Walang Pinoy na namatay sa lindol sa Tsina—DFA

in

WALANG Pilipinong nasawi sa lindol na tumama sa probinsiya ng Sichuan, Tsina.

Ito ang pagbabalita ng DFA (Department of Foreign Affairs) para pakalmahin ang publiko bunga ng balitang patuloy na tumataas ang bilang ng mga namatay sa Tsina at maaring mayroong mga Pilipinong nasama sa mga natabunan.

Sa huling tala, umabot na sa 12,000 ang namatay dahil sa pagguho ng mga gusali sa Sichuan, bunga ng 7.8 magnitude na lindol.

“Batay sa ulat na natanggap natin mula sa mga Pilipino sa Cheng-du, wala namang nasaktan o nasawi dahil sa lindol,” ani Claro Cristobal, tagapagsalita ng DFA.

Tinatayang nasa 397 ang mga Pilipinong nasa Chengdu ngayon at nagtatrabaho bilang mga guro, inhinyero, teknisyan at musikero.

Patuloy naman ang ginagawang pagsubaybay ng embahada ng Pilipinas sa Beijing sa mga kaganapan, ayon pa kay Cristobal.

Sa kabilang banda, tuluy-tuloy naman ang ginagawang search and rescue operation ng mga awtoridad para hanapin ang mga natabunan.

Noel Sales Barcelona