News Update
Labu-labo na sina Gabby, Mommy Rose at Jobert
Boy Villasanta
UNANG nagdemanda ng pagsuway sa kasunduan ang peryodistang pampelikula na si Jobert Sucaldito laban kina Gabby Concepcion at Rose Flaminiano, ang prodyuser ng FLT Films at manager ni Gabby.
Nag-ugat ang asunto, sa ani Jobert, ay hindi pagpapahalaga nina Gabby at Rose sa kanilang mga salita. Wala ani Sucaldito palabra de honor sina Concepcion at Flaminiano samantalang pumayag na anya ang huling dalawang nabanggit sa kasunduan na ang aktor ay magiging isa nang endorser ng Met, isang uri ng food supplement pero kinalaunan ay natuklasan ni Jobert na tinanggap nina Gabby ang pag-i-endorso ng kalabang produkto na Lucida. Mula rito ay sinumbatan na ni Jobert sina Gabby at Mommy Rose. Sinabihan niyang mukhang pera ang dalawa kaya nagdemanda naman sila ng libelo laban sa manunulat.
***
P2-Milyon ang halaga ng kontrata ng inilalako ni Jobert para kay Gabby samantalang P5-M ang natisod ni Flaminiano para sa kanyang alaga.
Hindi tumitigil si Jobert sa kadadakdak laban kay Gabby. “Akala ko nga ay kaibigan namin si Jobert. Hindi pala. Nakakapanghinayang,” pahayag ni Rollie Concepcion, ama ni Gabby.
“Dapat malaman ni Jobert na malaki rin ang kanyang utang na loob sa anak ko lalo na noong nagsisimula pa lang siya. Madalas ’yan sa bahay at marami na ring naitulong si Gabby sa kanya,” sabi ni Rollie.
***
Sa Tarlac City pa isinampa ng mga Flaminiano ang kaso laban kay Sucaldito. Mismong ang asawa ni Rose, ang kontrobersyal na si Atty. Jose Flaminiano ang nagbigay-daan sa kanyang misis at kay Jobert na maghain ng sumbong na pormal sa husgado.
Sampung milyong piso ang danyos na hinihingi ni Gabby at ni Rose mula kay Sucaldito sa pagwasak anila ng peryodista sa kanilang pagkatao.
Ayon kay Mommy Rose, pera at hindi pagmamahal kay Gabby ang pinag-ugatan ng galit ni Jobert. “Fixer lang si Jobert at hindi siya ang manager ni Gabby. Hindi siya magtatagumpay sa anumang deal kung gusto niyang pagkakitaan si Gabby”, sabi ni Mommy Rose.
***
Nai-shoot na pala ang commercial na idinirek ni Wenn Deramas at naglalabasan na ang tri-media ads. “Sana, nakiusap na lang si Jobert baka naayos pa ito. Ngayon,ibinibigay ko lang ang hinahanap niya,” sabi ng manager ng very successful comebacking actor.
Residente ng Tarlac si Mommy Rose kung saan naroon ang kanyang hacienda at mga negosyo kaya sa sala ni Prosecutor Mae Montefalcon ng Tarlac City Court isinampa ang kaso. “Gusto niya ng abala, pareho na kaming maabala,” inis na wika ni Mommy Rose. “At least ako, may bahay ako sa Tarlac. Siya, gumising siya nang maaga at bumiyahe siya tuwing may hearing!”
***
Kasabay nito’y pormal ding sinulatan ni Atty. Flaminiano ang buong pamunuan ng ABS-CBN at Star Cinema sa pangunguna ng Presidente nitong si Charo Santos-Concio; ang The Buzz at DZMM radio para paalalahanan silang multi-million pesos ang ibinayad ng mga ito kay Gabby para sa mga proyektong pinirmahan ng aktor sa loob ng dalawang taon. Ito ani Flaminiano ay hindi para sirain lang ni Jobert ang aktor sa kanyang mga programa kaya kinalimutan na ang ethics sa malayang pamamahayag. “Gusto kong makulong si Jobert para hindi na maulit yung ganitong paninira at pambabastos sa mga artista na walang kalaban-laban!” hirit ni Rose.
***
Inilibing noong Linggo ang ama ni Dan Fernandez na si Edilberto Fernandez sa Alaala Park sa Pagsanjan, Laguna. Siyempre’y nandoon si Shiela Ysrael na seksing-seksi pa rin.
Nakakatuwa at nagkabalikan na sina Dan at Shiela. “Pero gano’n pa rin ang arrangement namin. Okey lang. Bastat nand’yan lang siya, andito ako,” pahayag ni Dan.
Parang sala sa lamig, sala sa init ang kaayusan ng pagsasama ng dalawa pero ayon kay Shiela, si Dan lang ang lalaki sa kanyang buhay. Paglilingkuran niya anya ang kanyang pinakasalan sa kanyang buong buhay.
Matatandaan na nagkadungis ang pagsasama nina Ysrael at Fernandez nang matuklasan ng aktor na nakikipag-text at nakikipagpalitan ng matatamis na mensahe sa sulat si Shiela sa isang bagets na nakilala ng aktres sa Rafters Bar na pag-aari ng mag-asawa sa Balibago sa Santa Rosa, Laguna.
Naghiwalay ang dalawang bituin at nagsampahan ng mga kaso lalo na sa kustodiya ng kanilang tatlong anak.
***
May trauma ba si Shiela sa mga naganap sa Rafters kaya hindi na siya umaapak sa lugar na ’yon?
“Wala naman. Ngayon lang kasi, si Dan at ang mga bata ang iniintindi ko. Sa kanila nakaukol ang buhay ko,” sabi ni Shiela.
Kaya nga wala nang panahon si Ysrael sa pag-aartista bagamat maraming alok. “Isa pa, ’pag nag-artista ka uli, kailangang rumampa ka. Kailangang maingay. E, ang hirap ng gano’n,” wika ng aktres.
“Ngayon, busy ako sa mga projects ni Dan sa 1st District ng Laguna. “Sa congressional espouses, busy ako,” sabi ni Ysrael.
Ngayon nga na naghahanda na sa eleksyon ang lahat sa 2010, pati si Rep. Cynthia Villar ng Las Piñas ay nakipaglibing sa tatay ni Dan. Kahit na magkasama rin sa Kongreso sina Dan at Cynthia ay maingay ang tsika na kakandidatong presidente ng Pilipinas si Manny Villar.
***
Kapuna-puna na wala halos mga taga-showbiz na nakipaglamay o nakipaglibing man lang sa tatay ni Fernandez samantalang ang daming kaibigan ng aktor. Tanging si Dennis Adobas lang ang pabalik-balik sa Pagsanjan para makiramay sa mga Fernandez.
Si E.R. Ejercito na mayor ng Pagsanjan ay nakipaglamay rin. Dalawang korona ng patay ang ipinadala ni E.R. Una’y bilang alkalde ng bayan ni Dan. Pero madaling nalanta ang mga bulaklak kaya nagpadala muli siya pero sa pangalan nang Jorge Estregan na isa sa mga screen name ni Ejercito.
Siyempre, naroon din sa lamay at libing si Enry Subiaga, ang isa sa mga sana’y mag-aartista noon pero pinili na magtrabaho na lang sa governor’s office. Nandoon din ang kapatid na doktor ni Dan na si Bong Fernandez at ang dentistang si Lani Fernandez-Macalalag na isang konsehala sa Pagsanjan at ang bunsong babae na si Delsie Fernandez-Jao.
Sa mga Fernandez, isang marubdob na pakikiramay.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS