Pagreretiro ni Esperon ipinagdiwang

in
Ilang-Ilang Quijano

IPINAGDIWANG ng Karapatan-Southern Tagalog ang pagreretiro kamakailan ni Hen. Hermogenes Esperon bilang hepe ng AFP (Armed Forces of the Philippines). Pinalitan si Hen. Alexander Yano.

Sa protesta sa Department of National Defense noong Mayo 9, sinabi ni ni Dorris Cuario, pangkalahatang kalihim ng grupo, na umaasa silang mangangahulugan ito ng kahit pansamantalang pagtigil sa pagtugis ng militar sa mga aktibista.

Pero aniya, ikinagagalit nilang hindi naparusahan si Esperon para sa maraming kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng kanyang termino.

Tutol din ang grupo sa napapabalitang plano ni Pangulong Arroyo na iluklok si Esperon sa gabinete.