News Update
Magsasaka at mangingisda tutol sa pagpapalit-gamit ng lupa sa Nasugbu
NAGPROTESTA sa harap ng Kagawaran ng Turismo noong Mayo 13 ang mga magsasaka at mangingisda mula sa Timog Katagalugan para ipanawagan ang pagpapahinto sa patuloy na pagpapalit-gamit sa lupaing agrikultural sa kanilang lugar tungo sa turismo.
Ayon sa Kasama-TK (Katipunan ng Samahang Magsasaka-Timog Katagalugan) at Sambat (Samahang Magbubukid ng Batangas), magdudulot lamang ito ng mas malala pang krisis sa bigas.
Nauna nang inanunsiyo ng pangulo ang moratoryum sa pagpapalit-gamit ng lupang agrikultural noong nakaraang buwan.
Duda ang grupo sa katapatan ng ng pamahalaan hinggil sa pagpapatupad nito. Ang nagaganap na pagkumbert ng lupa sa Nasugbu, Batangas ay malinaw na manipestasyon umano ng kawalan ng kakayahan ng pamahalaan na magpatupad ng mga polisiya na pabor sa mga mamamayan.
“Ang suliranin ng mga magsasaka at mangingisda sa Nasugbu, Batangas ay ang PD 1520 noong panahon ng dating Pangulong Marcos, na nagdeklara sa Nasugbu bilang tourist spot at Executive Order 647 ni Arroyo na nagpalakas pa sa naunang PD,” ayon naman kay Romy Cayao, tagapangulo ng Sambat.
Hinamon ng mga mangingisda si Pangulong Arroyo na ipatigil ang kumbersiyon ng lupa sa Nasugbu sa pamamagitan ng pagbasura sa PD 1520 at EO 647 kung tapat ito sa pagharap sa krisis sa pagkain na kinakaharap ng bansa.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS