News Update
Hamon kay Arroyo,VAT sa kuryente alisin; P206 kada buwan matitipid sa pag-alis ng buwis
Ilang-Ilang Quijano
HINAMON ng mga grupong pangkonsiyumer si Pangulong Arroyo na alisin ang VAT (value-added tax) sa kuryente kung seryoso ito sa pagpapababa ng tumataas na singil sa kuryente.
Kapag inalis ang VAT, makatitipid ng P206 kada buwan ang mga pamilyang kumokonsumo ng 200kWh (kilowatt hour) na may katumbas na P2,000 singil.
“Malaking bagay ito para sa mga konsiyumer para maituon ang matitipid sa iba pang mga pangangailangan tulad ng bigas at pagkain,” sabi ni Engr. Ramon Ramirez, tagapagtipon ng grupong Power (People Opposed to Warrantless Electricity Rates).
Sinabi pa ng grupo na may nakabinbin na mga panukalang batas sa Kongreso na tanggalin ang VAT sa kuryente at mga produktong petrolyo, pero hindi gumagalaw ang mga ito dahil sa pagtutol ng administrasyon.
Umano’y ang pag-alis sa VAT ang “pinakamabilis” at “pinakadirektang” paraan para mapababa ang singil sa kuryente. “Bakit hindi ito nakikita ng gobyerno?” ani Ramirez.
Sobrang kita
Nanawagan naman ang progresibong mga kinatawan ng party-list sa Napocor (National Power Corporation) at Meralco (Manila Electric Company) na ibaba ang singil sa kuryente. Anila, “sobra-sobra” ang kinikita ng Napocor at Meralco sa kabila ng krisis sa pagkain at pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at batayang mga bilihin.
“Nananawagan kami kay Arroyo na utusan ang Napocor na ibaba ang mga singil at resolbahin ang mga anomalya sa coal procurement system nito na nagpapataas sa singil sa kuryente. Nananawagan kami sa mga may-ari ng Meralco na ibaba nang husto ang singil para makaagapay ang mga konsiyumer,” pahayag nina Bayan Muna Reps. Satur Ocampo at Teddy Casiño, Gabriela Reps. Liza Maza at Luz Ilagan, at Anakpawis Rep. Crispin Beltran.
Numero uno ang Napocor sa Unang 1000 kompanya sa Pilipinas noong 2005 at 2006. Kumita ito ng P90 Bilyon noong 2006.
Pangatlo naman ang Meralco, na tumaas ang kita nang 23 porsiyento at kumita ng P655 Milyon sa unang kuwarto ng 2008. Noong 2006, Kumita ito ng P13.37-B.
Mula Abril, tumaas nang mahigit 50 porsiyento ang singil ng Meralco, katumbas ng P0.97 kada kWh.
Tutol sa takeover sa Meralco
Kinuwestiyon din ng nasabing mga kinatawan ang planong takeover ng gobyerno sa Meralco na umano’y isang “hakbang pampulitika” ni Arroyo.
Kamakailan, pinaimbestigahan ni Winston Garcia, general manager ng Government Service Insurance System, ang mga may-ari ng Meralco na nakinabang sa P30-B sobrang singil sa mga konsiyumer na inutos ibalik ng Korte Suprema noong 2003.
Pero pahayag nina Ocampo, Casiño, Maza, Ilagan, at Beltran, nais lamang gipitin ng Pangulo ang pamilya Lopez, may-ari ng Meralco.
Anila, ito’y dahil sa pagsuporta diumano sa oposisyon ng maimpluwensiyang pamilya na may-ari rin ng TV network na ABS-CBN. “Tulad ito ng pagkumpiska sa Meralco ni (dating Pangulong Ferdinand) Marcos noong dekada ’70,” anila.
Sang-ayon dito ang Uno (United Opposition). “Ang government takeover sa Meralco ay isang masamang ideya na magdudulot ng kapalpakan at korupsiyon,” ani Adel Tamano, tagapagsalita ng Uno.
Dagdag pa ni Tamano, magiging “gatasan” lamang ang Meralco ng mga opisyal ng gobyerno na bibigyan ng matataas na posisyon dito.
Anomalya rin sa Napocor
Samantala, dapat ding imbestigahan ng gobyernong Arroyo ang mga anomalya sa Napocor, na nagpapataas ng singil sa kuryente, pahayag ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan).
“Hindi lang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang Meralco para makakuha ng pogi points. Ang problema ay ang istruktura ng sektor ng enerhiya at polisiya ng deregulasyon at pribatisasyon sa ilalim ng Electric Power Industry Reform Act,” ani Renato Reyes Jr., pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Nakabinbin sa Energy Regulatory Commission at Office of the Ombudsman ang umano’y artipisyal na pagtaas ng generation rate sa mga plantang kontrolado ng Napocor, na nagresulta sa P9-B kuwetiyonableng singil mula Agosto hanggang Nobyembre 2006.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS