Pekeng rekruter, idinemanda

in

PORMAL nang kinasuhan ng paglabag sa Migrant Workers and Overseas Act of 1995, sina Luciano Lim, may-ari ng Excellent Travel, Inc., Ronald Lingad at Flordeliza Herpacio, mga empleyado ni Lim, noong Mayo 12, sa Manila Regional Trial Court.

Nasakote noong Abril 15 ang tatlo dahil sa reklamo nina Ermelinda Asis, Marites Potot, Maryjean Estabillo at Lita Castillo, na umano’y mga biktima ni Lim.

Hindi naman pinayagan ni Assistant City Prosecutor Joseph L. Guevarra na makapag-piyansa ang tatlo.

Ayon sa mga biktima, tinawagan sila ni Lim at sinabihang may patrabaho para sa kanila sa Singapore.

Anila, siningil sila ni Lim nang P12,000-P15,000 na placement fee at nang makabayad ay binigyan sila ng suspek ng tiket pa-Singapore.

Nakaalis naman ang mga biktima papuntang Singapore at nakapirma ng kontrata sa kanilang mga employer. Ngunit hindi nagtagal, nadiskubre ng mga awtoridad na peke ang kanilang working visa at ipinadeport silang pabalik ng Pilipinas.

Kung mapatutunayang nagkasala, makukulong sina Lim, Lingad at Herpacio mula anim na taon at isang araw, hanggang 12 taon at pagmumultahin nang hindi bababa sa P200,000 subalit hindi lalampas sa P500,000, ayon sabatas.

Samantala, dalawang Pinay naman ang arestado sa Hong Kong matapos na mahulihan ng ilegal na droga.

Ayon kay Vice Consul Val Roque, kasalukuyang nakakulong ang dalawang hindi pinangalanang suspek sa Tai Lam Correctionary Facility.

Blesilda Kho Dimzon