News Update
Wage board sa NCR kinalampag ng obrero, pagbuwag sa ahensiya, P125 dagdag-sahod iginiit
Noel Sales Barcelona
NAGPROTESTA ang mga miyembro ng KMU (Kilusang Mayo Uno) sa harap ng NCR-RTRWPB (National Capital Region Tripartite Regional Wages and Productivity Board) sa Lungsod Quezon para kondenahin ang diumano’y mapanghating taktika ng ahensiya para tuluyang maibasura ang batas ukol sa P125 dagdag-sahod para sa mga manggagawa.
Itinaon ng grupo ang protesta sa pagdinig ng nasabing wage board hinggil sa dagdag-sahod.
Taong 1998 pa nang pasimulan ng KMU ang panawagan para sa P125 na dagdag-sahod, sa pamamagitan ng isang panukalang batas. Nakabinbin ito ngayon sa anyo ng House Bill 1722 ni Anakpawis Rep. Crispin Beltran, dating lider-obrero.
Anang KMU, dapat nang buwagin ang mga regional wage board sa bansa dahil inutil ang mga ito sa pagbibigay ng nakabubuhay na sahod sa mga manggagawa sa bansa.
Mula nang maitatag ang mga regional wage board noong 1989 sa bisa ng Republic Act 6727, P12 lamang ang naidagdag sa sahod ng mga manggagawa, ayon kay Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.
“Mula 2001 naman, puro Cola (cost of living allowance) lamang ang ibinigay nila sa mga manggagawa, na ang karamihan, hindi naibigay ng mga employer,” aniya.
Kaunti ang nakikinabang
Sa sinasabing panibagong pagkakaloob ng Cola, tanging 28.37-Milyong manggagawa lamang mula sa kabuuang 33.7M ang makikinabang, pahayag ng National Wages and Productivity Commission.
Sa Kanlurang Bisaya, inamin ng regional wage board na 80 porsiyento ng populasyon ng mga manggagawa roon ang hindi makatitikim ng dagdag-sahod dahil sa eksempsiyon.
Batay sa batas, maaaring maghain ng eksempsiyon ang mga kompanya kung hindi nito kayang magbigay ng dagdag-sahod.
Dagdag pa ni Labog, hindi sila pauuto sa mga sorpresang pagbisita ni Pang. Arroyo sa mga wage board para matiyak diumanong maipatutupad nito ang dagdag-sahod na naipangako sa mga manggagawa bago mag-Mayo 1.
“Akala siguro ni Gng. Arroyo, mapapabilib niya kami sa pagbisi-bisita niya sa mga wage board at kung anu-ano pang pakulo. Hindi kami naniniwalang nasa wage board ang pag-asa namin para sa nakabubuhay na sahod. Kaya nga, hindi namin isusuko ang laban para sa P125 dagdag-sahod para sa lahat ng manggagawa sa buong bansa,” paliwanag ni Labog.
Iginigiit ng KMU at iba pang militanteng mga grupo sa Malakanyang ang isertipikahang “urgent” o kagyat na dapat ipasa ng Kongreso ang HB 1722.
Eksempsiyon sa buwis
Samantala, pinag-aaralan na rin ng Senado ang pagpapasa ng sariling bersiyon ng panukalang batas na magbibigay ng eksempsiyon sa buwis sa mga manggagawa.
Ito ay matapos ipasa ng Kamara noong Mayo 12 sa botong 192-3 ang HB 3971, na nagtatakda ng P50,000 personal na eksempsiyon sa buwis para madagdagan ang take home pay ng mga single, legally separated na walang mga dependent, at head of family at kasal na indibidwal.
Tiwala si Sen. Manuel Roxas II na maipapasa ng Senado ang isang panukalang batas hinggil sa eksempsiyon sa buwis. Partikular niyang itinutulak ang Senate Bill 103 na magtatanggal na buwis sa mga kumikita ng minimum wage.
“Kahit hindi ito nakaabot sa Araw ng Paggawa, nananatili itong prayoridad para bigyang ginhawa ang ating mga manggagawa sa panahong napakataas ang presyo ng mga bilihin,” aniya.
May ulat ni Ilang-Ilang Quijano
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS