News Update
Lumabas ngayong buwan
Apostasy
Idinirehe ni Risa Jopson
Isinulat nina Risa Jopson at Raymund Villanueva
Kodao Productions, 2008
Bumaling mula Kanan patungong Kaliwa sakto sa mahalagang yugto ng kasaysayang Pilipino, mahalagang baybayin ang buhay ni Danilo Vizmanos dahil sa aral na mapupulot dito. Dekada ’50 nang mag-aral siya sa King’s Point sa Amerika, naluklok sa mataas na posisyon sa Philippine Navy si Vizmanos, na naging kapitan. Pero orihinal mag-isip si Vizmanos – di patatali sa propaganda ng estado’t militar, at parating nasa puso ang interes ng sambayanan.
Ang dokumentaryong ito ay pagbaybay sa pagbabalik ni Vizmanos sa pinagmulang bayan na Naic, Cavite, gayundin sa Fort Bonifacio na minsan nang naging himpilan niya at saksi sa “pagrerebelde” niya. Masinop, madatos, pero sentimental, angkop ang dokumentaryo para sa pagbaybay sa landas na posibleng tahakin pa ng mga katulad ni Vizmanos sa hinaharap.
Tru-Colors: A Visual Experience on Contemporary Philippine Realities
Iba-ibang artista
Vargas Museum, UP Diliman, Mayo 6-30, 2008
Iba’t ibang kulay, iba’t ibang paninindigan. Kahit sa panandaliang pagsipat sa pulitika ng bansa, mahihinuha ang iba’t ibang kulay na tila tumutukoy sa iba’t ibang pampulitikang uri sa lipunan. Pula, halimbawa, ang nangingibabaw, na kulay ng pakikibaka at paglaban, pero sa ilang pagkakataon sa kasaysayan, may ibang kulay ring kumatawan sa pakikibaka: dilaw, luntian, asul…
“Totoong kulay” ng buhay at pakikibakang Pilipino ang sinikap ilarawan ng beterano at kabataang mga artistang biswal sa eksibit na ito. Konsepto ng eksibit ang paggamit sa isang dominanteng kulay sa bawat likha para ilarawan ang isang aspekto ng pagkabansa. Sa diwa ng tradisyong “panlipunang reyalismo” sa sining biswal, sinikap hulihin ng eksibit ang tunay na kalagayan ng karalitaan.
RapuRapu atbp.
Taghoy ng Kalikasan
Iba-ibang artista
Proyekto ng Center for Environmental Concerns-Philippines, 2008
Sa ating kasaysayan, naging esensiyal na bahagi ng kalikasan ang awit. Mula sa simpleng pananaghoy hanggang sa mga modernong porma ng musika tulad ng ethnic o world music at kahit na reggae, nagiging pokus ng musika ang paglalarawan sa kagandahan ng likas na yaman. Madalas, nagiging lunsaran din ang musika ng adbokasiya para sa pagtatanggol nito.
Inalay ang album na ito sa mga indibidwal, organisasyon at komunidad na nagtaya ng panahon at kahit buhay para pangalagaan ang kalikasan at pambansang patrimonya. Halu-halo rin ang uri ng musika rito – may rakenrol (may punk pa nga), folk music, mga kantang sagana sa melody (maaari na ring tawaging pop), at siyempre, reggae. Karamiha’y ambag ng beteranong mga musikero (kahit na si Aiza Seguerra ay nag-ambag), mayroon ding ilang awit na isinulat o tinulungang isulat ng mismong mga aktibistang pangkalikasan.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS