News Update

Bagong proyekto ng DOTC, ala-NBN-ZTE?

in
Noel Sales Barcelona

BINABALAAN ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang DOTC (Department of Transportation and Communication) sa binabalak nitong muling pagbuhay sa kontrobersiyal na kontratang NBN (national broadband network) sa pamamagitan ng DOTC Information Infrastructure Project o DIIP.

Naunang inamin ni Sek. Leandro Mendoza ng DOTC na mala-“NBN” ang kanilang nilulutong proyekto na binigyan ng inisyal na pondong P300 Milyon, na pinagdaragdagan pa ng ahensiya sa DBM (Department of Budget and Management).

Ani Casiño, bago isulong ng DOTC ang DIIP, kailangang sagutin muna ng ahensiya ang mga katanungan kung saan kukunin ang pondo, sino ang magpopondo at sino ang magiging suplayer ng mga kakailanganing kagamitan para maisakatuparan ang proyekto.

Aniya, hindi niya matandaan na kasama sa badyet ang P300-M na DIIP, ni hindi ito nabanggit sa deliberasyon ng pambansang badyet para sa 2008.

Pangamba kasi ng kongresista, baka isa lamang panlalansi ang DIIP para tuluy-tuloy na maibalik ang proyektong NBN na malaon nang “nailibing” dahil na rin sa salasalabat na alegasyon ng korupsiyon, kaugnay nang kung paano nayari ang kasunduan.

“Mukhang ang balak nila, tilad-tilarin ang kontrata (NBN-ZTE), para hindi mahalata at matapos noon, malalaman na lamang natin na nailusot na ang proyekto,” paliwanag ni Casiño, na miyembro ng House Committee on Information and Communications Technology.

Sa naunang balak, pag-uugnay-ugnayin—sa pamamagitan ng internet—ang 21 ahensiya ng gobyerno. Sa NBN, sinasabing lalong mapabibilis ang transaksiyon ng at pakikipagtransaksiyon sa, gobyerno.

Bukod sa P300-M na DIIP, may balak ding katulad na proyekto na gagawin sa loob naman ng Philippine Postal Corporation na may pondong P1.4 Bilyon.

Samantala, may mga balitang nakarating kay Casiño na patuloy na hinihingi ng mga kasangkot sa naunsiyaming NBN-ZTE deal ang kanilang “parte” sa kasunduan.

“Ayon sa mga nakausap natin, iyon nga, isinasapakete sa ibang anyo ang NBN-ZTE para makaligtas sa pagbatikos ng publiko. May mga nakapagbalita rin sa akin na dahil naibigay na iyong parte sa kurakot sa grupo ni dating Comelec (Commission on Elections) chairman Benjamin Abalos at sa Unang Ginoo, at hindi naman ito napasauli, inaasahan ng mga Pilipinong kontrapelo ng kompanyang ZTE na maitutuloy nga iyong programa,” mahabang paliwanag ni Casiño.

Sa kabilang banda, pinayuhan ng mambabatas si Mendoza na pormal na isama sa badyet ng DOTC ang DIIP para mabusisi nang husto sa deliberasyon ng badyet.