News Update
Ang pinakabatayang isyu
Carol Pagaduan-Araullo
Alam ni pangulong de facto Gloria Arroyo ang dapat gawin para kagyat na mapababa ang singil sa kuryente at timpiin ang tama ng sumisirit na presyo ng bigas, langis at iba pang batayang kalakal at serbisyo. Sertipikahan lang niya na urgent ang panukalang pagbasura sa batas ng Vat sa elektrisidad at langis at sa batas na nagpapahintulot sa mga kompanya ng distribusyon tulad ng Meralco na singilin ang mga systems loss (o kapalpakan nila) sa mga kustomer. Mahigit 20% katipiran na ito sa mga konsiyumer at puwede pang mag-angat sa sadsad niyang popularidad.
Pero bakit pinili niyang pawalan ang kanyang mga asong pang-atake sa Meralco, ang pinakamalaking distributor ng elektrisidad sa bansa, at pinagmumulan ng kuryente ng mga taga-Metro Manila? Sa hudyat ng talumpati ni Gng. Arroyo, naglunsad ng kampanya ang Government Service Insurance System na humahawak ng 33% ng Meralco (kasama ang iba pang korporasyong gobyerno) kontra sa kasalukuyang manedsment nito.
Nagdaos na sina Rep. Juan Miguel Arroyo at Sen. Miriam Santiago, mga pinuno ng mga Komite sa Enerhiya ng Kongreso, ng imbestigasyon ukol sa singil ng Meralco, na diumano’y pinakamataas sa Asya. Pareho silang pumapapel na nagkukrusada laban sa kasakimang pangkorporasyon habang nagbubulag-bulagan sa mga batas na ipinasa sa ilalim ni Gng. Arroyo, tulad ng Epira (Electric Power Industry Reform Act) na, ayon sa mga kritiko, ay siyang pinakamalaking sanhi ng patuloy na di-makatuwirang pagtaas ng singil sa kuryente.
Mula sa aming kinalalagyan (napakainit na opisinang hindi kayang mag-air conditioner), tila ito halimbawa ng malaki’t maitim na kaldero na nagsasabing ang takore ay mauling. O, kung ayaw ninyo ng metapora: Pinipilit ng rehimeng Arroyo na ipasa sa Meralco ang pananagutan sa lumalaking singil sa kuryente sa Luzon. Sa proseso, gusto nitong muling pagtakpan ang mas malaki nitong pananagutan at magmukha pa ngang nagkukumahog para pagaanin ang pasanin ng mga konsiyumer.
Sa kabilang banda, kapani-paniwala ang napiling puntiryahin ng pangkating Arroyo. Kakataas lang ng nagmomonopolyong kompanya ng singil sa kuryente – 67.17 sentimo – kasabay ng pag-uulat ng 23% paglago ng pang-kuwarter na kita nitong 2008. Tumabo ito ng P655 Milyong linis na tubo noong unang kuwarter (US $15.4-M) kumpara sa P532-M noong unang kuwarter ng 2007 habang hirap na hirap makatawid-buhay ang mayorya ng mga Pinoy.
Marami ang nakakaalala kung paanong nabigo ang Meralco na ipasa sa walang kamalay-malay na mga kustomer ang bayaring mga buwis nito noong 1994-2003. Inatasan ito ng Korte Suprema na isauli ang mahigit sa P30 Bilyong sobrang singil nito. Bago nito, iginiit ng Bagong Alyansang Makabayan sa ERC na ang Meralco ay nabigyang-laya ng unbundling ng mga singil sa ilalim ng Epira para ipuslit ang di-aprubadong pagtaas ng singil. Dahil sa mahabang rekord nito ng pagnenegosyo at pagtubo sa kalagayang monopolyo, itinuturing ng marami ang Meralco sa ilalim ng mga Lopez bilang may-pribilehiyo, ganid at walang pakundangan lalo na sa harap ng pinakahuling paglala ng lagay ng ekonomiya sa pagputok ng krisis sa bigas at langis.
Lumalabas tuloy na biglang kinatigan ng gobyerno ang mga konsiyumer.
Ang pinakabatayang tanong, gayunman, ay ang pinakamahalaga sa publikong kumokonsumo: Kung makontrol ng gobyerno ang Meralco, bababa ba ang buwanang singil sa kuryente?
Sa tingin namin, hindi. Ang totoo, walang ginawang mayor na pagbabago ang rehimeng Arroyo sa patakaran, na laman ng Epira. Simula nang maging kritikal ang suplay ng kuryente noong huling bahagi ng dekada ’80 at maagang bahagi ng dekada ’90, sumunod ang lahat ng gobyerno, matapos si Marcos, sa payo ng IMF-WB-ADB. Hindi sila nagtayo ng imprastruktura para tugunan ang lumalaking demand, kundi nangontrata ng kuryente sa mga IPP (independent power producer).
Dahil sa presyur ng internasyunal na mga pinagkakautangan ng bansa para madaliin ang pagsasapribado ng sektor ng kuryente, pinaspasan ng Kongreso ang Epira at pinirmahan ito bilang batas ni Pres. Arroyo noong 2001 – bagaman tutol ang mga mamamayan.
Layunin ng Epira na baguhin ang istruktura ng industriya ng kuryente at isapribado ang Napocor. Layunin ng gobyerno sa pagsasapribado ng Napocor na makaiwas sa pagkalugi sa mga pautang at ipasa ang pamumuhunan sa imprastrukturang pangkuryente sa pribadong sektor, habang kumikita sa pagbebenta.
Pero taliwas sa ipinangako, ang Epira ay hindi nagdulot ng tunay na pagbaba ng singil sa kuryente. Ayon sa mga pag-aaral ng Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates), binigyang-katuwiran ng Epira ang pahirap na PPA o Purchased Power Adjustments sa maanomalyang mga kontratang pinasok ng Napocor sa mga IPP. Karamihan sa mga IPP, pag-aari ng dayuhang mga korporasyong multinasyunal sa pakikipagsabuwatan sa malalaking lokal na negosyante sa elektrisidad.
Malinaw na sa “paglaban” sa Meralco, gusto lamang ni Gng. Arroyo na ilihis ang makatuwirang galit ng sambayanan sa mataas na singil sa kuryente habang nagmamaniobrang ipuwesto ang kanyang mga kroni at tauhan para magkaroon ng mas malakas na posisyon sa industriya ng kuryente.
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 9-10 Mayo 2008.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS