News Update
Pilipinas sa ilalim ni Gloria: Ehemplo ng pag-unlad ng katayuan ng kababaihan?
Mga mare, alam n’yo ba na nagsumite ang gobyerno ni Gng. Gloria Macapagal-Arroyo sa United Nations ng report nito tungkol sa kung paano nila ipinatupad ang mga nilagdaan nitong pandaigdigang kasunduan? Kasama na dito, s’yempre, ang Cedaw (Convention on the Elimination of Discrimination Against Women). Naku, mga mare, kung nabasa niyo ang report ni Gng. Arroyo, baka malaglag kayo sa upuan ninyo sa tindi ng kasinungalingan!
Ipinagmamalaki ni Gng. Arroyo na ang bansa daw natin ang ehemplo ng “women’s empowerment.” Katunayan nga raw, ika-anim sa 128 bansa sa 2007 Global Gender Gap Report ang Pilipinas sa may pinakamalaking pag-unlad sa katayuan ng kababaihan kumpara sa kalalakihan.
Una sa lahat, mga mare, kadusta-dusta ang kalagayan ng malawak na bilang ng mamamayang Pilipino – babae man o lalaki. Sa ganitong punto, totoong may pagkakapantay-pantay dahil pare-pareho tayong naghihikahos.
Pero may dagdag na pasanin pa rin ang kababaihan. Sa paglala ng kahirapan, dumadausdos din ang panlipunan at pang-ekonomiyang katayuan ng kababaihan. Sa biglang tingin, tila dumarami na nga ang kababaihang nagtatrabaho. Pero kung bubusisiin, mas matindi ang kalagayan ng kababaihang manggagawa. Bukod sa nananatiling maliit ang bilang ng kababaihang manggagawa, nasa trabahong walang kaseguruhan ang kababaihan.
Kalakhan ng kababaihang manggagawa ay kontraktuwal sa mga pabrika o ‘di kaya’y “seasonal workers” sa mga plantasyon kung saan pana-panahon lang ang trabaho, mababa ang sahod, walang benepisyo at walang katiyakan ang empleyo. At dahil sa tindi ng krisis, ang kababaihan din ang madalas na “dumiskarte” upang makahanap ng pagkakakitaan – naglalabada, nagtitinda, naglalako ng pagkain, o nangangatulong. At ang may kaunting kakayanan, nangingibang-bayan bilang OFW kalakhan sa mga trabahong bulnerable sa pang-aabuso tulad ng entertainer o domestic helper.
Sa kabila nito, nananatiling pangunahing responsabilidad ng kababaihan ang gawaing bahay. Mababa pa rin ang pagtingin sa kababaihan sa kalakhan. Napakarami pa ring kababaihang biktima ng karahasan. Sa kabuuang bilang ng naitalang kaso ng karahasan sa kababaihan, 76.2% ay “domestic violence.” Isang babae ang biktima ng pambubugbog kada isang oras at 50 minuto. Isang babae ang biktima ng panggagahasa kada pitong oras at 30 minuto.
Kahirapan din ang nagtutulak sa kababaihan na pumasok sa prostitusyon. Taun-taon, tinatayang 300,000 tao ang biktima ng sex trafficking sa buong daigdig at karaniwang ang mga biktima ay nanggagaling sa mga bansa sa Southeast Asia, tulad ng Pilipinas.
Mas malala sa kasinungalingan ni Gloria na papaunlad na raw ang katayuan ng kababaihan. Mismong ang gobyerno niya ang may kasalanan sa kahindik-hindik na mga paglabag sa karapatang pantao ng kababaihan. Mula 2001, aabot sa 1,010 kababaihan at 303 bata ang biktima ng paglabag sa karapatang pantao kabilang na ang 102 biktima ng pampulitikang pamamaslang, 30 biktima ng pagdukot at 19 na biktima na ilegal na pagkulong. Kasama rito ang kaso ng pagpapahirap at panggagahasa ng militar sa mga estudyanteng sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, na mapahanggang ngayon ay nawawala pa rin.
Pulos kasinungalingan ang ipinagyayabang ni Gloria at isinasangkalan pa tayong kababaihan. Kung mayroon mang ehemplo ng “women’s empowerment” sa Pilipinas, wala ito sa mga ipinagmamalaki ni Gloria. Sa halip, ito pa ‘nga ang tinatago niya.
Dahil para sa atin, mga mare, ang patunay ng lakas ng kababaihan ay ang araw-araw at tuluy-tuloy nating pakikibaka para mabuhay sa gitna ng krisis at walang-sawang paglaban sa mga kalapastanganan ni Gloria.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS