News Update
Kasuwapangan
Sa tuwing 10% ang itinataas ng presyo ng pagkain, batay sa pananaliksik kamakailan ng ADB (Asian Development Bank), mga 2.3 milyong Pilipino ang nadaragdag sa hukbo ng maralitang mga mamamayan sa Pilipinas. Sa bawat 10% pagtaas lamang sa presyo ng langis, 160,000 mamamayan na, ayon kay Hyun Son – ekonomista ng ADB – ang mapapabilang sa mga maralita. Hindi lamang sila magpipisil ng sikmura kundi, sa kabilang banda, hindi na rin nila kayang magpagamot at mapag-aral ang kanilang mga anak o matugunan man lamang, kahit papaano, ang pang-araw-araw na pangunahing mga pangangailangan.
Ilang ulit na bang itinaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa? Inaasahang muli’t muling tataas pa nga ito kung tama ang hula ng Goldman Sachs – isang kompanya sa pagbabangko – na bago matapos ang 2008, maaaring umabot ng $150 ang bawat bariles ng langis sa pandaigdigang pamilihan o baka maging $200 pa sa susunod na taon. Ilang beses na rin bang tumaas ang halaga ng bigas, gatas, sardinas, manok, isda at baboy, elektrisidad at iba pang pambayang utilidades? Natural, tataas ang lahat – maliban sa mga unano’t talagang bansot o pandak – kapag tumaas nang tumaas ang halaga ng langis.
Sa kabila ng naghuhumindig na mukha ng karalitaan sa bansa, ilang beses na bang nilimusan ng dagdag-sahod ang karaniwang mga manggagawa? Itinaas nga ng gobyerno ng 10% ang suweldo ng mga empleyado ng pamahalaan – at sa Hulyo pa diumano ibibigay – na, kung tutuusin, ay hindi na rin makahahabol sa mabilis na pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo at, kung susuriin, ang matataas na opisyal lamang ng burukrasya na may malalaking suweldo ang higit na makikinabang sa bagay na ito.
Bakit hindi ibigay ang inamag na’t matagal nang hinihingi ng mga kawani ng gobyerno na dagdag na P3,000 bawat buwan para sa lahat ng empleyado nito upang maiangat – kahit bahagya – ang antas ng pamumuhay ng ordinaryong mga kawani? Bakit hindi bawasan, o tuluyan nang alisin, ang maanomalyang “pork barrel” ng mga piranha sa pondo ng bayan, gayundin ang mga “kickback” o kupit o pandurugas sa mga pagawaing-bayan, upang matugunan man lamang ito?
Sa pribadong sektor, ilang Mayo Uno na ba ang nagdaan na paulit-ulit na isinisigaw ng uring manggagawa ang hinihinging karagdagang P125 bawat araw sa kanilang minimong sahod? Patawing-tawing pa nga hanggang ngayon ang RWB (regional wage board) para magdesisyon sa bagay na ito at, higit na masama, lumilitaw pa itong kasapakat at pumapabor sa mga kapitalista. Sapagkat kasuwapangan sa tubo, hindi ang pagka-makatao, ang laging pangunahing batayan ng mga patakaran ng mga negosyante’t kapitalista, hindi na nga katakataka kung laging idinadahilan nilang magsasara ang maraming kompanya, at lalong mawawalan diumano ng trabaho ang maraming mamamayan, kapag itinaas nila ang suweldo ng mga manggagawa.
Bakit hindi suriin ng gobyerno ang limpak-limpak na tinutubo ng mga kompanyang ito taun-taon na, kalimitan, nandaraya pa sa pagbabayad ng tunay na buwis? Magkano ang tinubo, halimbawa na lamang, bukod sa nagkalat na iba pang mga kompanya ng negosyo, ng tatlong dambuhalang korporasyon ng langis sa bansa (Caltex, Shell at Petron) nito lamang 2006?
Kasuwapangan nga sa pera ng bayan ng gobyernong pinaghaharian ng katiwalian, at kasuwapangan naman sa limpak-limpak na tubo ng pribadong mga kompanya’t korporasyon ang malinaw na nagtatakda sa buhay at kinabukasan ng uring manggagawang patuloy na inilulublob sa karalitaan. Lalo tuloy nagiging totoo ang sinabi ng pilosopo-manunulat na Pranses na si Honore de Balzac na “sa likod ng napakalalaking kayamanan, naroroon din ang napakalalaking krimen” laban sa sambayanan.
Kasuwapangan din ng mayayaman at mauunlad na mga bansang kapitalista – tulad na lamang ng Amerika at Britanya – ang nagtutulak sa karalitaan sa mahihina’t atrasadong mga bansa, lalo na sa Aprika at Asya. Sa pamamagitan nga ng mapandambong at mapambusabos na mga instrumentong pangkabuhayan ng imperyalistang mga bansa, halimbawa na lamang ang idinikta nilang globalisasyon at liberalisasyon sa agrikultura na asal-aliping isinusulong at niyayakap pa ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo at ng masusugid niyang basalyos, hindi na balita – sa hinaharap – kung lalong mabansot ang pambansang ekonomiya at tuluyang lumubog sa kumunoy ng kahirapan at pagdaralita ang nakararaming mamamayang kumain-dili na lamang ngayon sa ilalim ng naghaharing rehimeng bentador ng pambansang kapakanan at kinabukasan.
Sa kabila ng mga kasalanan sa lipunan at masang sambayanan ng uring mapagsamantala dahil sa kanilang kasuwapangan – sa kayamanan man o kapangyarihan – nagagawa pa ng pambansang liderato, lalo na ni La Gloria, na isisi sa “media” at mga kritiko ng rehimen, gayundin sa mulat, makabayan at progresibong mga sektor ng lipunan na itinuturing pang mga “kaaway” ng Estado, ang anumang pambansang krisis, pampulitika man o pang-ekonomiya o maging pangkultura.
Ano nga ba kung maghirap nang maghirap ang bayan? Ano nga ba kung dumami nang dumami ang inginungudngod sa karalitaan? Walang mahalaga sa uring mapagsamantala, di nga kasi, kundi ang patuloy silang mamunini’t magpasasa sa anumang grasya ng kanilang kasuwapangan. – RLO
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS