Ina para sa inang bayan

Gertrudes Ranjo-Libang

Bago ang lahat, dahil sa Araw ng Ina nitong nakaraang Linggo, hayaan niyo muna akong magbigay-pugay sa lahat ng ina at lahat ng kababaihang nakikipaglaban para sa kinabukasan ng salinlahi.

Nitong Sabado, nagtipun-tipon ang mga lider ng Gabriela at Gabriela Women’s Party bilang bahagi ng pagpupugay natin sa mga ina na naglilingkod sa inang bayan. Isang tampok na pinag-usapan sa pagtitipong ito ang ginagawang pampulitikang panggigipit kay Gabriela Women’s Party-list Rep. Liza Maza.

Naaalarma at nagagalit ang mga kababaihan ng Gabriela dahil muling gumulong ang sinampang gawa-gawang kaso ng kidnapping at murder kay Liza (kasama ni Liza na inakusahan ang mga representante ng Bayan Muna na sina Satur Ocampo at Teddy Casiño at dating representante ng Anakpawis na si Ka Paeng Mariano). Isinampa ang kasong ito noon pang nakaraang taon – Pebrero 2007 – bago magsimula ang kampanya para sa eleksiyon. Ginamit pa nga itong batayan para hingin ang disqualification ng GWP, Bayan Muna at Anakpawis sa eleksiyon pero ibinasura ito ng Comelec dahil wala itong batayan.

Ngayo’y napipinto ang gagawing pag-aresto kina Liza. Napipigil lang ito dahil nakapagsampa ang mga progresibong mambabatas ng “motion for judicial determination of probable cause” – ibig sabihi’y hiniling nating muling tingnan kung may batayan ang isinampang kaso.

Lampas sa mga usaping legal, ang ikinangingitngit nati’y alam nating ang gobyerno ni Gloria Macapagal-Arroyo ang nasa likod ng ganitong pampulitikang panliligalig kina Liza. Hindi pa natin nalilimutan ang ginawa nilang pagkaso ng rebelyon sa Batasan 6 noong 2006. Ilang buwan ding nasa ilalim ng protective custody ng Kongreso ang mga mambabatas natin. Katunaya’y mahigit isang taong nakadetine si Ka Crispin Beltran ng Anakpawis bago ibinasura ng Korte Suprema ang kaso ng rebelyon. Ngayo’y gumugulong ang isang gawa-gawang kasong kriminal na wala namang naniniwalang may kinalaman ang ating mga progresibong mambabatas. Layunin nitong ligaligin si Liza at guluhin ang maka-kababaihan at makabayang gawain ng Gabriela Women’s Party sa Kongreso lalo ngayong tumitindi ang mga isyung kinakaharap ng mamamayan – pagtaas ng presyo ng bigas at langis at singil sa kuryente, kawalan pa rin ng umento sa sahod ng manggagawa, korupsiyon sa gobyerno at iba pa.

Nagagalit ang kababaihan sa panggigipit kay Liza dahil siya ang unang kinatawan ng Gabriela Women’s Party, ang tanging partido ng kababaihan sa Kongreso. Si Liza ang pambansang bise-presidente ng Gabriela (Pambansang Alyansa ng Kababaihan sa Pilipinas). Kumbaga’y, ang pagsaling kay Liza ay katumbas ng pagsaling sa organisadong lakas ng kababaihan.

At gaya ng naging kaisahan ng mga lider kababaihan ng Gabriela, hindi mananahimik ang kababaihan sa ganitong atake ni Gloria. Makatwiran ang ipinaglalaban ng mga kababaihan para sa maaliwalas na kinabukasan ng susunod na henerasyon at paulit-ulit na bibiguin ang panggigipit at panunupil ni Gloria. Alam natin, mga mare, tuwina’y magtatanggol ang mga inang lumalaban para sa Inang Bayan.