News Update

Presyo ang kalahatiin, hindi ang kanin

Gert Ranjo-Libang

SA ISANG tipunan ng mga nanay, hindi maaaring hindi mapag-usapan ang pagtaas ng presyo ng bigas. Pumapalahaw lagi ang reklamo sa taas ng presyo nito. Sunud-sunod at walang patid ang pagtaas ng presyo ng bigas – ang P28/kilo na binili mo noong nakaraang lingo, P31 na ngayon! Ang rolling stores na nagtitinda ng NFA rice ay dinudumog ng mga tao, eksenang animo’y panahon ng giyera na nirarasyon ang pagkain. Oo, mga mare, may krisis sa bigas at malaking krisis ito dahil ang bigas ay batayang pagkain ng mamamayang Pilipino. Ika ’nga, ’di bale nang walang ulam, huwag lang walang kanin.

Kung anu-ano ang naririnig nating dahilan kung bakit daw kinakapos ang Pilipinas ng suplay ng bigas – hoarding daw ng mga traders, mga anomalya sa loob ng NFA (National Food Authority) at may nagsasabi pang salik din ang papalaking populasyon ng bansa kaya tayo kinakapos.

Ang nakakagalit lalo ang mga pinapanukalang kagyat na solusyon ng gobyerno – mag-half rice na lang daw tayo. Nakakagalit dahil ang tinutungtungan ng ganitong panukala ay ang pagtingin na maaksaya sa kanin ang mamamayang Pilipino. At hindi naman sa fastfood o karinderya kumakain ang malaking bilang ng Pilipino kung saan umoorder ng half rice. Sa loob ng bahay, ang prublema ay kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na kanin sa kaldero para sa buong pamilya. Sabi nga ng mga nanay, presyo ang kalahatiin, hindi ang kanin.

Nilinaw na ng KMP (Kilusang Magbubukid ng Pilipinas) ang tunay na dahilan ng krisis sa bigas – epekto na ito ng sistema ng ekonomya ng Pilipinas kung saan ang malalaking lupaing agrikultural ay pagmamay-ari ng iilang pamilya at dayuhang korporasyon at sa kalakhan, nananatiling atrasado ang sistema ng pagsasaka. Pinalala pa ito ng pagpasok ng Pilipinas sa mga ‘di pantay na kasunduan sa pangangalakal tulad ng GATT-WTO (na kung naaalala ninyo ay pinangunahan ni Gloria Macapagal-Arroyo noong siya’y senadora pa lamang). Ibig sabihin, ang agrikultura ng Pilipinas ay hindi umuunlad ayon sa pangangailangan ng mamamayan kundi nakaayon ito sa interes ng mga panginoong may lupa at dayuhang korporasyon. At dahil may ganito na ngang problema, sinasamantala naman ito ng mga kartel ng bigas kaya’t nadadagdagan lalo ang krisis.

Naku, mga mare, baka nagpa-panic na kayo’t iniisip ninyong talagang kagutuman na ang kahahantungan ng krisis na ito, lalo na’t pandaigdigan umano ito. May kagyat na solusyon naman, mga mare, ayon sa ating mga kapatid na magbubukid. Ang panukala nila: Agad ipatupad ang price control sa presyo ng bigas at lakihan ang suplay ng bigas na binibili ng NFA (o ang tinatawag na government procurement).

Batay sa pag-aaral ng KMP, sa tinatayang bolyum ng palay na aanihin sa darating na anihan dito sa Pilipinas, kung itataas sa 25% ang bibilhing bigas ng NFA (sa halip na 1%), aabot sa mahigit isang buwan ang stock na bigas ng Pilipinas. At kakayanin daw na itakda ang NFA rice sa P18.25/kilo. Ang mahalaga lang, kailangang kontrolin agad ang presyo ng bigas para mapigil din ang pagsasamantala ng mga kartel at ng ibang traders.

Alam ko na ang tanong niyo, mga mare: Kokontrolin ba ni Gng. Arroyo ang presyo ng bigas? Ang sagot dyan ay isang tanong din: Na-kontrol ba ni Gng. Arroyo ang pagtaas ng presyo ng langis, LPG, manok, baboy, etc.etc.? Oo, mga mare, dagdag na naman ito sa papahabang listahan ng kasalanan ni Gng. Arroyo. Kaya’t kung may kagyat na solusyon sa krisis ng bigas, may kagyat ding solusyon sa inutil na pangulo. At alam niyo na ‘yun, mga mare.