News Update

Dalawang dekadang welga

Maureen Gaddi dela Cruz

Mahigit 20 taon na mula nang unang magwelga ang mga manggagawa sa pabrika ng Nestle Philippines sa Cabuyao, Laguna. Ngunit hanggang ngayon, patuloy pa rin silang nananawagan para sa katarungan.

Noong Abril 3, nagtungo ang 60 kasapi ng UFE-DFA-KMU (Union of Filipro Employees – Drug, Food, and Allied Industries Unions – Kilusang Mayo Uno) sa Korte Suprema at sa tanggapan ng Dole (Department of Labor and Employment) sa Maynila. Kaugnay ito ng pangatlong hatol ng Mataas na Hukuman noong Marso 3, na nagsabing dapat talakayin sa collective bargaining negotiations sa pagitan ng unyon at ng Nestle ang retirement benefits para sa mga empleyado.

Limang taon sa piketlayn
Noon pang 1987 ipinaglalaban ng unyon ang isyung ito. Nang unang tumanggi ang kompanya na makipagnegosasyon ukol sa retirement benefits, nagwelga ang mga empleyado sa mga pagawaan ng Nestle sa Cabuyao, Laguna at Alabang, Muntinlupa at sa tanggapan nito sa Makati City. Dahil dito, mahigit 100 lider at kasapi ng unyon – na ang iba’y 20 taon o mahigit nang naglilingkod sa Nestle – ang tinanggal sa trabaho dahil umano sa pagsuway sa return-to-work order ng Dole.

Bagamat sa hatol ng NLRC (National Labor Relations Commission) ay sinabing legal ang pagkakatanggal sa mga empleyadong sumama sa welga, kinilala rin nito na kabilang ang retirement plan sa mahahalagang bahagi ng CBA (collective bargaining agreement), na nagiging batayan ng mga karapatan at benepisyo ng mga manggagawa sa loob ng kompanya. Matapos sang-ayunan ng Korte Suprema ang hatol na ito noong 1991, sa mga sumunod na taon ay naging sakop na ng CBA ang retirement plan.

Subalit makalipas ang sampung taon, iginiit muli ng Nestle na tanggalin ang retirement benefits sa saklaw ng CBA. Nagbunsod ito ng panibagong welga at sinundan ng pagsasara ng pabrika sa Alabang, na ayon sa kompanya ay dahil sa paglipat ng produksiyon ng Nescafe sa planta sa Cagayan de Oro. Mahigit 600 ang nawalan ng trabaho sa pagsasara ng planta sa Nestle Alabang. Sa Cabuyao naman, nagpasimula ng isang “retrenchment-redundancy program.” Paliwanag ni Noel Alemania, pangulo ng UFE-DFA-KMU, katumbas lamang ito ng pag-aalok ng pera para magbitiw ang mga manggagawa at hindi na magwelga.

Tumagal ng halos limang taon ang pagpipiket ng mga manggagawa. Sa pangalawang hatol ng Korte Suprema noong 2006, binigyang-diing hindi maaaring basta na lamang bawiin ng kompanya sa mga empleyado ang mga benepisyong matagal nang ibinibigay sa kanila. Ngunit hindi naman tinanggap ng korte ang katuwiran ng unyon na labag sa batas o unfair labor practice ang paggiit ng Nestle na huwag isama ang retirement benefits sa CBA.

Dahas sa gatas
Malaki ang pinsalang idinulot ng hidwaang ito sa kabuhayan ng mga manggagawa at kinabukasan ng kanilang mga pamilya. Marami sa mga sumali sa welga at tinanggal sa trabaho ang napilitang mangibang-bayan o lumipat ng tirahan para maghanap ng ibang pagkakakitaan. Ang iba ay nailit ang bahay o namatay sa sakit dahil walang perang pampagamot.

Di rin iilang kabataan ang apektado ng pagkawala ng hanapbuhay ng kanilang mga magulang. Isa na rito ang anak ni Danilo Guevarra, isang shop steward na kasapi ng unyon. Napag-aral niya ang dalawa niyang nakatatandang anak sa kolehiyo, kahit sa maliit niyang kinikita, ngunit nang tanggalin siya sa trabaho, naudlot ang pangarap ng pangatlo na makapagtapos din ng pag-aaral.

Nasawi ito sa isang aksidente noong Disyembre. “Di ko maiwasang isiping kung hindi ako natanggal sa Nestle, hindi siguro ganoon kasaklap ang sinapit ng anak ko at nagkaroon sana siya ng magandang buhay,” aniya.

Nangamba rin ang mga residente ng Cabuyao sa banta ng militarisasyon sa lugar. Dalawang linggo matapos magsimulang magpiket ang mga manggagawa noong Enero 2002, marahas silang idinispers ng mga tauhan ng PNP Special Action Force. Bagamat pinahihintulutan ng Labor Code ang sekretaryo ng Dole na magpatawag ng mga alagad ng batas upang pigilan o maiwasan ang karahasan sa welga, sa Nestle ay tila permanente nang nakatalaga at nagpapatrulya ang mga pulis at militar sa paligid ng pabrika.

Marami na ring naganap na insidente ng karahasan. Kabilang sa pinakamalagim na mga pangyayari ang pagkamatay ng dalawa sa mga naging presidente ng unyon: si Meliton Roxas noong 1989 at si Diosdado Fortuna noong 2005. Kapwa sila binaril malapit sa piketlayn, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin matukoy kung sino ang pumaslang.

Binarat na paggawa
Ipinaliwanag ni Atty. Remigio Saladero, ang abogado ng unyon mula sa Place (Pro-Labor Assistance Center), na kadalasa’y hindi na nagiging sapat ang mga hakbang sa ilalim ng batas kapag sinisikil ang karapatan ng mga manggagawa.

Dagdag pa ni Alemania, madalas na nagpipikit-mata ang gobyerno sa pang-aabuso sa mga manggagawa dahil patakaran nito ang mismong pag-aalok ng murang paggawa para maakit ang dayuhang mga mamumuhunan. Pinuna niya ang kakulangan ng proteksiyon sa mga manggagawa, tulad ng karapatang magwelga na nakasaad sa Konstitusyon. Hindi kaila sa kanila na madalas na pinipigil ang mga welga sa pamamagitan ng assumption of jurisdiction order ng Sekretaryo ng Dole kahit hindi naman maituturing na kabilang ang kompanya sa mga industriyang “indispensable to the national interest,” alinsunod sa Article 263 (g) ng Labor Code.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin malinaw kung paano matutuldukan ang mahaba’t marahas na kasaysayan ng pakikibaka ng mga manggagaawa ng Nestle. Sa puntong ito ay ibabalik ang kaso sa Dole upang resolbahan ito. Samantala, nagsisilbing inspirasyon ang laban ng UFE-DFA-KMU sa mga manggagawang naninindigan para sa kanilang karapatan.

Si Maureen Gaddi dela Cruz ay isang mag-aaral sa College of Law ng Unibersidad ng Pilipinas at kasapi ng National Union of Peoples’ Lawyers o NUPL.