News Update
Dan Vizmanos sa alon ng alaala
Noel Sales Barcelona
Di maipiit ninuman ang diwa ng orihinal na ‘rebeldeng sundalo.’
DOON, nakita talaga niya ang giyera. Nang mapunta siya sa Saigon, walang tigil ang pambobomba ng B52 bomber—gabi, umaga, hapon. Nang tumigil ang pambobomba, naisip niyang pumasyal sa iba’t ibang lugar.
Kapitan sa Philippine Navy noon si Danilo Vizmanos nang magpunta sa Vietnam para inspeksiyunin ang mga sundalong ipinadala ng Pilipinas doon.
“Sa isang ospital, napasok ako sa isang ward na puro bata [na biktima ng pambobomba] ang naka-confine. Wala sanang unusual kung bata lamang na anim-pitong taon [ang nabiktima]. Pero, mga 11 hanggang 12 sila. Sunog na sunog ang katawan. Nasabi ko sa sarili ko, ‘Ano ang kasalanan ng mga batang ito kay [Presidente Lyndon] Johnson, sa mga piloto ng eroplano na nagbagsak ng bomba?’,” alaala ni Vizmanos sa digmaang mahigit 40 taon na ang nakararaan.
Taong 1967, bumalik siya sa Pilipinas. Opisyal pa rin siya ng militar, pero ibang-iba na ang kaisipan. “Pagkatapos magdeklara ng martial law si Marcos, na inayudahan ng Kano, naisip ko na hindi ko na patatagalin ang sarili ko sa serbisyo. Kaya noong 1972, nag-file ako ng retirement,” kuwento niya. Umalis siya sa AFP (Armed Forces of the Philippines) at unti-unting naitulak ng panahon sa aktibismo.
Pag-amin niya noong una, hindi niya alam ang salitang “masa” o “pakikibaka.” Amboy siya—ang buong pagkatao, nababalutan ng Star-Spangled Banner. Nagtapos siya sa paaralang Amerikano, sa US Merchant Marine Academy, naging Navy, naging kapitan, at naglingkod nang buong puso sa gobyernong inaayudahan ng gobyernong US.
Pagtalikod
Ngunit nang makitang sakim ang “santong” pinaglilingkuran, tinalikuran niya ang lahat. At sa pagpihit ng kanyang puso at kaisipan para maging makabayan, nalasap niya ang pait ng bilangguan.
Ikinarsel siya nang dalawang taon, mula 1974 hanggang 1976. Tatlong kampo ang pinagdalhan – Crame, Fort Bonifacio, Bicutan. Pinahirapan. Tinurukan ng kung anong gamot ang katawan. Doon lalong naging kongkreto sa kanya ang kamalian ng ahensiyang dating kinabilangan.
“Na-release din ako, walang kaso kahit ano. Ipinatawag pa ako ni [dating Defense Minister Juan Ponce] Enrile. Inalok ako ng puwesto sa kanyang opisina. Hindi ko tinanggap dahil alam kong gagamitin lang nila ako. Lalo akong nakisangkot sa people’s struggle,” pagdaloy ng gunita habang nakapikit siya, pinaglalabanan ang kirot na dulot ng kanser na unti-unting gumugupo sa dati niyang malakas na pangangatawan.
Muling parang alon sa dagat, nagbalik ang mga alaala.
Ibang-iba
“Kaya ibang-iba ako sa naging mga kasamahan ko sa AFP. Iba ang isip ko kaysa kay [dating Heneral Hermogenes] Esperon,” naibulalas niya.
Walang pinagsisisihan si Vizmanos sa mga desisyon niya sa buhay. At kahit nasa kalagitnaan ng paglaban sa sakit na kanser, nanatili siyang matatag. Tangan pa rin niya ang mga prinsipyong matagal niyang pinaglaban – sa loob ng AFP, sa karsel ng diktadura, sa lansangan.
“Sa panahon ng pagsasalita ko [sa mga asambleya], kapag may magtatanong, ‘Paanong mababago ang lagay ng lipunang Pilipino?’, hindi ko sila sinasagot ng diretso. Aniko na lamang, pag-aralan ninyo ang naging karanasan ng Tsina, ng Vietnam at Cuba. Doon ninyo malalaman ang kasagutan.”
Sa sinabi niyang iyon, biglang daloy sa sariling gunita ang maningning na senaryo ng tagumpay ng pakikibakang-bayang mahigpit niyang pinaniniwalaan. Kukulay sa maasul na karagatan ang repleksiyon ng isang maringal at mapulang bukang-liwayway, na ikinalulungkot niyang baka hindi na niya masaksihan dahil sa kanyang matinding karamdaman.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS