Pangontra sa malangis na kita

Soliman A. Santos

Gasolinahan ng Caltex: Linggu-linggo halos ang pagsirit ng presyo. (Boy Bagwis)

MAKUWENTO ang mga bisita ni Rick. Palibhasa’y kahit nasa 45 anyos pa lamang, nakapagretiro na mula sa pagiging ehekutibo ng isa sa pinakamalaking kompanya ng langis sa mundo ang isa sa mga bisita niyang tiyuhin. Kasama ng tiyuhin niya ang isa pang ehekutibo ng kompanya na nakabase sa Saudi Arabia.

Aktibista si Rick, at nagtatrabaho sa tanggapan ng isang progresibong party-list, pero di ito alam ng mga bisita niya. Habang kumakain ng hapunan, masiglang ikinukuwento ng dalawang bisita ang hinggil sa trabaho nila.

At sa isang pagkakataon ay napag-usapan ang maiinit na isyu sa bansa kabilang na ang presyo ng langis.

“Asar na asar kami diyan sa KMU (Kilusang Mayo Uno) na iyan,” paliwanag ng isa. “Paano ba naman, hindi namin basta-basta maitaas ang presyo ng langis dito sa Pilipinas dahil sa mga protesta.”

Kumpara raw sa ibang mga bansa, malakas masyado ang kilusang protesta sa Pilipinas. Kung kaya hindi sila basta-basta makapagtaas ng langis. Binabawi na lamang nila ang dapat kitain sa Pilipinas sa pamamagitan ng higit na pagtaas ng presyo ng langis sa ibang mga bansang di-masyado umaangal. O di masyadong organisadong umaaangal ang mga mamamayan. Kumikita pa rin ang mga kompanya ng langis sa Pilipinas. Pero hindi tulad ng gusto nilang gawin. Dahil sa protesta.
Napalunok si Rick. Biglang napaisip siya: kahit papaano, nagrerehistro rin ang mga protesta. Narerendahan nito ang kasakiman ng dambuhalang mga kompanya ng langis.

Kung anu-anong katuwiran
Nitong Mayo 5 lamang, inianunsiyo ng mga kompanya ng langis na tuloy ang pagtaas ng presyo ng kanilang produkto dahil kailangan nilang makabawi nang kahit P6 kada litro sa susunod na mga linggo.

dinepensa ng mga opisyal ng mga kompanyang ito na ang pinakahuling dagdag na P1 sa produktong petrolyo ay bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo sa panadaigidigang pamilihan.

Ang pinakahuling pagtaas ng presyo ng langis nitong nakaraang linggo ang ikasiyam sa serye ng pagtaas ngayong taon. Umaabot na sa P48 ang karaniwang presyo ng gasolina at P41 naman ang diesel.

Ibig sabihin, aabot sa P50 kada litro ang presyo ng gasolina kung matutuloy ang P6 pagtaas sa susunod na mga linggo.

Katuwiran ng mga kompanya ng langis, kailangan ang pagtaas para hindi sila malugi. Kung mananatili sa P0.50 lamang dagdag na presyo, tatlong buwan umano ang bubunuin nila para makabawi sa pagkalugi.

Pero iba ang sinasabi ng estadistika ng pagkita ng kompanya.

Sa ulat ng Pilipinas Shell sa quarterly report nito sa Securities and Exchange Commission noong Hunyo, 2007, nagtala ito ng P2.2 Bilyong kita sa unang kalahati ng 2007, mataas sa P1.6-B kumpara noong 2006.

Tinatayang umabot sa 2,957 milyong litro ng produktong petrolyo ang naibenta ng kompanya noong 2007, kumpara sa 2,872 milyong litro noong 2006.

Malalaking kita, pero nagrereklamo pa rin ang mga ehekutibong tulad ng bisita ni Rick. Kasi naman, pinatunayan ng pahayag ng isang ehekutibo ng PTT Philippines na sa mga bansang tulad ng Thailand kung saan hindi kasinlakas ang protesta, mas matindi ang pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Siripong Phoungpaka ng PTT Philippines, dapat tanggapin ng mga konsiyumer na ito ay bahagi ng pandaigdigang penomena. “Sa Thailand bigla na lang itinataas ng mga kompanya ng langis,” aniya. Wala umanong mga dayalogong nagaganap sa pagitan ng mga konsiyumer at mga kompanya ng langis.

Kalagayan ng industriya sa daigdig
Sa sitwasyong pandaigdig, nagkakarambola ang mga puwersang may monopolyo sa langis dahil sa tumataas na mga presyo ng naturang produkto bunsod ng deka-dekadang pagmomonopolyo at liberalisasyon ng industriya ng langis sa iba’t ibang bansa.

Sa kasalukuyan, umaabot sa $116.18 kada bariles ang presyo ng langis sa pandaigidigang pamilihan.

Ano ang dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis?

Isinisisi ng Opec ang mga pampinansiyang ispekulasyon at ang prolemang pang-ekonomiya ng US, na nakatulong sa pagbaba ng dolyar, na siyang nagpapataas sa presyo ng langis. Sa dolyar kasi binabayaran ang langis, kaya sa kaunting pagbabago rito ay may epekto sa naturang produkto.

Ang mga kasapi ng Opec ang nagsusuplay ng tinatayang 40% ng inieksport na langis sa mundo. Ang ilan sa mga bansang ito tulad ng Saudi Arabia at Kuwait ay alyado ng US, habang ang iba tulad ng Iran at Venezuela ay kaaway nito sa pulitika.

Nauna nang sinabi ni Chakib Khelili, presidente ng Opec at ministro ng langis ng Algeria, na sapat ang suplay sa merkado at ang dahilan ng pagataas ng presyo ay ang nagyayari ngayon sa US.

Inamin naman ito kahit ng mga ehekutibo ng kompanya ng langis. Ayon kay Rex Tillerson, tagapangulo ng Exxon Mobil, “Walang nagaganap na pagkabalam ng suplay sa merkado.”

Lokal na sitwasyon
Mula nang mawalan ng kontrol ang gobyerno sa industriya ng langis matapos maipasa ang Oil Deregulation Law ng 1996, tuluy-tuloy na ang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa. Lalong natali sa pagsirit ng pandaigdigang presyo ng langis ang lokal na industriya.

Kung kaya, makatwiran lamang ang hinihiling na pagbasura sa batas sa deregulasyon sa industriya ng langis ang hiling ng iba’t ibang grupo. Kaalinsabay nito, hiling din ng Piston (Pagkakaisa ng Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide), ang agarang suspensiyon ng 12% expanded value-added tax sa mga produktong petrolyo, at pagkontrol sa presyo para masolusyonan ang krisis.

Nakikiusap si George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston, na tingnan ang isyu ng krisis sa punto-de-bista ng mga mamamayan, kabilang ang mga tsuper na labis na naaapektuhan sa krisis.

“Sa kabuuan, kumikita ang isang tsuper ng P100, sa minimum hanggang P200 sa maksimum, para sa walong oras na pasada kada araw. Araw-araw, gumagastos siya ng halos P1,260 sa krudo para sa konsumong 30 litro,” ani San Mateo.

Suma-total, umaabot lamang ng P20 ang kita niya para sa walong oras. At dahil hindi naman niya gustong mag-uwi lamang sa pamilya niya ng halagang P20, kung kaya kumakayod siya ng mula 20 hanggang 22 oras sa pamamasada.

Gayunman, inilinaw ni San Mateo na hindi solusyon ang paghingi lamang ng dagdag-pasahe para maibsan ang paghihirap ng mga tsuper at kanilang opereytor. Ani San Mateo, dahil patuloy ang pagsirit ng presyo, mababalewala rin lamang ang dagdag-pasahe.

“Karaniwang manggagawa na halos kapos din ang sahod ang regular nating pasahero e,” sabi pa ni San Mateo.

Rolbak
Malinaw pa sa sikat ng araw ang bentahe sa mga mamamayan ng pagsuspindi sa Evat. Sa kagyat na suspensiyon nito, paliwanag ni San Mateo, makatitipid o makapagrorolbak ang mga kompanya ng langis ng P4.70 sa presyo ng krudo, P5.90 sa gasolina, at mulang P70 hanggang P75 naman sa kada 11 kilong tangke ng liquefied petroleum gas o LPG na ginagamit na rin ngayon ng sektor ng transportasyon.

Samantala, hindi rin bilib ang mga tsuper sa mga “patsi-patsing” tulong ng gobyerno sa mga tsuper ngayong may krisis sa langis at sa pagkain. Binatikos ni San Mateo ang sinasabing “tulong” ng gobyerno para sa mga tsuper gaya ng murang bigas at dagdag na P2.00 diskuwento sa dati nang P1.00 diskuwento ng mga tsuper sa krudo. Hindi raw ito sasapat at tila panlalansi pa nga sa mga tsuper.

“Iyong sinasabing rice subsidy, hindi naman tunay iyon e. Pahihintulutan lamang nila kaming makapagbenta ng murang bigas ng NFA, iyong nagkakalahaga ng P18.25. Pagkatapos, iyon namang dagdag na P2.00 na diskuwento, kailangan mo pa nang kupon para makakuha ka,” sabi pa ni San Mateo.

