News Update
Balik-eskuwela
Gertrudes Ranjo-Libang
KAMUSTA, mga mare? Kahapon nagsimula na ang klase. Para sa may mga anak na ngayon palang papasok sa eskwela, tiyak marami sa kanila ang nag-iyakan. Pero higit dun, mas maraming nanay ang mangiyak-ngiyak sa taas ng halaga ng edukasyon dito sa ating bansa.
Aba’y hindi biro ang magpa-aral ngayon kahit pa sa public school nag-aaral ang mga bata. Walang mang bayad ang matrikula, marami pa ring bayarin at donasyon na hinihingi sa mga magulang dahil napakalaki ng kakulangan ng binibigay na badyet ng gobyerno sa mga eskwelahang pampubliko.
At ito namang si Madam Gloria, nakuha pang magmalaki na may naipagawa itong 78,448 na bagong silid-aralan. Pero bakit nagsisiksikan pa rin ang 50 hanggang 60 estudyante sa isang silid-aralan? Paano matututo ang mga bata kung nagsisiksikin sila sa isang mainit na silid-aralan at halos hindi mapansin ng guro kung sila ba’y nakikinig o hindi, gising o tulog, absent o present? Kung totoo mang nakapagpagawa si Gloria ng mga bagong silid-aralan, hindi ito sapat.
Kapos-kapos na nga ang gamit sa eskuwela, ngayo’y mababalitaan pa natin na nagkamali pa ang Department of Education. Sa halip na mapunta sa mga eskuwelahang may pangangailangan, sa ibang eskuwelahan naitalaga ang mga bagong silid-aralan at upuan. Paano ba naman tayo magtitiwala sa DepEd na simpleng division at matching lang, hindi pa magawa ng maayos? Sangkot pa rin sa kontrobersiya ang DepEd dahil sa mga mali na nilalaman ng mga textbooks kinontrata ng DepEd. Ilang ulit na itong nireklamo at sinabi pa ni DepEd Secretary Jesli Lapus na papalitan ang mga librong maraming mali pero hindi pa nangyayari ito.
Isipin niyo na lang, mga mare, nagpapakahirap tayong mag-ipon, mangutang o manghingi para lang makapag-aral ang ating mga anak pero pagdating sa eskuwelahan, magsisiksikan ang mga bata sa kakarampot na silid-aralan, gitgitan sa kapirasong bangko, hindi marinig ang sinasabi ng guro at magbabasa ng librong mali-mali naman pala ang laman.
Nakapasaklap ng karanasan sa edukasyon ng napakaraming bata at kabataang Pilipino. Ngunit tayong mga nanay ay patuloy na nagsisikap na pag-aralin sila dahil umaasang sa pagtatapos nila sa eskwela, makakahanap sila ng magandang trabaho at mabubuhay ang sarili at ang magiging mga anak nila. Pinagsisikapan nating mapag-aral ang mga bata kahit pa alam natin na sa panahon ngayon, sa papatinding krisis, hindi kaseguruhan ang inabot na antas ng pag-aaral para makakuha ng trabaho.
Ang edukasyon sa Pilipinas ay hindi para bigyan ng sapat ng karunungan at kaalaman ang mga bata at kabataan. Hindi ito para ihanda sila sa kanilang kinabukasan. Komersyalisado ang edukasyon sa bansa, ibig sabihi’y ang edukasyon ay para pagkakakitaan ng iilan. Hindi kailanman sasapat ang ibinibigay na badyet ng gubyerno para sa edukasyon. Pinakamalaki man ang bahagi ng pambansang badyet sa edukasyon, napakarami naman ang naghahati-hati dito kaya’t sa suma-tutal, halos barya-barya na lang ang napupunta sa bawat eskwelahan, lalo pa’t kabi-kabila ang kaso ng korupsyon. Kaliwa’t kanan ang mga kurakot na serbisyo publiko kuno pero ninanakawan ang ating mga anak (52,000 silid-aralan na sana ang nagawa sa halaga ng anomalya sa ZTE-NBN Deal at 8.5 M textbooks para sa highschool na sana ang nabili sa halaga ng kinurakot sa poll automation ng COMELEC).
Hindi man nila alam ngayon, may dahilang maiyak ang mga bata sa unang araw ng pasukan sa eskwelahan... dahil napakalungkot ng sitwasyon ng edukasyon sa Pilipinas.
- Login or register to post comments
- Printer-friendly version
RSS