News Update
Chikoy Pura ng The Jerks: Musikero bilang obrero
MAHIGIT dalawang dekada na ang ganitong eksena. Tugtugan hanggang madaling araw. Kaliwa’t kanan na hiling ng kanta. Padyak at pagpalo sa mesa kasabay ng tiyempo ng musika.
Sa partikular na gabi na ito sa loob ng 70s Bistro, Light my Fire ng The Doors ang sigaw ng parokyano na nakaharap sa entablado. Moon Dance naman ang trip ng mga nakaupo malapit sa bintana. At ang kabuuang sigaw ng mga galing sa kani-kanilang opisina o pinagtatrabahuhan: “Rage! Rage! Rage!” upang udyukin ang banda na tugtugin ang sikat nilang kanta.
Dalawang dekada na, ngunit nandoon pa rin ang kabataan sa loob ng musika. Ano pa ba ang mayroon kay Chikoy Pura, frontman ng bandang The Jerks, bukod sa blues at rakenrol?
Pinoy Weekly (PW): Sino ba ang mga impluwensiya ninyo sa musika?
Chikoy Pura: Sa foreign, ang influences ko, Rolling Stones, Beatles, Bob Dylan, Van Morrison, Jim Morrison at Bob Marley. Sa local naman, Juan dela Cruz, si Pepe Smith, Anakbayan, si Edmund Fortuno at Maria Kafra.
PW: Kilala ang the Jerks bilang progresibong banda. Noong nagsisimula pa lang ba kayo, progresibo na ang mga kanta ninyo?
CP: Hindi. Folk singer talaga ako noong una. Tumutugtog ako sa Kola House, Bodega, at TGIF sa may university belt. 18-anyos pa lang ako noon. Mas exposed ako sa lyricism.
Nagsimula namang makilala ang The Jerks bilang punk dahil sa impluwensiya ng mga british punk tulad ng The The at The Who. Noong dekada ‘90 nakilala ko na sina Jess Santiago, Gary Granada, at si Fidel Rillo.
Malaki ang tulong sa akin ni Koyang Jess pagdating sa pagsusulat. Tututukan ka talaga niya. Kung tutuusin, puwede mo namang tingnan na sining lang ang musika. Pero kulang kung puro personal na pagpapahiwatig lang. Sayang kung di ito mahahanapan ng mas makabuluhang gamit. Agent for change ang music.
Di man kami sumikat, ang inaambisyon namin mas matindi.
PW: Ano bang tingin mo sa band scene ngayon at sa kasikatan ng emo (emotional rock)?
CP: Wala ako sa posisyon para husgahan ang kanilang musika. Parang punk rock din ’yan nung panahon namin. Kumbaga, we had our own share of fun. Yung maturity darating din iyon. Pero ang maganda, nagsusulat sila at nag-e-embark sila sa ganitong propesyon.
Mas nakapokus ako sa ginagawa ko. Sa huli, materyal naman ang pinakasukatan ng lahat.
PW: Ano ang pinakamemorableng gig ninyo?
CP: Iba ang pakiramdam ’pag nagpe-perform kami sa harap ng mga manggagawa at magsasaka. I-a-adopt ka nila dahil sa gawain mo. Hindi na mahalaga kung di kami umabot sa height ng success. ‘Yung mga kanta namin lived up beyond the expectation, without the help of technology at ng mga network. Binitbit ito ng mga tao at inampon dahil nakaka-relate sila.
Malaki ang kasiyahan kapag naipapaabot ang progresibong mga kanta sa aking odyens. Nakikita n’yo naman na galing sila sa middle o upper class pa.
PW: Paano ba nabuo yung kantang Haligi ng Maynila?
CP: Tribute namin ito sa mga manggagawa. Sila at ang mga magsasaka ang pinakaimportante sa produksiyon, pero neglected sila sa bansa. Sila ang tinatamaan ng patakaran pero hindi sila napapakinggan. Sa isang banda, manggagawa rin ako. Iba nga lang ang larangan. Di ko nararanasan ang hirap na pinagdadaanan nila.
Saka ’yung hinihinging P125 across-the-board. Hindi tulad ng P80 (na iminumungkahi ng Trade Union Congress of the Philippines). Kulang na nga ang P125 para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga mamamayan.
Para sa manggagawa naman ang P125. Mas gagap naman kasi nila ang sitwasyon dahil sila ang nakararanas nito. Kumbaga, hindi alam ng taga-gobyerno kung ano ang lasa ng NFA rice.
PW: Ano ba ang mga plano ninyo sa hinaharap? May sinusulat ba kayong mga bagong kanta?
CP: Kung ano’ng puwedeng gawin. Minsan may mga plano ka pero di naman natutuloy. Dapat adaptable ka sa environment. May bago akong kanta. Storm ang pamagat. Tungkol sa human rights at extra-judicial killings.
PW: Nalalapit na ang Mayo 1, ano bang mensahe mo para sa mga manggagawa?
CP: Dati tinanong ko sila. Ano ba’ng tawag ninyo sa amin? Mala-manggagawa raw kami. Kaya mula sa aming mga mala-manggagawa, mabuhay ang manggagawang Pilipino.
Magtatanghal rin ang Radioactive Sago Project, si Lucia Micarelli, Manila Philharmonic Orchestra at Juan Dela Cruz.
Ang FMF ay magaganap mula ikalawa hanggang ika-apat ng Mayo sa Cultural Center of the Philippines Main Theater.
RSS