News Update
Astang populista
Carol Pagaduan-Araullo
NAI-IMAGINE kong pinupuri ng mga tagabalangkas ng estratehiyang pampulitika ng rehimeng Arroyo ang sarili dahil matagumpay nilang nailihis ang atensiyon ng midya’t publiko palayo sa krisis sa bigas at langis at sa bagsak na ekonomiya sa pamamagitan ng astang populista ni Gng. Arroyo – pagpapababa ng singil sa kuryente, pagpigil sa pagtaas ng matrikula sa pampublikong mga kolehiyo’t unibersidad, at pagtutulak na maging libre ang pagte-text.
Malas nga lang ni Gng. Arroyo at ng mga bataan niya, dahil bagsak ang kredibilidad niya at madaming butas ang taktikang pampropaganda nila, bubuwelta ang tangka nilang isisi sa kahit sino liban sa rehimeng Arroyo ang kahirapang pang-ekonomiya.
Suriin natin, bilang halimbawa, ang panawagang ibaba ang singil sa kuryente. Sa kabila ng pagkabahalang walang kakahantungan ang gulong dulot ng giyerang pang-midya ng Meralco at Napocor, mga imbestigasyon ng kongreso, at labanan sa boardroom para makontrol ang Meralco sa pagitan ng angkang Lopez at ni Winston Garcia, umaasa pa rin ang mga taong mababawasan ang singil sa kuryente.
Magkakagayon kaya? Puwede, sa isang antas. Puwedeng bawasan ng Napocor ang generation rates pagdating ng tag-ulan at mas episyenteng gamitin ang mga hydroelectric dam; bababa rin ang konsumo ng kuryente pagdating ng panahong mas malamig; at kung isasauli ang deposito sa metro na binayaran ng bawat konsiyumer na ayon sa Energy Regulatory Commission ay dapat isauli.
Nang malaki? Duda kami. Nariyan pa ang Epira (Electric Power Industry Reform Act ng 2002), na nagsuko ng pagdireksiyon at kontrol ng gobyerno sa industriya ng kuryente. Patuloy ang pagsasapribado ng paglikom at paghahatid ng kuryente, at nilalamon ng mga multinasyunal at mga kroni-kapitalista ni Arroyo ang mga pag-aaring ito ng estado. Inaako naman ng gobyerno ang napakalaking utang ng Napocor, na ipapasa sa walang kamalay-malay na mga konsiyumer.
Nariyan pa ang maanomalya at pabigat na mga kontrata ng Napocor at mga IPP (independent power producers), na may probisyong bibilhin at babayaran ng Napocor ang lahat ng nakontratang kuryente, nagamit man o ibinentang muli sa mga power distributor tulad ng Meralco. Ang totoo, nauna pa sila sa mga kontrata ng Meralco at mga IPP na pag-aari ng mga Lopez. (Bumibili ang Meralco ng kuryente sa mga kapatid nitong kompanya kahit na mas mataas ang singil ng huli sa singil ng Napocor o sa wholesale electricity spot market.)
Ayaw magbigay ng rehimeng Arroyo ng eksempsiyon sa VAT sa mga nagbebenta ng kuryente. Inuulit ng mga opisyal sa pinansiya ang linyang tatanggalin nito sa gobyerno ng kitang kailangan para sa imprastruktura at mga serbisyong panlipunan. Pinagtatakpan nilang pinakamalaking gastusin ng gobyerno ang pambayad sa utang panlabas, di-nao-audit na pork barrel ng Presidente kasama ang pondo sa paniktik, at programang kontra-insurhensiya. Ibig sabihin: Pag-aaksaya ng gobyerno, maling mga priyoridad, at dambuhalang korupsiyon.
Kahit ang paglalantad ng mga alyado ni Arroyo sa Kongreso sa pagpapasa ng Meralco ng mga kapalpakan at overhead costs nito sa mga konsiyumer sa balatkayo ng “systems loss” ay hindi nagluwal ng panukalang batas – na puwedeng sertipikahang kagyat ng Malakanyang – na nag-aatras sa batas na naglelegalisa sa gayong pagpapasa.
Magiging matagalan ang labanan sa Meralco: Masasantabi ang mga konsiyumer at ang sambayanan ng mga maniobra at ng lantarang pakikialam ng gobyerno sa kabila ng mga pagsisikap ng angkang Lopez na kontrolin pa rin ang kompanyang tumutubo nang malaki. Gustong papaniwalain ni G. Garcia ang publiko na pagpapababa lang ng singil sa kuryente ang interes niya. Nagiging di kapani-paniwala ang mga pahayag niya, gayunman, dahil malapit siya sa angkang Aboitiz (malaking negosyante ng kuryente sa Kabisayaan), at lantad siyang loyalista ni Arroyo.
Ang tanging paraan para makapagkamit ang mga mamamayan ng ginhawang pang-ekonomiya sa tunggaliang ito ay ang isulong nila ang tunay na adyenda ng reporma sa kuryente: Manawagang pag-aaralan at ibasura ang Epira, muling ipailalim sa negosasyon ang mga kontrata ng Napocor at mga IPP, kagyat na tanggalin ang VAT sa kuryente, at itigil ang di-makatarungang pagpapasa ng Meralco at iba pang distributor ng singil sa systems loss sa kanilang mga kustomer.
Sa kabila ng taktika ni Gng. Arroyo na gamitin ang popular na mga panawagan para makatawid-buhay sa pulitika, hindi siya tatalikod sa mga patakaran at programang neoliberal.
Pabababain kaya ng rehimeng Arroyo ang presyo ng susing mga kalakal at serbisyo sa natitirang dalawang taon sa nakaw nitong termino? Huwag tayong umasa.
Pinaikling salin ng orihinal na Ingles na nalathala sa Business World, 30-31 Mayo 2008.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS