Transport strike tagumpay

in

Soliman A. Santos

MATAGUMPAY ang isinagawang tigil-pasada ng mga tsuper at iba’t ibang sektor ng mga mamamayan noong Mayo 12, ayon sa Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide).

Ayon kay George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng Piston, umabot sa 70% o higit pa ang nag-strike na mga dyip sa Metro Manila. Sa mga probinsiya gaya ng Cagayan De Oro, Gen. Santos, Bukidnon, Davao, Kidapawan, Iligan, Bacolod, Naga, Legaspi, at Sorsogon, alas-siyete pa lamang ng umaga ay 95-100% na ang tagumpay ng tigil-pasada.

Libu-libong tsuper naman ang lumahok sa Gitnang Luzon lalo na sa Lungsod ng Angeles sa Pampanga. Tinatayang 60% sa 15,000 dyip sa naturang lungsod ang tumigil sa pamamasada para sumama sa protesta. Nagmartsa naman sa kahabaan ng Session Road sa Lungsod ng Baguio ang daan-daang mga militante para batikusin ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng langis. Umabot din sa 90% ang partisipasyon ng mga tsuper sa Timog Katagalugan, ayon kay San Mateo.

Umabot naman sa 97% ng pampublikong transportasyon ang naparalisa ng protesta sa Lungsod ng Bacolod sa Kabisayaan, 90% sa Aklan at Iloilo.

“Matagumpay ang kilos-protesta dahil nailantad natin ang kasakiman ng kartel ng langis at ang pakikipagsabwatan ng administrasyong Arroyo bilang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng langis,” ani San Mateo.

Nagpaabot naman ng pagbati ang KMU (Kilusang Mayo Uno) sa matagumpay na tigil-pasada..
Sinabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, na bagamat pilit na minaliit ang epektong nagawa, sinabotahe sa pamamagitan ng kung anu-anong paninira, at dinahas at sinusupil ang pambansang strike, hindi nagtagumpay ang gobyernong Arroyo na pigilan ang mga tsuper.

“Anuman ang gawin ni Arroyo, hindi niya maitatanggi ang lehitimong batayan ng pagsasagawa ng strike ng mga mamamayan. Hindi niya maitatago ang pagkakasala ng kanyang gobyerno sa pagdarahop ng taumbayan dahil sa pagtaas ng presyo ng langis,” pahayag ni Labog.

“Nagkakandarapa ngayon ang gobyerno na madaliin ang pagpapatupad sa pakulo nilang P2 fuel subsidy sa mga tsuper, cash assistance program, at pagtataas ng sahod sa pamamagitan ng mga wage board.

“Hindi sila mapipilitang gawin ang mapagpapanggap na mga aksiyong ito kung wala ang kolektibo at militanteng pagkilos ng mga mamanayan,” ani Labog.

Sanhi ng krisis
Ngunit ayon din kay Labog, hindi ang mga nabanggit ang solusyong nararapat para sa mga mamamayan.

Malawak na naiparating ng tigil-pasada sa mga mamamayan na may kongkretong kayang gawin ang pamahalaan, at hindi natin kailangang magdusa. Gaya ng pagtatanggal ng Vat sa produktong petrolyo, pagbabasura sa Oil Deregulation Law, at pagkontrol sa presyo sa langis.

Sinabi pa ni Labog na inihain na ng Anakpawis Party-list at ilang kaalyadong mambabatas sa mababa at mataas na kapulungan ang mga kaukulang panukalang batas para maalis ang Vat sa langis, at maibasura ang Oil Deregulation Law. Subalit hindi naman umano ginagawang urgent bill ang mga ito ng gobyernong Arroyo.

Iginiit naman ni San Mateo na ipagpapatuloy nila ang pagpoprotesta lalo na’t nagbabanta pa rin ng sunud-sunod na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis.