Pila sa bigas

Gertrudes Ranjo-Libang

Kamusta ang sinaing, mga mare? Aba’y sa haba ng pila at sa tagal ng pagpila para makabili lang ng tatlo hanggang limang kilong NFA rice, baka kulang pa ’yun para maibsan ang pagod at galit natin.

Lalo na kung nababalitaan natin ang kung anu-anong ginagawa ng gobyerno ni Gloria, anila para solusyunan ang problema sa bigas. Naku, lalo lang tayong nagngingitngit. Mantakin ninyo, mga mare, ang pinoproblema ni Gloria ay paano mawawala ang mahahabang pilahan sa pagbili ng NFA rice.  Hindi naman ang pilahan ang problema. Manipestasyon lang ng problema ang mahabang pilahan. Ang totoong problema – mataas ang presyo ng bigas. Sa totoo lang, mga mare, kung abot-kaya ang tinatawag na commercial rice, hindi naman tayo magpapakahirap pumila makabili lang ng murang bigas. Aba’y matagal na ’yang NFA rice pero hindi naman pinipilahan dahil kinakaya pa natin kahit papaano ang bigas sa tindahan. Pero ngayon hindi na.
Ayaw lang din ni Gloria ang mahahabang pilahan dahil ilang araw nang laman ng diyaryo at telebisyon ang mga kababaihang galit na galit at mga batang nag-iiyakan sa mga pilahan. Kasi ’nga naman, malinaw na larawan ito ng krisis. Malinaw na larawan ng pagpapahirap ni Gloria sa taumbayan.  At heto’t nagtaas na rin ang presyo ng pandesal at halos lahat ng bilihin.

Malalim ang pinag-uugatan ng krisis ng Pilipinas. Mahabang diskusyunan, sa totoo lang, mga mare. Pero ang kagyat na problema ay ang walang tigil na pagtaas na presyo ng bilihin. Kung gayon, ang dapat na kagyat na soluyon: Kontrolin ang presyo.

Hindi pa ma’y nagkakabuhul-buhol na ang dila ng mga alipures ni Gloria kung bakit hindi daw uubra ang price control. Makakasama daw ito sa ekonomiya. Kailangan pa daw bigyan ng emergency power si Gloria at mag-deklara ng state of emergency.

Hindi kailangan ang mga ’yan. Alam n’yo ba, mga mare, may batas kaugnay ng pagkontrol sa presyo ng bilihin? Ayon sa Price Act of 1992, dalawang uri ng pagkontrol sa presyo ang maaaring isagawa – ang automatic price control at ang mandated price ceiling.

Sa unang tipo pumapasok ang mga rekisitos ng emergency power at deklarasyon ng state of emergency. At dito, sa loob lamang ng maksimum na 60 araw puwedeng ipatupad ang price control.

Pero sa ikalawang tipo – ang mandated price ceiling – hindi kailangan ang kahit ano kundi ang rekomendasyon ng National Price Coordinating Council (na pinamumunuan ng Secretary of Trade and Industry) na ipataw ang price ceiling. Isinasagawa ito upang makaagapay ang mga mamimili sa matinding pagsirit ng presyo ng bilihin.

At alam n’yo ba, mga mare, na naisagawa na ang katulad nito? Noong 1990, nagpataw ng price ceiling sa National Capital Region ang dating Pangulong Cory Aquino sa bisa ng isang executive order. Ibig sabihin, maaari itong gawin, kung gugustuhin.

Kaya, mga mare, kung sawa na kayo sa pila, aba’y panahon nang humanay naman. Humanay tayo sa laksa-laksang Pilipino na naniningil kay Gloria sa pagpapahirap niya sa atin.