News Update

Sa unang bugso ng ulan sa Mayo

in
Arlan Manalo Camba
sa pusod ng lupang tiwangwang
nilinang ang butil ng buhay,
kahit isang salop ang pagkabusabos
ng mga manggagawang
gulugod ng mundo;
walang kilohang makatitimbang
sa lilikhain nilang kasaysayan…

malapit na ang regodon;
dinidikta ng matinding gutom
ang pagpapatuloy sa naantalang
rebolusyon;
may ambon nang pumapatak
sa panahon ng tag-init,
pinasisingaw ang ngitngit at galit
sa dibdib ng lupa;
alimuom na sumusulak
sa hangarin na lumaya!

panahon daw ng bulaklak
ang buwan ng Mayo,
at ang unang ulan sa buwan na ito
ay tila basbas na mula sa langit;
pinapalis ang banas
na dulot ng tag-init
inaanod ng tubig-ulan
ang sakit at mga yagit…
ito na nga sana
ang maging bendisyon
ng pagbabalikwas
ng laksa-laksang masang ginugutom
ito na rin sana ang oras ng paghuhukom
katubusang pinahinog ng panahon!

sa unang bugso ng ulan sa Mayo,
maglulunoy tayo sa mga tigatik
ng nag-aalimpuyong silakbo ng masa;
uulan at babaha ng mga protesta,
aalingawngaw ang nag-iisang tinig
ng hukbong mapagpalaya;
sa uring dinuhagi,
sa uring inapi,
sa uring pinagkaitan ng hustisya,
sa uring bumubuhay sa madla,
sa dakilang hanay ng mga manggagawa,
magbabago ang kasaysayan!
malilipol ang mapagsamantala
sa lipunan…

sa a-primero ng buwan ng Mayo,
dadagundong ang paglaya
sa karit at maso…!

Kasalukuyang nagtuturo si Arlan Manalon Camba sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas, bahagi rin siya ng kaguruan sa La Salle Colleges sa Lungsod ng Antipolo.