News Update
Matapos ang kalamidad sa kanilang bansa, Burmese chess palyers gusto nang umuwi
Darius R. Galang
BATID ang takot sa hindi pa nila alam habang patuloy ang 2nd Philippine Open chess championship. Bagaman basag ang kanilang pag-ingles, sinubukang makipagtalastasan ng mga manlalarong Burmese ukol sa maaaring kalagyan ng kanilang bansa.
“We [are] here [because of] duty. We stay [here] for duty,” ani Grandmaster Win Lay Zaw, ang tumatayong lider ng anim na kataong chess delegation ng Burma (Myanmar) para sa palaro.
Bunsod ito ng isang cyclone na nanalasa sa Burma nitong nakaraang linggo. Ang delubyo, na binigyan ng international name na Nargis ay nagtala ng libong pagkamatay at pagkawala ng mamamayang Burmese. Sa huling tala ng kanilang gobyerno, ang naitalang nasawi ay 23,350 at may 37,019 pa ang nawawala.
Hindi pa nabibigyan ng abiso galing sa kanilang gobyerno ang mga manlalaro, ayon kay Zaw. Nasa Singapore pa lamang ang koponan nang makatanggap ng impormasyon ukol sa nangyaring kalamidad sa kanilang bansa.
Patuloy ang kanilang pagsubaybay sa mga balita na inihahatid ng internasyunal na mga news network. Ngunit ang pinakamalaki nilang kinatatakutan ay ang kalagayan ng kanilang mga kaanak. Ang ilang manlalaro ay nakatira sa Rangoon na pinakamatinding tinamaan ng cyclone. Si Zaw ay partikular sa kanyang kapatid na nakatira sa Rangoon. I don’t know if she’s…,” ani niya habang pahina ang kanyang tinig.
Tanging si Federation Master (FM) Kyaw Kyaw Soc ang nakakuha ng kumpirmasyon ukol sa kanyang pamilya. Nagmula ang tawag mula kay Mgmg Lwin, presidente ng chess federation ng Burma. Ayon kay Lwin, ang pamilya ni Soc ay “fine; they [are] OK.”
Hindi na sila nakunan ng opinyon ukol sa kung anumang aksiyon na ang ginawa ng kanilang gobyerno, na pinamumunuan ng military junta, sa kasagsagan ng kalamidad. Ngunit nang makaalam ng ulat ukol sa pagpapapasok ng tulong mula sa ibang nasa, nakangiti silang sumagot na “We [are] grateful.”
Babalik ang koponan sa kanilang bansa sa Mayo 18, sa pagtatapos ng torneo sa Mayo 14. Ngunit alanganin pa rin sila sa haharapin nila matapos ang trahedya at kung paano sila magpapatuloy sa kani-kanilang buhay.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS