News Update
P5-B cash-assistance program, ‘family access-cards’ ‘di solusyon sa krisis
NAGLUNSAD ng lightning rally noong Abril 29 ang Kadamay (Kalipunan ng Damayang Mahihirap), kasama ang mga kasapi ng Anakpawis Partylist, sa paanan ng Mendiola bilang pagkondena sa kawalang-kakayanan ng pamahalaang Arroyo na tiyakin ang sapat na suplay ng murang bigas para sa mga maralita.
Tinututulan din ng grupo ang mga polisiya ng gobyerno na anila’y “hindi solusyon” sa kasalukuyang krisis.
Tinukoy ng grupo ang panukala ng pamahalaan na itigil ang pagbebenta ng murang bigas- NFA (National Food Authority) sa mga pampublikong pamilihan at ipagbili na lamang ito sa mga maghahawak ng ‘family access-cards,’ at ang programang “Ahon Pamilyang Pinoy” na maglalaan ng P5 bilyon bilang ‘cash-assistance’ sa mga “nangangailangang” pamilya.
“Hindi kailangan ng maralitang taga-lungsod ng limos, lalo na’t manggagaling ito sa gobyernong gagawin lamang ito sa pamumulitika,” ayon kay Carmen Deunida, pambansang pangulo ng Kadamay at pangalawang pangulo ng Anakpawis.
Ayon pa kay Deunida, liban sa hindi naman nito matutulungan ang lahat ng maralita, mauubos din ang pera dahil sa korupsyon.
“Ang kailangan ng maralitang taga-lungsod ay katiyakan sa pagkain, partikular ang tiyak at sapat na suplay ng abot-kayang bigas-NFA sa mga pamilihan,” sabi ni Deunida.
Pinatutunayan umano ng napakahabang pila sa mga bigasan na laksa-laksang pamilya ang nangangailangan ng murang bigas. Nangangamba ang Kadamay sa mga mangyayari sa mga maralita kapag nilimitahan ang distribusyon ng murang bigas.
“Kailangan bang may mamatay pa sa pilahan, gaya ng nangyari doon sa matandang lalaki kamakailan?” ani Deunida.
Ang kawalan ng anumang makabuluhang solusyon sa kagyat, o tanaw sa pagresolba sa usapin ng katiyakan sa pagkain sa pangmatagalan, ay nagpapatibay lamang, ayon sa grupo, sa kanilang paniniwala na wala nang kakayanan ang rehimeng Arroyo na harapin ang krisis kaya’t nararapat nang magbitiw ang Pangulo.
“Labis nang nabahiran ng korupsiyon ang rehimeng Arroyo para harapin pa ang krisis na ito nang may kredibilidad. “Kung may maihahapag man na solusyon, manggagaling na ito sa susunod na gobyerno,” ani Deunida.
Sinabi pa ni Deunida na lalo lamang dumausdos ang kabuhayan ng mga maralita sa pitong taong panunungkulan ni Pangulong Arroyo kaya dapat na itong magbitiw.
RSS