NBA Playoffs 2008: Detroit sa semis, New Orleans, angat na sa San Antonio, ibang serye tabla

in

SA ikalawang round ng NBA (National Basketball Association) Playoffs na kinatampukan ng kapwa top 4 na koponan sa magkabilang conference, tabla ang lahat ng serye maliban sa isa.
Hindi pa rin nakatikim ng panalo sa labas ng kanilang palaruan ang Boston Celtics nang talunin sila ng Cleveland Cavaliers.

Naitabla ng Cavs ang serye sa homecourt nito, tulad ng pagtatabla sa serye ng Los Angeles Lakers-Utah Jazz at ng defending champion San Antonio Spurs kontra sa New Orleans Hornets.
Pare-parehong nakakuha ng homecourt wins ang mga koponan, na mistulang ginawang best-of-three ang kani-kanilang mga serye.

Sa kabuuan ng kasalukuyang second round, ang Detroit Pistons lamang ang nakapanalo sa palaruan ng kalaban.

Umusad na sa Eastern Conference Finals ang Pistons nang talunin at tuluyang idispatsa nila ang Orlando Magic 91-86, nitong Miyerkules ng umaga (Martes ng gabi sa US)

Hindi nakuhang itabla ng Magic ang serye sa kanilang palaruan bagaman wala ang point guard ng Pistons na si Chauncy Billups, na nakatamo ng hamstring injury sa kanilang pagkatalo sa Magic sa Game 3 at hindi nakalaro sa Game 4 at 5.

Pinunan ni Pistons rookie Rodney Stuckey ang kawalan ni Billups. Bagaman nagmintis ang 64 porsiyento ng kanilang tira, nagtala sila ng NBS Playoff record na tatlong turnovers lamang.

Makakapagpahinga na ang koponan habang hinihintay ang resulta ng laban ng Boston Celtics at Cleveland Cavaliers.

Nakuha naman ng New Orleans Hornets ang momento ng serye nila kontra sa defending champions San Antonio Spurs. Bagaman nanalo, tinamaan naman sa paa si Tyson Chandler ng Hornets at hindi na nagpatuloy maglaro. Ngunit inaasan namang makakapaglaro siya sa susunod na laro, na gaganapin sa palaruan ng San Antonio.

Magpapatuloy bukas ng umaga ang seryeng LA-Utah at Boston-Cleveland (Miyerkules ng gabi sa US). Inaasahang maglalaro si Kobe Bryant ayon sa press release ng kanyang koponan bagaman nakakaramdam siya ng pananakit ng kanyang likuran.

“Quite a bit (of pain), but it’s a lot better than it was yesterday,” positibong sinabi ni Bryant na may kasama pang ngiti. “It’ll be fine.”