News Update
Ambus ng NPA sa North Cotabato: 3 sundalo napatay, 21 sugatan
Soliman A. Santos
TATLONG sundalo ang namatay habang 21 ang sugatan matapos tambangan ng NPA (New People’s Army) ang convoy ng militar sa hangganan mga bayan ng President Roxas at Arakan sa North Cotabato noong Mayo 5.
Ayon kay Maj. Lyndon Paniza, kumander ng 39th Infantry Battalion, nangyari ang pananambang bandang alas-singko ng umaga sa Bryg. Ilustre, President Roxas.
Pabalik na umano ang mga sundalo mula sa Arakan Valley matapos ang isang linggong operasyon laban sa NPA nang tambangan sila ng mga rebeldeng kabilang sa Front Committee 3.
Nauna nang napaulat na nakasakay ang mga sundalo sa dalawang trak nang masabugan ito ng mga land mine na iniumang ng mga rebelde.
Sumunod na umano ang matagal na labanan sa pagitan ng mga sundalo at mga rebelde. Hindi naman masabi ni Paniza kung may nasugatan o namatay sa mga rebelde.
Sinabi pa ni Paniza na kinukumpirma pa nila kung ilan talaga ang napinsala sa kanyang tropa at idinagdag na anim lamang ang sugatan sa mga ito.
Subalit sinabi ng isang Fe Mendoza ng Arakan Valley Hospital sa isang panayam sa radyo na 18 ang sugatan sa mga sundalo.
“Tatlo sa mga dinala sa Kidapawan ang malubhang nasugatan. Dalawa sa kanila ang may tama sa ulo… lubhang kritikal ang kanilang kondisyon,” ani Mendoza.
Napaulat naman sa radyo na sinabi ni Gen. Avelino Razon Jr. na 21 sa mga sundalo ang nasugatan sa naturang ambus.
Umatras sa usapang pangkapayapaan ang mga rebelde noong 2004 matapos akusahan ang gobyerno na siyang nanguna sa pagkakalagay ng NPA sa “listahan ng mga terorista” ng US at European Union.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS