Pangungulila ng makata

in

Kenneth Roland A. Guda

Rebyu ng Balikbayang Sinta: Passages from Exile
E. San Juan, Jr.
Lulu Enterprises, North Carolina, 2007


Sa pabalat ng libro, dalawang larawang madalas na naiuugnay sa Pilipinas: isang isla at ang karagatang kaharap nito, at takipsilim sa tabing-dagat. Maganda ang imaheng ito – at kadalasang ginagamit pa para ibenta ang turimso ng bansa. Pero sa kabilang banda, malungkot ito. Walang taong maaaninag sa dalawang larawan. Imahen ito ng pangungulila.

Matagal nang nangungulila sa Pilipinas si E. San Juan Jr., tanyag na kritiko sa kultura, makata, kuwentista at akademikong nakabase sa Amerika. Sa librong Balikbayang Mahal: Passages from Exile, daluyan ang panulaan niya ng pangungulila.

Kongkreto ang pangungulila ni San Juan. Lunsaran ng kanyang panulaan ang iba’t ibang sulok ng mundo na pinamalagian niya at minsang dinapuan ng emosyong may ugnay sa bayang iniwan. Mula Den Haag, Nederland sa Europa hanggang Willimantic, Connecticut at Ashley, North Dakota sa Amerika, di mapawi sa gunita ng makata ang alaala ng Pilipinas – ng karalitaan at korupsiyon, ng pagsasamantala at pag-aalsa.

Sa tulang “Balikbayang Sinta,” binaybay ng makata maging ang iba’t ibang sulok na pinamalagian ng mga kababayang nadestiyero sa ibang bansa:

Lumipad ka na patungong Roma at London
Balisang nakalingon sa ulap lulan ng naglaboy na panaginip
Lubog sa alaala ng kinabukasang unti-unting nalulunod


Bilang migrante, pinatotohanan ni San Juan ang hirap na nadarama at nararanasan ng sapilitang nangingibang-bansa – sapilitan dahil bilang progresibong akademiko, hindi niya ginustong manatili sa Amerika kung hindi pa naabutan dito ng deklarasyon ng batas militar ni Marcos noong 1972. Sapilitan din para sa mahigit 10 milyong overseas Filipino workers na kinailangang iwan ang mga kaanak para sa pag-asa ng kasaganaang inilalawit-lawit ng gobyerno sa pangingibang-bansa.

Lumipad ka na patungong Hong Kong at Tokyo
Di kita malilimot – pumaimbulog ang tukso ng nabitiwang
Paalam
Nabakling pakpak usok sa bagwis inalagwang talulot ng bituing nasunog
(“Balikbayang Sinta”)


Kahit na mahigit 50 taon na siyang nagtatrabaho’t naninirahan sa Amerika, balisa pa rin si San Juan tuwing nababalitaan ang mga nagaganap sa Pilipinas. Sa kanyang panulaan naipapamalas ang hapdi na nararanasan sa bawat lapnos ng pagsasamantala sa sambayanan.

Naupos na sigarilyo’y ibinurol ko sa tabi ng Tulay ng mga Palaka
Habang patungo ang prusisyon ng trapik sa Foxboro Casino na pag-aari ng Indyang Pequot.

Kung bakit sumingit sa isip ang Abu Sayyaf?
Sa takipsilim ng tag-lagas sinisilip sa gunita ang kutob at kilabot
Bago tayo naglakbay patungong Amerika.
(“Biyernes ng Hapon, Oktubre 1, 2005, sa Willimantic, Connecticut”)


Sa panandaliang mga bisita, tila alyenasyon na sa sariling bayan ang nadarama ng matagal na nawalay na migrante sa sariling bayan. Sa Megamall sa Metro Manila, malay ang makata sa propaganda ng estado na “marangya” ang Pilipinas – salamat daw, siyempre, sa pagsusumikap ng mga OFW. Nagpupuyos si San Juan sa galit sa panlolokong ito, una, sa mga Pilipinong nanatili sa bayan, at, pangalawa, sa mga nangibang-bansa:

Maunlad na raw ang bayan. Utang natin ito sa mga “bagong
Bayani” – mga domestik (Overseas Contract Workers) sa Hong Kong,
Singapore, Saudi at diyan, sa Subic, Alabang, at tabi-tabi.
Wala nang barikada bagamat patuloy ang pagngangasab ng mga buwaya sa katihan.
(“Megamall sa Metro Manila”)


Hindi kaila kay San Juan na iisang bulok na lohika ang nag-uugnay sa pagsasamantala sa mga Pilipino sa loob at labas ng bansa:

Bagamat laylay-dila na, hindi lamang lawit ang pusod o tumbong.

Sa talampakan mo’y nakintal ang hieroglipo ng mga ginisa sa
sariling mantika habang tinutukso ka ng katas-Saudi.
(‘Lagalag sa Makati”)


Dahil sa pagkakalat ng mga Pilipino sa ibang mga bansa, nagiging larangan na rin ng pakikibaka ang mga lugar na ito. Kung kaya kahit nasa (o, mas maigi, laluna dahil nasa) The Netherlands, hindi maiwasang mag-alala ng makata para sa mga progresibong sinusupil ng gobyerno sa Pilipinas:

Dito sa maaliwalas na lansangan ng Den Haag, walang dagundong
ng motorsiklo, walang mga taong naka-bonet


Walang baril na nakaumang sa pagitan ng mga hita ng dafodil

Ngunit bakit hindi panatag ang loob mo, Karolina?
(“Tag-sibol sa Den Haag, Nederland, 25 Marso 2007”)


Sa pagtatapos ng kanyang tanging sanaysay sa libro, sumipi si San Juan sa isang sulatin ni John Berger, na nagsabing:

“Sa kanyang kaloob-looban, alam ng bawat migrante na imposibleng makabalik. Kahit pa kayanin niyang pisikal na makabalik, hindi siya tunay na nakakabalik, siya mismo’y malalim na nabago ng kanyang pag-alis...Tanging pandaigdigang pagkakapatiran ang makakaalpas sa modernong kawalan ng tahanan.”
(“Sa loob at labas ng bayan kong sawi: Emergency signals from a Filipino exile,” salin mula Ingles ni Roberto Andres)


Ito marahil ang dahilan ng pagsasalin ng kanyang mga tula sa iba’t ibang lengguwahe (Ingles, Dutch, French, Chinese): Dahil maraming mga tulad ni San Juan at ng mahigit 10 milyong Pilipino na sapilitang lumikas sa kanilang lupang sinilangan.

Hindi nag-iisa sa pangungulila ang makata.