Pagpapaliwanagin daw
Ipinaliwanag kamakailan ni Sek. Angelo Reyes ng Departamento ng Enerhiya, ang mga kompanya ng langis kung bakit kailangang magtaas ng kanilang mga presyo.

Pero kahit dito ay hindi kumbinsido ang mga tsuper. Para sa Piston, isa lamang itong malaking palabas. “Kunwari, kakausapin nila ang Big Three (Petron, Caltex at Shell).

Kapag sinabi naman nitong tatlo na mataas ang kuha nila sa ibinebentang produkto, kakatigan sila ng gobyerno at sasabihing ‘Nasaan na iyong resulta ng sinasabi nilang ‘accounting’ sa mga ito?’” paliwanag pa ni San Mateo.

Sa huli, naniniwala ang Piston na ang sama-samang pagkilos pa rin ng mga konsiyumer at mga mamamayan ang mabisang panlaban sa pananamantala ng mga kompanya ng langis tulad ng nabanggit sa itaas.

Kapag umaaksiyon umano ang mga tsuper at nagwewelga, napapaatras ang dambuhalang mga kompanya kahit pansamantala.

May ulat sina Noel Barcelona at Roberto Andres

 

Silang bumubuntot sa kartel


MALUSOG na kompetisyon sa pagitan ng mga kompanya ng langis na siyang magpapababa sa presyo ng mga produktong petrolyo. Ito ang idinahilan ng gobyerno nang ipinasa ang Oil Deregulation Law noong 1996.

Sa unang tingin, pabor sa argumento ng gobyerno ang mga estadistika hinggil sa maliliit na kompanya ng langis o mga small player sa industriya kung tawagin. Mula 22 noong 1997, umakyat ito sa 601 noong 2006, ayon sa datos ng Department of Energy.

Pero sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga small player, bumaba pa ang sapi nito sa kabuuang merkado ng langis, mula 14 porsiyento noong 2003, naging 12 porsiyento na lamang noong 2004. Ayon kay Dr. Peter Lee U, hepe ng Industry Group ng School of Economics sa University of Asia and the Pacific, dapat umabot ang sapi ng mga small player sa 25 porsiyento ng merkado para maging signipikanteng puwersa sa pagtatakda ng lokal na presyo ng langis.

Kailanman, hindi napigilan ng maliliit na kompanya ng langis ang pagtaas ng presyo ng langis na itinatakda ng tatlong malalaking kompanya na Shell, Caltex, at Petron.

Bumubuntot lamang sila sa mga ito. Inaangkat lang din ng mga small player ang kanilang suplay ng langis. Wala silang kapasidad sa pagrerepina (refining) at limitado lamang sa pagbebenta ng langis (bulk marketing at retailing). Kaya tali pa rin ang kanilang mga presyo sa ispekulasyon ng merkado at sobrang-tubo ng mga transnasyonal na kumokontrol sa pandaigdigang suplay at pagbebenta ng langis gaya ng mga mother company ng tinaguriang Big Three.

Hindi rin nakapagpapaunlad ang maliliit na kompanya ng indigenous sources o lokal na mapagkukunan ng langis. May 44.5 porsiyentong sapi ang mga ito sa merkado ng LPG (Liquified Petroleum Gas). Pero ayon kay Gerry Quisumbing, tagapangulo ng Pryce Gases Inc., hirap pa rin silang ibaba ang presyo ng LPG. Ito’y dahil inaangkat ang 60 porsiyento ng suplay nito. Apatnapung porsiyento lamang ng LPG ang kinukuha sa lokal; kasya lamang ito sa pangangailangan ng Luzon.

Kabilang sa mga small player sa industriya ng langis sa Pilipinas ang Eastern Petroleum Corp., Flying V, Seaoil, Unioil Philippines, Castrol, Filpride Energy Corp., Liquigaz Philippine Corp., Oilink International Corp., 3n2J Shipping and Trading Services Inc., PTT Philippines Inc., Rambi Development Corp., at Subic Bay Distribution Inc. Mayroon silang 506 estasyon ng gas sa buong bansa, kalakhan nasa Luzon.

Ayon pa kay Rosario Bella Guzman, executive director ng Ibon Foundation, marami sa maliliit na kompanya ng langis ay pawang mga prangkisa lamang ng kartel, itinayo para lamang makatanggap ng mga insentibo sa buwis at lalong makapanghuthot ng tubo.

Ilang-Ilang Quijano