatan ng mga mamamayan, at nag-aambag sa paghina at paglalaon ay pagbagsak ng tiwali, ilehitimo at papet na rehimeng ito, habang pinapahina ang kontrol ng imperyalismo sa bahaging ito ng daigdig.
Dahil sa ilalim lamang ng isang tunay na malaya at demokratikong estado mapapaunlad ang pambansang patrimonya para sa kapakinabangan ng mga mamamayan ng Kordilyera at ng sambayanang Pilipino sa darating pang mga henerasyon.
* Mabuhay ang mga mamamayan ng Kordilyera!
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na inilathala sa Business World, 25-26 Abril, 2008
RSS