News Update

Ang ‘Journey’ ni Arnel Pineda

in
Yani Fernan

Sino nga ba ang isang Arnel Pineda? Sino ang nakakakilala na dati siyang batang Sampaloc, bata sa maralitang komunidad, out of school youth na tumira sa Luneta, magbobote-diyaryo pero ngayo’y humahataw sa mga rock concert sa 11 siyudad sa Europa, 56 siyudad sa US, naka-iskedyul na rin sa Australia, Japan at Pilipinas, at umaani ng umaatikabong papuri kasama ang legendary band na Journey? Don’t Stop Believing ayon na rin sa isang kanta ng Journey, sabi nga ni Arnel. Di niya inaasahan na kung dati’y kinakanta niya lang ang Journey para mabuhay, ngayon naman ay feeling nabuhay ang Journey dahil kay Arnel.

Sumikat ang Amerikanong banda na Journey noong panahong tinutugis ni Marcos ang martial law babies. Sa saliw ng mga klasikong awitin at power ballads nito tulad ng Faithfully at Open Arms tumagal ang Journey ng kulang-kulang apat na dekada hanggang sa ngayon. Sa loob ng panahong ito, panglima na si Arnel sa lead singer nila, kasi mahirap kantahin ang mga kanta ng Journey sa taas ng tono. Ilang taon lamang at bumibibigay na ang boses ng mga lead singer. Huwag naman sanang mangyari ito sa monster vocalist na si Arnel na may kontrata ng tatlong taon.

Nadiskubre ng Journey si Arnel nang mapanood ito sa Youtube. Apatnapung taong gulang na si Arnel pero dahil Asyano ay mukhang bata pa ang mukha. Pero hindi siyempre iyon ang nakaakit sa Journey, na noong 2007 ay naghahanap na naman ng pamalit sa kanilang lead singer. Aksidenteng nakita ni Neal Schon, gitarista ng Journey, ang mga video clip ni Arnel sa kanyang pagtatanghal sa Hard Rock Café Makati, kasama ang kanyang bandang Zoo, na plakadong-plakado ang Journey pati na ang iba pang sikat na banda tulad ng Aerosmith, Survivors, Led Zeppelin, Doors, Bon Jovi, Police, Heart, atbp.

“Hindi ako makapaniwala na gayon siya kagaling,” ani Neal, sa wikang Ingles, sa website ng Journey. Para mapatunayan ang totoo, inimbita ng Journey si Arnel sa isang audition sa Amerika. Nang makarating si Arnel sa studio nila, wala pa siya halos tulog galing sa airport pero pinakanta na siya at sinubukang irekord ang boses. Tingin ni Arnel, pumalpak na siya pero laking gulat niya nang sabihin ng Journey na “You got the gig, Arnel!”

Hindi na nagpatumpik-tumpik ang Journey. Kaagad na inirekord ang bago nilang album na Revelation na si Arnel ang bokalista. Pinakanta kay Arnel ang 11 klasikong awitin ng Journey at 11 bagong komposisyon nito. Isinama pa ang isang video disc ng konsiyerto nila sa Las Vegas na nagpatunay kung gaano rin kahusay na tagapagtanghal si Arnel.

Sa unang linggo pa lamang na lumabas ang album higit 100,000 kopya na ang nabenta. Nagkaubusan na ng kopya sa US habang nakaabang bumili ang fans sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Umakyat na kaagad ang album sa Billboard Charts bilang No.1 independent album. Sa mga konsiyerto ng Journey sa Chile, UK, Germany, Scotland at Wales, iisa ang sinasabi tungkol kay Arnel – “Amazing! Awesome! Unbelievable!” Hindi lamang dahil sa nakamamatay at madamdaming boses kundi sa pagiging dynamo sa entablado – tumatalon, lumulukso, tumatakbo – kaya’t naghuhumiyaw sa tuwa kahit ang hard-core fans ng Journey mula sa iba’t ibang lahi.

Pero ang higit na natutuwa ay ang mga kababayang Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Todo ang kanilang uporta kay Arnel. Hindi kasi sanay ang karaniwang Pinoy na hinahangaan ng ibang lahi. Masaklap ang kalagayan ng maraming OFW sa iba’t ibang bahagi ng mundo, at sa paghanga kay Arnel ay naiaangat ang kanilang dangal kahit bahagya. Pinagsisigawan nila sa mundo – “Magaling ang Pinoy!” Isa pa, salat ang mga Pinoy sa tunay na mga idolo o bayani na hindi nila nakikita sa mga lider ng sariling bansa. At kakaiba ang mga tulad ni Arnel na nagtagumpay dahil sa sariling talento at pagsusumikhay. Marahil ay bitbit ni Arnel ang kanilang pangarap na balang araw sila man ay magtatagumpay matapos ang patung-patong na kalbaryo at sakripisyo.

Pero ang isa pang nakatutuwa kay Arnel ay hindi siya namamanginoon sa mga puti. “Regular guys” ang tawag niya sa mga kabanda sa Journey. Bagaman sikat na siya, ang turing niya sa Journey ay isa pa ring “trabaho.” Bakit nga naman hindi. Pamatay ang iskedyul ng kanilang tours. Halos walang pahinga. Isa o dalawang araw lang, lipat agad ng ibang siyudad, kahit sabihin pang nasa US o Europa ka. Sa loob ng lima o anim na buwan na tuluy-tuloy na konsiyerto, pare-pareho lang ang kinakanta niya (hindi kaya siya nagsasawa?). Kailangan niyang mag-vocalize ng isang oras araw-araw, mag-ehersisyo, kumain lamang ng gulay, isda at prutas para maalagaan ang boses at katawan. Bawal magkasipon, bawal mamalat, bawal magkasakit. Higit pa sa lahat, malayo siya sa pamilya.

Ngunit tiniis niya lahat ng ito para sa kanyang pamilya. Naranasan niyang maghirap, tumira sa kalsada, mamalimos sa kamag-anak, magutom. Mga karanasang hinuhugutan niya ng pait at saya sa pagkanta. Hindi na niya papayagan pang maulit ito sa kanya at sa mga anak niya. Sa kabila nito, hindi nawawala sa kanya ang ngumiti, magbiro at tumawa sa gitna ng mga hirap, na Pinoy na Pinoy talaga. Kaya naman mas malamang kaysa hindi na tumagal siya sa kanyang journey. At para sa mga kritiko at tagahanga, wala silang sasabihin kundi “Arnel rocks!