News Update

Insomya

MALAKING bagahe ang hindi pagkakatulog, lalo na kung ito ay umaabot na sa ikaw ay may regular nang insomya. Maaaring dahilan ang mga pisikal, mental at emosyonal na problema, kaya’t dapat ay lumikha ng positibong pagharap dito. Narito ang ilang mga tip:

 

• Ipermanente na ang silid ay para sa tulugan lamang. Hindi mainam na ituring ang silid bilang kuwentahan ng utang, mga trabahong tatapusin, at iba pa. I mind-set na ang silid-tulugan ay para sa pagpapahinga at pagtulog lamang.

• Iwasan ang sigarilyo, kape o alak bago matulog. Gaya ng sigarilyo, maaaring abalahin ng alkohol ang normal na daloy ng pagtulog kahit ito ay pampakalma. Nagpapasikip ng tinatawag na respiratory airways ang sigarilyo at sinusunog ang mucous lining, na nagdudulot sa pagbabara nito kaya’t nahihirapang maging normal ang paghinga.

• Iwasan ang malabis na pagkain bago matulog.

• Iwasan nang bumangon, uminom o kumain kapag hindi makatulog. Mainam na lamang ang manatiling nakahiga.

• Iwasan ang matagal na pagtulog tuwing may libreng oras o “pagbawi ng tulog”. Nakakapagpapanibago ito ng panloob na orasan ng katawan o kilala sa tawag na ‘body clock’.

• Kung gagawa ng iskedyul sa mga magiging gawain kinabukasan, gawin ang mga ito nang ilang oras bago magpahinga upang magkaroon ng panatag na pag-iisip.

• Iwasang bumangon nang mas maaga kaysa sa talagang gising. Sikaping makatulog muli kapag nagising nang mas maaga.

• Hindi ipinapayong magtutulog sa loob ng maghapon. Lalo lamang itong makakapagpalala ng hindi pagkakatulog sa gabi.

• Matulog sa isang komportableng posisyon, iwasang matulog nang nakadapa.

• Iwasang gumamit ng matapang na kemikal upang maglinis ng silid.

• Hangga’t maaari, huwag itabi ang mga alagang aso o pusa sa inyong kama.

• Matulog nang malinis ang mukha, walang natirang meyk-ap o pabango sa katawan.

• Magpaaraw sa umaga pagkagising

• Huwag mahiga agad kapag nakaramdam nang pagkapagod. Hintayin ang talagang oras ng pagtulog at huwag magpapalit-palit ng oras sa pagtulog

• Magkaroon ng regular na oras para sa pagkain, pagtulog, at paggising.