News Update
Kainan sa bakawan
Soliman A. Santos
Ipinakita ng mga mangingisda sa Zamboanga Sibugay na may sukling bahagyang ginhawa ang sariling sikap at pangangalaga sa kalikasan
KABASALAN, Zamboanga Sibugay – Kumikita sila ng hindi pa aabot sa P100 sa isang araw na pangingisda noon. Pero nang makaisip sila ng bagong mga pamamaraan ng pangingisda, naging mas maaliwalas ang kanilang araw-araw. At may dagdag pa.
Ang dating maliliit na mangingisda noon – na naging mga opereytor ng mga fish cage o hawla ngayon – ay nagbabalak magtayo ng isang restawran sa dalampasigan, na siya rin nilang pinagkukuhanan ng kabuhayan.
Balak nilang gawing pang-akit sa mga turista ang kanilang pangisdaan na matagal na rin nilang muling inalagaan. Ang kanilang pangunahing atraksiyon: lapu-lapu, alimango, talaba at ang mga puno ng bakawan sa dalampasigan.
Ayon kay Roberto Ballon, tagapangulo ng KGMC (Kalugpungan sa Gagmay Mangingisda sa Concepcion), asosasyon ng maliliit na mangingisda sa Concepcion, kabilang siya sa maliit na mangi-ngisda o ’yung tinatawag na mga municipal fishermen sa kanilang barangay noon.
Simula ng proyekto
Noong 2001, kinumbinsi sila ng Dar (Department of Agrarian Reform) sa pamamagitan ng WMCIP (Western Mindanao Community Initiative Project), isang ahensiya ng United Nations, na pangalagaan at pangasiwaan ang likas-yaman sa dalampasigan. Hinimok din silang magtayo ng sariling proyektong pangkabuhayan. Inalok silang subukan ang pangangasiwa ng mga fish cage.
Pumayag silang maglagay ng mga hawla para mag-alaga ng lapu-lapu at iba pang tinatawag na “grouper fish” dahil malaki ang pangangailangan sa mga ito ng merkado.
Nagdaos sila ng mga pagsasanay para simulan ang proyekto. Sa kasalukuyan, 251 na ang miyembro ng kanilang asosasyon. “Sampu lang kami noong simula, ngayon ay 251 na ang miyembro namin. Kaya naniniwala ako na maganda ang itinatakbo ng aming proyekto,” sabi ni Ballon.
Mula sa dating anim na fish cages na sinimulan nila noong 2001, mahigit 40 na ang fish cages sa kanilang lugar.
Ilegal na pangingisda
Ilegal ang paraan ng pangingisda nina Ballon bago nila naitayo ang asosasyon.
Mga mangingisda silang gumagamit ng “sudsod,” isang ilegal na pangingisda dahil maliliit ang mga mata ng lambat na ginagamit nila. Nahuhuli nito kahit ang maliliit na isda. Mapangwasak din ang sudsod dahil sinisira nito ang mga halamang-dagat na siyang tirahan ng maliliit na isda sa dagat.
Sa ngayon, aabot sa 251 mangingisda silang nag-aalaga ng lapu-lapu, maya-maya at iba pang mamahaling isda. Ipinagmamalaki nilang hindi na sila nakakadagdag sa pagwasak ng likas-yaman ng dagat.
Ayon pa kay Ballon, nakakapagbigay rin ng hanapbuhay ang fish cage sa komunidad. Habang ang iba’y nangangasiwa ng fish cage, nanghuhuli naman ng binhi ang ibang mangingisda. Binabayaran ito ng nangangasiwa ng hawla ng halagang P25 kada piraso.
Sa loob ng anim na buwan, naibebenta nila ang kanilang mga alaga mula P75 hanggang P250 isang piraso, depende sa laki at uri ng isda.
Nagkahalaga ng P75 ang karaniwang grouper fish, na tumitimbang ng halos kalahating kilo. Nabebenta sa P130 kada piraso ang isdang tumitimbang ng mahigit isang kilo.
Dalawandaang isda ang puwedeng alagaan sa isang hawla. Tinatayang 90% nito ang mabubuhay. Ayon kay Ballon, mas mabilis lumaki at mas madaling buhayin ang mga isdang binibili nila sa kapwa-mangingisda kumpara sa mga nagmula sa mga binhian o hatchery.
Karaniwan, P3,000 ang kailangan para sa isang 10-piye-kada-10-piyeng hawla para sa isang anihan.
Pangangalaga sa dalampasigan
Para maprotektahan ang kabuhayan, nagprisinta ang KGMC na protektahan ang dalampasigan sa Concepcion, kabilang ang bakawan na kanilang itinanim. Kailangang alagaan ang mga bakawan dahil ito ang likas na tirahan ng maliliit na isda.
“Pinagtatawanan ako ng mga tao noong nakita nila akong nagtatanim ng bakawan. Pero sila na mismo ang nakakita sa kabutihang idinudulot ng mga bakawan sa ating mga dalampasigan,” ayon kay Ballon.
Ang malagong bakawan sa ngayon ang ginagawang tirahan ng mga alimango. “Basta masipag ka sa panghuhuli ng alimango sa bakawan, puwede kang kumita ng P3,000 sa isang buwan. Pandagdag na rin ito sa kita ng iyong pamilya,” sabi ni Ballon.
Isa pang pinagkakakitaan ng mga taga-Concepcion ang pag-aalaga ng talaba. Pero kaiba sa nakasanayang paraan ng pag-aalaga ng talaba sa tulos na kawayan o sa lubid, sa putik itinatanim ng mga taga-Concepcion ang alaga nilang talaba.
“Nabubuhay pala sa putik, eh di sa putik ko itinanim. Di hamak na mas nakakatipid pa’ko dahil di ko na kailangang gumastos sa kawayan o lubid,” ani Ballon.
Dagdag-kabuhayan
Dahil sila naman ang nag-aalaga ng sariwang mga lamang-dagat, pinag-aralan nila na magbukas ng isang restawran sa mismong lugar ng kanilang pangisdaan. Ani Ballon, dagdag-kabuhayan ito para sa kanilang mga kabarangay at kababayan.
Sa ngayon ay 15 kubo na ang naitayo nina Ballon. Dito nila tinatanggap ang lokal na mga turistang pumupunta sa kanilang lugar, na hinahainan naman nila ng kanilang masasarap na lapu-lapu, talaba at alimango.
Katuwiran ni Ballon, kung kumikita ang mga restawran sa mga lamang-dagat na kanilang ibinebenta, bakit hindi nila subukan?
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS